Ikatlo

987 74 15
                                    

SA lugar ng komersyo ng lungsod ng Calapan, sa lugar kung saan unti-unti nang umuusbong ang mga naglalakihang establisiyemento ay isang panauhin ang makakarating.

Maraming mga ka-pulisan at ka-sundaluhan ang nakaabang sa kahabaan ng JP Rizal Street. Maya-maya pa'y isang itim na sasakyang may numero uno ang plaka ang mabagal na umaandar. Kasabay noon ay ang mga motor na may bandera ng Pilipinas sa unahan nito. Umaalingawngaw rin ang sirena ng mga iyon sa buong lugar.

Maraming tao ang nag-abang doon. Hanggang sa buksan na nga ng itim na sasakyan ang tintadong bintana nito sa tabi ng nagmamaneho. Isang lalaking tila wala ng buhok sa tuktok ng ulo at nakasalamin ang sumilip doon. Kinawayan nito ang mga tao at tuwang-tuwa ang marami roon.

Nagpatuloy ang mga iyon hanggang sa makarating sa Kapitolyo. Doon ay may isang grupo ng mga kabataan ang may dalang mga plakards. Dahil doon ay unti-unting nagsara ang bintana ng itim na sasakyan.

"Itigil ang pagmimina! Huwag sirain ang Mindoro!" Ito ang sigaw ng mga kabataang iyon habang hawak ang mga salitang No To Mining.

Nang makarating na sa loob ng Kapitolyo ang itim na sasakyan. Doon ay bumaba na ang panauhing sakay nito. Tila isang poon nang sinalubong ito ng mga empleyado dahil sinuotan ito ng mga kwintas na bulaklak. Kasunod noon ay isa namang nakangising lalaking nakadilaw ang lumapit dito. May katandaan na ito at may malaking tiyan.

"Maligayang pagdating sa Oriental Mindoro mahal na pangulo."

Nagkamay pa ang dalawa at nagngitian. Pagkatapos noon ay sabay silang pumasok sa gusali ng Kapitolyo. Naglakad sila hanggang sa ikalawang palapag. Pumunta sila sa lugar ng pagpupulong at sa pagbukas nila ng malaking pinto ay siyang pagsisitayuan ng mga dayuhang may mga magagandang suot. Nakapaikot sila sa isang pahabang lamesa. May mga kasama rin silang mga Pilipino na may mga magagara ring suot.

Sa mga sandaling iyon, ang paglagda ng Pangulo para payagan ang limang mining companies na magmina sa isla ng Mindoro ay magaganap na.

Ang Mata ni Lycan (COMPLETED)Nơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ