Ikalabing-lima

581 57 4
                                    

ANIM na araw bago sumapit ang New Moon.

Kinaumagahan. Matapos lumabas ni Lycan mula sa tinutuluyang bahay na matatagpuan sa subdibisyon ng Xevera, tumakbo siya papunta sa ibabang bahagi ng lugar. Iyon ay sa parteng ibaba, sa lugar ng kalsada. Pagkatapos ay muli siyang tumakbo patungo naman sa itaas. Pataas at may katarikan ang daanan doon kaya madalas sa mga nakatira rito'y nagpapahatid pa sa traysikel. Karamihan din sa mga nakatira rito'y may ginagamit na sasakyan kaya hindi nahihirapang umakyat.

Pero para kay Lycan, isa iyong magandang lugar upang tumakbo nang maraming beses. Maraming pagtakbo na pataas at pababa sa lugar ang kanyang ginawa. Nagsimula siya ng alas-sais ng umaga at makalipas ang tatlumpong minuto'y bumalik na siyang muli sa bahay ni Koga.

Basang-basa siya ng pawis at may kaunting paghingal. Pagkadating niya sa tapat ng bahay ay bigla siyang tumalon paitaas patungo sa bubongan. Mabuti na lamang at walang ibang nakakita sa kanya, liban na lamang kay Lovelle na biglang lumabas. Nabigla nga ito, pero mas piniling hindi iyon pansinin dahil baka may makakita rito. Nagkukusot pa ito ng mga mata at humihikab pa. Kakabangon lang nito mula sa pagkakatulog.

Seryoso namang pinagmamasdan ni Lycan ang mga lugar na natatanaw niya sa itaas. Ang malawak na kalupaang may mga bahay at ilang gusali. Ang karagatan. Ang kabilang kalupaan ng Luzon. Ang mga ulap at ang asul na langit. Ang sumisikat na araw sa silangan at ang huli niyang pinagmasdan ay ang mataas na kabundukan sa kaliwa niya, ang Bundok Halcon.

Lumanghap siya ng hangin.

"Isang magandang umaga. Maraming salamat mahal naming Makaako..." Pinagdaop ni Lycan ang kanyang mga palad. Sandali niyang ipinikit ang kanyang isang mata at pagkamulat mula nito ay umalulong siya nang tila isang lobo.

Napatakbo palabas ng terasa si Lovelle sa narinig. Napatingin siya sa taas at may masungit na itsura.

"Hoy! Nasisiraan ka na ba ng ulo? Mabubulabog mga kapitbahay namin dito!" Lumingon-lingon pa si Lovelle sa paligid. Nakahinga na lang siya nang maluwag dahil wala pang lumalabas para tignan ang pinagmulan ng ingay. Dahil kung nagkataon, baka pag-isipan sila na nagpapatuloy ng baliw.

Napatingin naman ang isang mata ni Lycan sa dalagang nasa ibaba. Nakasuot ng puting tshirt at bulaklakang rosas na padyama ang dalaga. Gulo-gulo rin ang buhok nito habang nakatingin ng masama sa kanya.

Pasimpleng humakbang paibaba si Lycan at maayos na lumapag sa harapan ng dalaga.

"Sino ka?" tanong ni Lycan.

Natigilan si Lovelle sa narinig. Unti-unting kumunot ang noo nito. Napasama ito ng tingin sa kaharap. Batid nitong ang nasa harapan ay ang sinabi ng ama na Itinakda raw. Ngunit para sa kanya, isa simpleng indibidwal lamang si Lycan.

"N-naku..." wika ni Lovelle at bigla itong may naisip.

"Normal na sampal lang ang gagawin ko. Kung mahusay kang lobo, magagawa mo itong makita at iwasan..." sabi ng dalaga sa sarili. Matapos iyon ay binigyan niya ng sampal si Lycan.

Umalingawngaw ang tunog ng paglagitik ng kanang palad ni Lovelle sa kaliwang pisngi ni Lycan. Eksakto ring nakita iyon ni Koga at ng asawa nito na kakalabas lamang ng bahay. Kitang-kita nila ang ginawa ng kanilang anak.

"Jusmiyo Lovelle? Ano'ng ginawa mo?" Napatakbo si Aling Sonia at hinawakan ang anak.

"P-paumanhin Lycan... Pasensya ka na sa anak ko..." dagdag pa ng mama ni Lovelle na pasimpleng kinurot sa tagiliran ang anak dahilan para mapaigik ito nang bahagya.

"Lovelle... Bakit mo ginawa iyon?" seryoso at may talim namang tanong ng amang si Koga. Napayuko tuloy ang anak nito.

"P-papa... M-mama... Sorry po..." wika ng dalagang anak. Napakuyom ito ng kanang kamao at napahikbi. Sinulyapan nito si Lycan at nakaramdam siya ng kaunting inis dahil tila walang emosyon ang binata. Nahiya siya dahil parang siya pa ang nagmukhang baliw.

"Nakakainis ka! Ni hindi mo man lang inilagan o pinigilan ang sampal ko. Wrong timing pa sina Papa... What a morning!" sabi na lang ng dalaga sa kanyang sarili. Tiningnan niya si Lycan. Sa isang mata nito. Nailang siya nang bahagya dahil nakasara ang kabilang mata ng binata. Tila nawiwirduhan siya.

"Pasensya ka na..." mahinang sabi ni Lovelle. Ang totoo'y pakitang-tao lang iyon. Lalo siyang naasar sa binata.

"Imposibleng ikaw ang itinakda... Napaka-boring ng dating mo..." sabi pa ni Lovelle sa isip. Ibang-iba sa mga napapanood niya sa telebisyon.

"Wala akong naramdamang masamang intensyon sa iyong ginawa kaya minabuti kong huwag ng iwasan ang ginawa mo," seryosong sabi ni Lycan na blanko ang emosyon habang pinagmamasdan ang dalaga.

"Ang nais ko lang malaman ay kung sino ka?"

Lalong nakaramdam ng inis si Lovelle sa narinig. Napaismid naman sina Koga at ang asawa nito.

"Siya ang anak naming si Lovelle..." pagpapakilala muli ni Aling Sonia sa anak.

"Lovelle, mukhang hindi ka niya nakilala dahil sa itsura mo. At baka iba ang amoy mo kapag bagong gising ka," wika naman ni Koga at napatawa ang mag-asawa. Dumaloy naman sa buong katawan ni Lovelle ang pagkahiya. Napakaripas tuloy ito ng pagpasok sa loob ng bahay.

"I hate you Papa!" pahabol pa ng dalaga. Si Lycan naman ay tila walang pakialam sa mga nangyari. Matapos iyon ay pumasok na rin si Aling Sonia sa loob ng bahay. Naiwan sa terasa si Koga at Lycan.

"Mamaya, tutungo tayo sa mga kasamahan natin..."

"Ipapakilala kita sa mga pulang-lobo na naninirahan dito sa patag."

11-23-18

Makaako: Ito ang Bathala ng mga katutubong Mangyan. Ito ang kinikilala nilang lumikha sa lahat ng tao sa pamamagitan ng pagtingin lamang.

Ang Mata ni Lycan (COMPLETED)Where stories live. Discover now