Ikatatlumpu't Tatlo

344 54 4
                                    

SUMAPIT na ang gabi sa buong isla ng Mindoro. Ang kalangitan ay nabalot ng maliliit na ulap na itim. Ang buwan naman ay umangat sa kalangitan nang nagliliwanag hanggang sa ito'y unting-unting nagdilim.

Sa pamayanan ni Lantaw, sila ay kanina pang nakahanda dahil sa inaasahan nilang pagsalakay ng mga kalabang itim na lobo. Ang mga bata at mga kasamahang walang kakayahang lumaban ay pinaalis na kaagad nila at pinapunta sa ligtas na lugar.

Wala pa rin ang grupo ni Koga at natutulog pa rin si Lycan.

Ang bawat pasukan ng pamayanan ay may nakabantay. Lahat sila ay nakaabang. Ang mga apoy sa paligid ang nagsisilbi nilang ilaw sa gitna ng kadilimang bumabalot sa paligid.

"Humanda na kayo! Nararamdaman ko na ang pagdating nila!" Seryosong winika ni Lantaw at ang mga mata nitong lobo ay nagsimula nang lumabas. Hawak-hawak nito ang isang matalas na bolo. Ito ang kanyang sandata.

Sa tabi nito ay naroon si Leon na nagsa-anyong lobo na rin. Ganoon din ang apat pang mga Pangil. Lahat sila ay nakahanda na.

Ang lahat ng mga mandirigmang Mangyan ay nagsilabasan na rin ang mga pangil at kuko. Lahat sila ay nag-aabang sa pagpasok ng mga kalaban.

Dehadong-dehado sila ngunit ito ang tanging paraan upang sila ay mabuhay. Ang lumaban para sa kanilang lahi.

Umalingawngaw na nga ang mga alulong sa buong kagubatang lumilibot sa kanilang pinagkukutaan. Ang mga hayop sa paligid ay nagsitakbuhan at ang mga ibon ay nagsiliparan papalayo.

Umalulong na rin ang mga pulang lobo at kasunod noon ay ang pagkawala ng napakalalakas na hangin sa buong paligid.

Namatay ang lahat ng apoy na nakatirik sa buong paligid. Kasabay noon ay ang pagliliwanag ng mga matang lobo ng lahat.

Sa harapan nina Lantaw at Leon, isang grupo ng mga itim na lobo ang biglang lumitaw mula sa kung saan at napakahahaba ng mga itim na balahibo nito kumpara sa iba. Dumadaloy rin sa paligid ang nakakapangilabot at itim na presensya ng mga ito.

Nakaramdam ng takot ang mga pulang lobo subalit nilabanan nila iyon.

"Kumusta na... Mga pulang-lobo?" Winika ng itim na lobong nasa unahan.

May puting balahibo ito sa noo at nababalot ng itim ang buong katawan. Nagliliwanag ang mapupulang mata nito. Ang mga pangil din nito ay mas mahaba kumpara sa normal at napakaputi.

Isa pa, naka-anyong lobo na ito kung saan ang mga kamay nito ay nagsilbi na ring paa nito. Napakalaki nito kumpara sa lahat ng mga kasama nitong mga lobo na naka-totoong anyong-lobo na rin.

Yumanig ang paligid sa paglakad ng dambuhalang itim na lobong iyon. Kasabay noon ay ang paglapit ng nguso nito kina Lantaw at Leon na nanliliit.

Huminga ito at ang laway ay tumulo sa ibaba.

"Lantaw... At Leon! Alam na siguro ninyo ang kakahinatnan ng inyong grupo..." Wika ng Panginoon ng mga itim na lobo. Kasabay noon ay ang pagkawala ng napakalakas na itim na presensya nito.

Sa lakas noon, ang mga kabahayan sa paligid ay nagsitalsikan at ang buong pamayanan ni Lantaw ay nahawan sa isang kisap ng mata.

Yumanig ang paligid nang umalulong ito. Nabalot na nga ng takot ang halos karamihan ng mga pulang lobo. Ito ay dahil sa pagpapakita ng lakas ng kalabang lahi-- ng Panginoon nila.

Sa pagsapit ng New Moon, wala nang magiging laban ang mga pulang lobo. Mas malakas ng higit sa totoong lakas ng mga ito ang kanilang ipapakitang abilidad.

Ang katotohanang kahit lumaban sila sa lahing itim... Ang kanilang pakikipagbuno sa mga ito ay kamatayan lang din ang siguradong kakahinatnan.

Simula pa lang, alam na nilang pagkasawi ang kanilang aabutin. Pero isang bagay lang ang kanilang kakapitan at kinakapitan hanggang sa mga sandaling iyon.

Ang nakasaad sa propesiya!

Ang nakatakdang pagpatay ng Itinakda sa pinakamalakas na Panginoon ng mga itim na lobo.

Napaatras sina Lantaw dahil ngayon lang muli nila nakaharap ang pinuno ng kanilang mga kalaban. Kahit labanan nila ang kanilang takot ay wala silang magawa. Pakiramdam nila ay kaharap nila ang isang lobong kaya silang pasunurin.

"Lalaban pa ba kayo? O hahayaan lamang ninyo na kayo'y aming paslangin?" Seryosong tanong ng Panginoong lobong-itim.

Nababalot ng takot ang lahat ng mga pulang lobo. Wala silang magawa dahil ngayon lang nila nakaharap ang pinuno ng kanilang mga kalaban.

Sa likuran ng malaking itim na lobo-- naroon pa ang mga kasamahan nitong napakalalakas din.

Walang magagawa ang grupo ni Lantaw. Iyon ang totoo!

Sisimulan na sana ng mga itim na lobo ang pagpaslang sa mga kalaban nang may kung ano silang naramdaman mula sa itaas.

Naroon si Lycan! Nababalot ng pinagsamang itim at pulang aura ang katawan. Tumalon ito ng napakataas nang masilayan ang madilim na buwan. Nagliliwanag ang kaliwang mata nito at ang matalas na pangil ay sumuloy nang mas mahaba sa normal.

Pagkalapag nito sa harapan ng mga itim na lobo... Si Lycan ay biglang tiningnan sa mata ang pinakamalakas na kalaban sa lugar na iyon.

"Ikaw ba ang Panginoon ng mga itim na lobo?" Seryosong tanong ni Lycan.

Sumagot ang kalaban.

"Ako nga, ikaw bata? Sino ka?"

Ngumisi si Lycan at doon ay sinabi nga nito kung sino siya.

"Ako ang nakalagay sa propesiya... Ang Itinakda na papatay sa iyo..."

Kasunod noon ay naglaho ang binata at kasabay rin noon ay isa-isang nagsibagsakan ang mga malalakas na kasamahan ng Panginoon ng itim na lobong nasa likuran nito. Ang bawat isa sa mga iyon ay nagkaroon ng butas sa tapat ng kanilang mga puso.

Nayanig ang paligid nang bumagsak ang nasa dalawampung itim na lobo. Lahat sila ay wala ng mga buhay. Dumadaloy ang masaganang dugo ng mga ito sa lupa. Sa ibabaw ng isang malaking itim na lobo... Naroon si Lycan na nababalot ng dugo ang magkabilang kamay. Pagkatapos noon... Umalulong ito nang napakalakas.

Tila sinasabi niya sa lahat na siya ang pinakamalakas na lobo sa lugar na iyon.

9-27-20

Ang Mata ni Lycan (COMPLETED)Where stories live. Discover now