Ikaapat

775 75 6
                                    

MABILIS na tumakbo palayo ang bata matapos nitong makuha nang walang kahirap-hirap ang pitaka ng isang Ale sa kahabaan ng JP Rizal Street sa tapat ng Citimart Island Mall sa may tulay. Nakangisi pa ito samantalang wala namang kamalay-malay ang Ale na nanakawan na pala ito na kasalukuyan namang tinitingnan ang pinamili sa tapat ng bilihan ng McDo Icecream.

"Aray!"

Napalingon na lang ang marami nang biglang sumigaw ang isang bata sa may tulay.

"Bitawan mo ako!"

Walang emosyon naman ang isang binata na nakasuot ng medyo may kalumaang damit at pantalon. Nakapikit ang kaliwang mata nito sa hindi maipaliwanag na dahilan. Ang buhok nito ay mahaba at may kayumangging kulay ng kutis. Nakatayo lang ito sa tapat ng tulay at walang kahirap-hirap na iniangat sa ere ang batang nanggantso sa matanda.

Dahil sa eksenang iyon, isang nakaasul na lalaki ang agad pumunta doon. Isa iyong miyembro ng Public Safety Department ng Lungsod.

"Toy! Ibaba mo na iyang bata, kawawa naman..." wika ng lalaki na may halong paninindak pero hindi natinag ang binata.

"Kinuha niya ang pitaka ng Ale," sagot naman ng binata sabay turo sa kamay ng bata. Parang natauhan naman ang PSD at agad kinuha ang wallet mula sa kamay ng bata.

"Ang pitaka ko!" wika naman ng Ale na nagmamay-ari noon na napagtantong wala nga sa bulsa nito ang wallet.

"Sa inyo po ba ito Ma'am?" tanong ng naka-asul na PSD.

"Opo, may ID pa po ako riyan," sagot naman ng Ale at nang buklatin ang wallet ay mayroon nga.

"Bibitawan ko na ba ang batang ito?" tanong naman ng binata na tila hindi nangangalay sa pagkakaangat sa bata.

"Bitawan mo na 'Toy, kami na ang bahala riyan..."

Siya namang mabilis na pagbitaw ng binata dahilan upang mapaupo sa kalsada ang bata. Subalit maagap ang bata, nakatakbo kaagad ito palayo.

"Ay sira-ulong bata!" Siya namang paghabol kaagad ng PSD.

Tiningnan lang naman iyon ng binata at halatang wala nang pakialam doon.

"Iho, maraming salamat... ano ga ang iyong pangalan?" tanong naman ng Ale na tuwang-tuwa sa nangyari.

"Lycan..."

"Lycan, kakaibang pangalan. Halika iho. Dapat kitang bigyan ng gantimpala, kumain tayo sa Jollibee. Tamang-tama dahil hinihintay na rin ako ng anak kong dalaga roon..." wika naman ng matanda na inakay agad ang binata. Pinagtitinginan sila ng marami nang pagkakataong iyon.

"J-jollibee?" sambit naman ni Lycan na sumunod na lamang sa gusto ng Ale.

Ang Mata ni Lycan (COMPLETED)Where stories live. Discover now