Ikatatlumpu't Pito

350 49 10
                                    

TUMALSIK ang katawan ni Lycan nang may malakas na pagsabog ang biglang tumama sa kanya habang hinahabol ang kalaban. Sa lakas noo'y tumilapon siya nang ilang metro mula sa kanyang pinagmulan.

Pagkabagsak niya'y halos masunog ang lahat ng kanyang kasuotan dahil doon. Pero mabilis siyang bumangon. Kailangan niyang mapigilan ang Panginoon ng itim na lobo.

Nang simulan na niya ang pagtakbong muli ay siya namang pagbomba sa kanya ng kalabang mula sa malayo.

Naiwasan niya iyon subalit napinsala ng pagsabog ang malaking bahagi ng kagubatan.

Napakuyom siya ng kamao dahil doon at mabilis na hinabol ang kanyang target na mabilis pa ring kumakaripas sa pagtakbo.

Muling nagpakawala ng tira si Antonio! Ito ay ang itim na lobong nasa loob lang palagi ng Panglalawigang Kulungan. Isa ito sa pinakamalakas na lobong-itim dahil sa loob ng selda-- kahit kapwa niyang itim na lobo ay kanyang pinapaslang.

Maraming mga pilat ang katawan nito. Isa itong patunay ba maraming laban na itong nagawa para sa lahi nila.

Pagkabata pa lang nito ay dito na ito inilagay ng gobernador para mas lumakas. Si Antonio ay gamay na ang mga uri ng pakikipaglaban. Mula sa pisikalidad hanggang sa paggamit ng armas. Paminsan-minsan ay lumalabas ito kapag may seryosong ipapagawa rito ang gobernador.

Isa na nga roon ay ang pagpatay sa pamilya ng mayor ng bayan ng Naujan noong taong 2000. Ang NPA ang sinisi sa nangyaring iyon... Isa pa, hayagan ding tinutulan ng nasabing mayor ang pagmimina at pagputol sa mga puno sa Halcon kaya may isang pagkakataon din na ito'y naiugnay roon.

Isang miyembro ng Pangil ang punong-bayan ng Naujan at isa sa itinuturing na malalakas sa lahi ng mga pulang-lobo. May mga itim na lobo nang ipinadala roon ang gobernador ngunit nabigo ang lahat ng iyon. Pero nang si Antonio na ang trumabaho... Saglit lang nitong isinagawa iyon.

Sa muli ngang pag-asinta ni Antonio kay Lycan... Dito na nga sumilay ang tila demonyo nitong pagngisi.

Tinamaan muli niya si Lycan. Pero nakita niyang ininda lang ito ng binata. Kaya nga muli niya itong inasinta at muli niyang tinamaan iyon.

"Tingnan natin kung hanggang saan ang tibay mo bata..." sabi nito na muling binalahan ang kanyang hawak na bazooka.

Nagpakawala muli siya ng tira. Pero naramdaman niyang mimintis iyon dahil nagkamali siya nang mga oras na iyon. Kaso, bigla niyang ikinagulat ang ginawa ni Lycan.

Tumalon si Lycan upang iharang ang kanyang katawan sa bala ng bazooka na itinira sa kanya. Muli na naman ngang kumawala ang napakalakas na pagsabog.

Ilang beses na siyang tinamaan at ramdam niyang hindi na maganda iyon. Kaso... Kailangan niyang gawin iyon.

Kailangan niyang saluhin ang mga balang sumasabog upang ang kagubatan ay hindi mapinsala ng mga ito.

Si Antonio, nagsa-anyong-lobo na at umalulong nang napakalakas. Tumalon siya sa ere at gustong puntahan ang kanyang target. Natitiyak niyang malaki na ang pinsalang tinamo nito.

Umubo-ubo si Lycan nang pigilan niya gamit ang lakas ang kanyang pagbagsak sana sa lupa. Ramdam niya ang init at sakit ng bawat balang tumatama sa kanya. Tila naramdaman niya ang sakit ng tatlong pilat na nasa kanyang dibdib.

Ito ang sugat na idinulot ng kanyang pagsasanay noon. Hindi ito kasing-dami ng mga naranasan ni Antonio. Pero para kay Lycan... Ang mga markang iyon ay mahalaga.

Naalala niya ang araw na magkaroon siya nito... Iyon ay ang araw na si Lantaw na mismo ang nagsanay sa kanya sa pamamagitan ng tagisan ng lakas.

Tinamaan siya ng matatalas na kuko nito nang araw na iyon.

"Mabilis ka nga... Ngunit para ka pa ring pagong sa paningin ko," wika ni Lantaw kay Lycan na kasalukuyang nagdurugo ang dibdib.

Nilabanan ni Lycan ang sakit noon. Kaso, hindi niya napigilan iyon. Unti-unti siyang napahikbi hanggang sa tuluyan na siyang umiyak dahil sa malalim na sugat na ibinigay ng kanyang kinilalang ama rito.

"Marunong ka rin palang umiyak Lycan," nakangiting winika ni Lantaw  dahil sa wakas... Nakita na niyang umiyak ang batang si Lycan.

Napakuyom ng kamao si Lycan na muling hinabol ang kanyang target.

Naramdaman niya nga ang pagdating ng kalaban mula sa malayo. Napakabilis ng paglapit nito. Dito ay inihanda ng binata ang kaliwa niyang kamay. Lumabas ang matitilos nitong kuko.

Hanggang sa biglang may kung anong hangin ang biglang tumama at tumagos sa katawan ni Antonio.

Nagpatuloy na sa pagtakbo si Lycan na muli na naman ngang nahahabol ang Panginoon ng mga itim na lobo. Nagliliwanag ang isa nitong mata. Ang kuko niya ay mas humaba nang higit sa normal.

Bumalik sa alaala ni Lycan ang atakeng ginawa ni Lantaw sa kanya noon.

Hindi tumama sa dibdib niya ang mga kuko nito noong bata pa siya, bagkus ginamit nito ang isang malakas na teknik na tanging ang mga pulang lobo lamang ang nakakagawa.

"May kakayahan tayong umatake mula sa malayo gamit ang ating mga kuko. Sa oras na magawa mo ito, sinisiguro kong magagamit mo ito nang mas malakas sa mga darating na pagkakataon," winika ni Lantaw noon kay Lycan na kasalukuyan nakahiga at may mga nakatapal sa dibdib nito.
Mga herbal ito upang mapigilan ang paglabas ng dugo mula sa sugat ni Lycan.

Nagngangalit na ang pangil ni Lycan habang mabilis na hinahabol ang kalaban, ang itim na lobo. Natatanaw na rin niya ang Sagradong lugar ng nga Mangyan. Ang libingan ng kanilang mga ninuno!

Umalulong si Lycan, kasabay noon ay ang tila pagkakagulo ng mga hayop sa buong kagubatan.

Sabay nilang narating ni Elfidio ang Libingan ng kanilang mga ninuno.

Nang mga sandali ring iyon, bumagsak na rin sa lupa ang wala ng buhay na si Antonio. Nahati ang katawan nito ng tatlong beses dahil sa atakeng ginawa ni Lycan. Kasabay rin noon, nabalot ng dugo ang lupa roon.

Ganun nga lang kabilis na pinatay ni Lycan ang sinasabing isa sa malakas na itim na lobo.

"Para iyan sa mga punong sinunog mo kanina," sambit ni Lycan na hindi mapigilang magalit sa tuwing makikita niyang may sumisira sa Halcon.

9-30-20

Ang Mata ni Lycan (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon