Ikatatlumpu't Dalawa

323 46 4
                                    

BUMAGSAK si Lycan sa harapan ng pamayanan ng mga Mangyan sa gitna ng Halcon. Pagkakita nga sa kanya ng isa sa mga narito ay humangos nitong tinulungan ang binata.

"Mga kasama, si Lycan!" Bulalas nito at ang lahat ng mga Mangyan ay nagsilabasan mula sa kani-kanilang mga bahay na gawa sa dahon at kahoy.

Mabilis nilang dinala si Lycan sa tirahan ni Lantaw upang doon bigyan ng lunas. Nakita nila na sira-sira ang kasuotan ng binata at maraming dugong nagmarka sa katawan nito.

Umaga na nang mga sandaling iyon. Maliwanag na rin sa paligid at ang araw ay unti-unti nang tumataas.

Nilakad lamang ni Lycan ang landas patungo rito. Naglakad siya na ang bilis ay kagaya lang ng sa normal na mortal. Dahil sa paglabas ng itim nitong presensya, tila naubos ang lakas nito.

Dumaan ang tanghali ngunit nanatiling tulog si Lycan sa kubo ni Lantaw.

"Masaya akong makita siyang muli," winika ni Lantaw sa kanyang kasamang si Kahil na isa ring katutubong Mangyan.

"Kumusta ang Itinakda?" Bigla namang itinanong ng dumating na si Leon, isa sa mga Pangil.

"Mabuti naman siya Leon. Wari ko'y may nakalaban siyang itim na lobo sa kanyang pagtahak dito." Seryosong sagot ni Lantaw.

"Natitiyak kong sa gabi na sila sasalakay at kailangan nating magawang labanan ang pwersa nila... Nasaan na kaya sina Koga? Bakit hindi kasama ng Itinakda ang ating Pinuno?" Winika naman ni Leon na seryosong pinagmasdan ang natutulog na si Lycan.

"Iyan din ang iniisip ko. Dapat ay narito na siya, ngunit dumaan na ang pinakamatarik na posisyon ng araw pero hindi ko pa rin nararamdaman ang kanyang presensya sa paligid," tugon naman ni Lantaw na seryosong pinagmasdan si Leon.

Natahimik ang dalawa sa loob habang pinagmamasdan ang binata sa gilid nila.

Samantala, sa lugar kung saan naganap ang pakikipaglaban ng pula sa itim na loob, naroon ang napakaraming bangkay ng mga lobo. Maraming nasawi sa engkwentrong iyon.

Naliligo sa dugo ang paligid habang may ibang mga katawan ang nakahandusay at ang katawan ay tila binuksan ng kung ano.

Wala na ang mga lamang-loob nito, pati na nga rin ang puso ng mga ito.

Marami sa panig ng itim na lobo ang nasawi at ganoon din sa mga pulang-lobo.

Pero sa labang iyon, ang pulang lobo ang nagwagi. Isang pulang lobo ang kumitil sa buhay ng mga itim na lobo na naroon.

Seryosong pinasok ni Koga ang kagubatan habang nagliliwanag ang kanyang mapupulang mga matang-lobo. Kasabay rin noon ay ang pagngisi ng labi nito.

Sira-sira na ang kasuotan ni Koga sa pag-alis nito. Patunay na napalaban ito nang matindi.

Napakaraming dugo rin ang makikita sa palibot ng bibig nito. Dinilaan pa nga nito iyon at pagkatapos ay umalulong ito.

"Sa oras na kainin mo ang mga itim na lobo. Bibigyan ka nito ng dagdag kapangyarihan. Makakaya mong sabayan ang Panginoon nila kapag nakakain ka ng lamang-loob ng kanilang mga kasama."

Si Koga lamang ang nakaligtas sa pwersa ng pulang-lobo. Lahat ng kanyang mga kasama ay nasawi dahil sa mga malalakas na kanilang nakalaban.


9-26-20

Ang Mata ni Lycan (COMPLETED)Where stories live. Discover now