Ikadalawampu't Dalawa

370 46 8
                                    

MULING nagtungo sina Koga at Lycan sa Bulusan Park. Ito ay matapos magpatawag si Koga ng isang biglaang pakikipagkita sa mga pulang lobo na nasa siyudad.

Pagdating ni Lycan sa kagubatan ay binuksan na niya muli ang kanyang kabilang mata. Sandali siyang napatingin kay Koga na napapansin niyang kanina pang seryoso. Naalala rin niya nang maramdaman niya ang presensya nito kanina-- puno ng galit at inis iyon.

Isa pa, nararamdaman din niya ang malaking bilang ng mga lobo na nasa paligid. Pagkadating pa lang nila sa loob ng gubat ay may mga nagsilitawang mga nilalang na sinabayan sila sa paglalakad.

May matanda, may mga hindi gaanong katandaan at mayroon din kasing-edad niya.

Nararamdaman ni Lycan ang tensyon sa mga ito. Isa pa, nang makita siya ng mga ito ay tila napukaw ang atensyon ng mga ito sa kanya.

"Pinunong Koga, siya ba ang Itinakda?" Tanong ng isang lalaking may maputi nang buhok at nakasuot ng pormal na kasuotan.

"Siya nga, Rogelio--" seryosong sinabi ni Koga.

Tila normal lang ang bilis ng kanilang paglalakad kung titingnan ngunit, sa normal na tao, tumatakbo na ang mga ito nang mga oras na iyon.

Narating nga nila ang gitna ng kagubatan. Marami na rin ang naghihintay roon. May isang grupo na nakaitim lang ng damit at may ilang umiiyak nang mga sandaling iyon habang nakaharap sa nasa sampung mga kabaong.

Naramdaman ni Lycan ang pighati at kalungkutan sa mga iyon, tila iyon ang tinutukoy ni Koga sa kanya na pinaslang ng mga itim na lobo.

Pagkakita sa kanila ng mga nauna sa lugar ng pagpupulungan ay agad na umayos ang mga ito. Nasa mahigit isandaang mga pulang lobo ito na nag-aanyong tao sa siyudad.

May ilan ditong kasama ang kanilang mga anak, may ilang bata pa at mayroon ding nasa tama nang edad.

"Magandang araw, pinunong Koga," wika ng isang binata kasama ng isa pang babaeng kaedad nito. Ito ay ang dalawang anak ni Martina, ang Pangil na pinaslang kagabi.

"Hindi ko ginusto ang nangyari kay Martina. Pero nasisiguro kong gagabayan siya ng kanyang mga pangil patungo kay Bathala," seryosong sinabi ni Koga sa dalawa na pinipigilang lumabas ang mga luha. Tinapik niya ang mga balikat nito at pagkatapos ay sandali ring kinausap ang iba pang mga pamilyang naulila ng kanilang mga kasamahan.

"Parte na ito ng pagiging lobo natin. May mga mamatay. May mga masasawi-- pero pagkatapos nito, kailangan nating maging matapang." Sabi ni Koga na nagsimula nang lumakad habang nilalampasan ang mga kabaong. Pinaiikutan siya ng mga kalahi niya.

"Bukas ng umaga, pupunta tayo kina Lantaw. Natitiyak kong aatake bukas ang mga kalaban natin dahil sa magaganap na New Moon bukas-- natitiyak kong sasamantalahin nila ang pagkakataong iyon upang ubusin ang lahi natin."

Habang nagsasalita si Koga ay siya ring pagsamasama ng mga natitirang siyam na miyembro ng Pangil.

"Iba ang magiging laban natin ngayon-- kakaunti man tayo pagdating sa bilang-- kasama naman natin ang Itinakda!" Pagkasabi noon ni Koga ay biglang nagsiluhod ang lahat habang nakatingin sa binatang si Lycan.

Nabigla si Lycan nang makita iyon. Hindi siya sanay sa ganitong senaryo. Kahit sa tribo nina Lantaw, ni minsan ay hindi nagpakita ang mga ito ng ganitong paggalang.

Hindi alam ni Lycan ang ikikilos nang mga sandaling iyon hanggang sa nilapitan siya ni Koga at hinawakan sa balikat.

"Lycan-- marami na ang namatay sa lahi natin. Siguro'y oras na para tapusin ang digmaang ito," seryosong sinabi ni Koga rito.

"Sa oras na mapatay mo ang panginoon ng itim na lobo-- ang lahat ng abilidad ng lahi nito na maging lobo, kasama na ang pambihirang lakas tuwing nasa anyong tao ay mawawala."

"Babalik sa pagiging normal na tao ang mga itim na lobo at kapag nangyari iyon-- matatahimik na ang lahi nating mga pulang lobo," dagdag pa ni Koga. May ilan nga sa mga kasamahan nila ang hindi naiwasang maging emosyonal lalo na ang mga matatanda.

Sa buong buhay nila, magmula nang isinilang sila sa mundong ito-- nabuhay sila na tumatakbo mula sa mga itim na lobo. Nabuhay silang sinusubukang takasan ang kamatayan mula sa kamay ng mga ito. Namulat sila sa pakikipaglaban sa lahing mas malakas kumpara sa kanila.

9-11-20

Ang Mata ni Lycan (COMPLETED)Where stories live. Discover now