Ikalabing-Pito

637 62 5
                                    

LIMANG araw bago sumapit ang New Moon. Araw ng Sabado.

Lumabas mula sa kwarto si Lovelle. Nakasuot ito ng pang-alis na damit. Itim na pantaas at itim din na pantalon na tila nagpalitaw ng medyo mapusyaw na kulay ng kutis nito. Tinernohan pa niya iyon ng pagsusuot ng puting sapatos. Humahalimuyak din ang pabango nito. Kung titingnan ay dalaga na nga ang anak nina Koga.

"Mukhang may lakad ka anak," wika ni Aling Susan na kasalukuyang naghuhugas ng pinggan sa kusina. Natanaw nito ang paglabas ng anak.

"Opo Mama, may bibilhin lang po ako. Mga gamit sa school at para dun sa aming project," sagot naman ni Lovelle na lumapit din sa ina nito.

"Uuwi rin po ako before lunch," dagdag pa ng dalaga. Napatingin pa nga ito sa suot na silver na relo sa kaliwang bisig. Mag-aalas nuwebe na ng umaga.

Nang mga sandaling iyon ay bumukas ang pinto ng banyo nila na ilang hakbang lang mula sa pinaghuhugasan ng pinggan ni Aling Susan. Iyon ay ang ama ni Lovelle na si Koga. Nakasuot ito ng maong na pang-ibaba habang pinupunasan ang basang buhok gamit ang puting tuwalya.

"Baka may ka-date ka? Umamin ka, may boyfriend ka na ba?"

"Imposible Papa! Wala akong boyfriend. Nag-aaral pa ako..." mabilis na sagot ni Lovelle na natatawa na lang.

"Hanggang crush lang Papa."

Inilagay ni Koga ang tuwalya sa balikat at iniikot ito padaan sa batok patungo sa kabilang balikat. Nagpunas ito ng paa sa basahang nasa sahig ng bahay. Pagkatapos ay tiningnan ang anak.

"Kung gano'n, isama mo si Lycan sa pagbili mo," wika ni Koga na ikinaseryoso ng anak. Nang mga sandaling iyon ay nasa labas si Lycan. Nakaupo sa terasa habang pinagmamasdan ang kawalan.

"Papa! Ayaw ko! Baka kung ano'ng gawin niya sa bayan," wika ni Lovelle sa amang hinabol pa nito nang pumasok sa loob ng silid nilang mag-asawa. Kinuha nito ang pitakang itim sa loob ng pantalong nakasabit sa likod ng pintuan at kumuha ng pera.

"Sige na anak. Isama mo na ang Itinakda. Ipasyal mo siya bago kami tumungo sa Halcon," pakiusap ng ama sa dalagang anak na nakangiti pang iniabot ang isang libong pera na papel.

"Ayan, bibigyan ko na rin ikaw ng pera..."

Gustong tanggihan ng dalaga ang ama, kaso, sayang daw ang pera. Napasimangot na lang ito.

"Sige na nga! Naku Papa, huwag lang gagawa ng hindi maganda iyan... Iiwanan ko iyan."

"Huwag kang mag-alala, hindi gagawa si Lycan ng kung ano sa bayan," wika ni Koga na hindi sigurado sa sinabi.

"Napaka-VIP naman ng mokong na ito. Pero sayang ang 1k. Bahala na. Itinakdang kalokohan!" Isip-isip ni Lovelle na pasimple pang sumulyap sa nakabukas na pinto ng bahay nila. Sa kinauupuan ni Lycan sa terasa.

Bilang Itinakda, puros pagsasanay ang ginawa ni Lycan sa bundok Halcon. Madalas ay iniikot nito ang kabundukan upang magbantay. Ang pag-aaliw ay isang bagay na hindi naranasan nito. Kaya gusto itong iparanas ni Koga rito. Naisip niyang isama ito sa anak dahil magkaedad lang ang dalawa at parehong mga kabataan. Kung siya ang sasama ay baka hindi makaramdam ng kaaliwan ang binata.

"Salamat anak," wika ni Koga sa anak. Ngumiti na nga lang ng pilit si Lovelle at pumasok uli sa kwarto nito para magpalipas ng oras habang pag-aayusin ng sarili si Lycan.

Nakakain na ng agahan si Lycan. Pinaligo na lamang ito ni Koga. Pagkatapos ay humanap ito ng pinagliitang damit at ipinasuot sa binata. May pinagliitan din siyang sapatos at isinuot din ito ng binata.

Kahit papaano'y nagmukhang taga-patag si Lycan. May kahabaan nga lang ang buhok nito dahil matagal na panahon na rin ng huli itong maputulan. Pinagsuot din ni Koga ng shades si Lycan, iyon ay upang hindi magtaka ang makakakita rito kung bakit nakapikit ang kaliwang mata ng binata.

Ang Mata ni Lycan (COMPLETED)Kde žijí příběhy. Začni objevovat