Ikadalawampu't Siyam

337 42 3
                                    

BAGO magsimula ang laban. May sinabi si Koga kay Lycan habang sila ay nasa taas ng trak na kanilang sinasakyan. Iyon ay ilang segundo ang nakakaraan nang maramdaman nilang tila may kalabang naghihintay sa kanila sa dulo ng daanang tinatahak ng kanilang sinasakyan.

"Lycan... Mas mabuting mauna ka na kina Lantaw. Hindi tayo nakakasigurong narito lamang ang lahat ng itim na lobo. Batid kong may ilang papunta na rin doon," wika ni Koga sa binata.

"Mabuting makapunta ka na agad. Susunod kami. Bago sumikat ang araw... Wari ko'y naroon na rin kami," dagdag pa ni Koga na seryosong pinagmamasdan ang kanilang binabaybay na kalupaan sa gitna ng kagubatan.

Tumango si Lycan, batid niyang mabuti kung pupunta na siya. Hindi nila alam ang balak ng mga itim na lobo.

Tumalon na nga si Lycan mula sa trak. Pagkapasok niya sa madilim na kagubatan. Siya namang paglamon sa kanya ng kadilimang bumabalot doon.

Seryoso na lamang nga na pinagmasdan ni Koga ang pag-alis ng binata. Pagkatapos, pinaghanda na niya ang lahat. Nababatid niyang aatake na ang kanilang mga kalaban anumang oras.

Mabilis na tinakbo ni Lycan ang kagubatan. Napakadali lang nito para sa kanya. Isa pa, sanay na sanay siya kapag narito. Sa gubat, napakatalas ng kanyang pang-amoy, pandinig at pandama.

Sa kabila ng kadiliman at kasukalan dito, tila wala lang ito para sa kanya. Ang mga lobo ay may katangiang maging malinaw ang mga mata sa dilim. Isa itong katangiang talagang kapaki-pakinabang lalo't mas aktibo sila sa ganitong mga sandali.

Sa mabilis na pagtakbo ni Lycan, may isang malakas na presensya siyang naramdaman. Sigurado siya, isa itong malakas na itim na lobo.

Sa pagdating niya sa isang bakanteng parte ng kagubatan. Dito na nga siya biglang napahinto.

May mga kaluskos siyang naramdaman sa mga nagkakapalang mga damo sa kanyang harapan.

Napakuyom ng kamao si Lycan. Batid niyang malakas ang isang ito.

Isang alulong mula sa itaas ang kanyang narinig. Sa pagtingin niya ay siya namang mabilis na pagkalaho ng imaheng nakakubli sa kadiliman ng gubat.

Mula sa itaas, isang itim na lobo ang sa kanyang umatake at mula sa ibaba-- isang napakabilis din na kalaban ang kasalukuyang bumubulusok palapit sa kanya.

Kumawala ang malakas na hangin sa buong paligid.

Sinalag ni Lycan gamit ang kanyang kaliwang kamay ang mga kuko ng itim na lobo mula sa taas at gamit ang natitira niyang kamay, mabilis din niyang sinalag ang atake ng isa pang kalaban.

Nagliwanag ang mga mata ng tatlong iyon nang magtagpo-tagpo ang kanilang mga matang-lobo.

Nagngangalit ang matatalas na pangil ng dalawang itim na lobo. Nababalot na ng makapal at maitim na balahibo ang mga ito. Mas malaki rin ito kumpara kay Lycan.

"Tila may naligaw na pulang lobo sa gitna ng kagubatan?" Winika ng isa sa kaliwa ni Lycan. Ito ay ang may mas makapal na balahibo.

"Nasaan na ang iyong mga kasama... Munting lobo?" Tanong naman ng isa na nilalabanan ang lakas na ibinibigay ni Lycan.

Hindi nagsalita si Lycan. Bagkus, mas lumiwanag ang isa niyang mata. Pagkatapos ay mabilis na tumalon paatras.

Dito na lumabas ang mga pangil at mga balahibo ni Lycan sa kabila niyang braso.

"Malakas ang isang ito..." Wika ng isa na biglang naging mas malaki pa.

"Oo nga. Hindi natin dapat maliitin ang isang mata niya..." Sabi naman ng isa na bigla ring mas lumaki.

Tila nanliit si Lycan nang mga oras na iyon. Malalaking itim na lobo ang sumalubong sa kanya at kailangan niya itong labanan para makaligtas.

Umalulong ang dalawang itim na lobo. Pagkatapos noon, sabay naglaho ang dalawa. Ang mga kuko nila ay nangintab sa talas.

Si Lycan, seryosong pinagmasdan ang papalapit na kalaban. Kasunod niyon. Biglang lumitaw ang matatalas niyang mga kuko. Sinabayan niya ang atake ng dalawang malalakas na kalabang kanyang nakaenkwentro.

Nilampasan ni Lycan ang dalawang itim na lobo. Ganoon din ang dalawa niyang kalaban sa kanya.

Isang hindi kalakasang hangin ang kumawala sa buong lugar. Na biglang sinundan ng malakas na matalas na hangin, dahilan upang ang mga puno sa paligid ay maputol at magsitumbahan.

Napangisi ang dalawang naglalakihang itim na lobo. Nabahiran nga ng dugo ang kanilang mga kuko. Sa pagdagundong ng paligid dahil sa pagtumba ng mga puno sa palibot nila... siya namang biglaang pagluhod ni Lycan sa lupa.

May dugong lumabas mula sa bibig nito. Napahawak nga si Lycan sa kanyang tagiliran.

"Hindi basta-basta ang dalawang ito..." Nasambit ni Lycan at kasabay noon ay ang pagkawala ng napakalakas na nakakatakot na presensya mula sa dalawang itim na lobong nasa kanyang likuran.

"Bago mo makasama ang mga sumakabilang-buhay mong mga kalahi... Hayaan mong magpakilala muna kami sa iyo bata."

"Ako si Benjamin Suarez at siya ang kapatid kong si Benjo..."

"Mga kriminal kami. Pumapatay na kami ng mga pulang-lobo at lalo na ng mga mahihinang taga-patag."

"Kaming dalawa ay kabilang sa mga pinakamalalakas na mandirigma ni Panginoon."

"Lumakas kami dahil sa pagpatay... Pagpatay ng mga inosenteng tao... At pagpatay ng mga nakakaawang kalahi ninyo..."

Tumawa ang dalawa at pagkatapos, umalulong ang mga ito na tila sinasabing-- Magpaalam ka na batang lobo sa mundong ito!

9-25-20

Ang Mata ni Lycan (COMPLETED)Where stories live. Discover now