Kabanata 29: Pagbagsak

43.3K 2.4K 854
                                    



AKALA ko malaking pagsalubong ang makukuha ni Scion mula sa palasyo pero ang nakakapagtaka ay walang mga taong sumalubong maliban sa asawa niya.

Sa harap ng kanyang silid ay nakatayo na si Weiming at nag-aabang sa pagdating namin.

Hindi maganda ang pakiramdam ko. Hindi ganito ang inaasahan kong pagtanggap sa amin. Wala man lang ni isang ministro na sumalubong.

Nagkatinginan kami ni Rushin, marahil ay pareho kami ng iniisip ngayon. May katahimikan na tila ba hindi maganda sa pandinig.

Pagbaba ni Scion ay agad siyang nilapitan ni Weiming at niyakap nang mahigpit. Umiwas na ako ng tingin at bumaba sa kabayo ko.

"Ginawa mo ang tama kaya hindi ka dapat makaramdam ng kalungkutan," bulong sa akin ni Rushin. "Kakaiba ang saya na meron ang Mahal na Reyna sa tuwing nakikita niya ang kanyang Hari."

Nakatingin siya sa dalawa habang ako naman ay nakatalikod. Tama naman siya, dapat maging masaya ako dahil ginawa ko ang tama pero hindi agad maalis sa'kin ang sakit dahil nasa puso ko pa rin si Scion. Hindi 'yon agad mawawala.

At hindi ko alam kung mawawala pa ba iyon nang tuluyan kahit na makabalik na ako sa mundo ko.

Pumasok ang Hari at Reyna sa punong silid ng palasyo pero bago pa sila mawala sa paningin namin ay nakita kong tinignan ako ni Weiming.

Akala ko ay ngingitian niya ako pero pakiramdam ko, masama ang tingin niya sa akin. Tila ba may inis o galit siya sa akin.

"Jia," sambit ni Doktor Guryo. "May kailangan kang malaman." Seryoso ang tono ng boses niya.

Pareho kaming sumunod ni Rushin sa kanyang tanggapan. Tahimik pa rin ang buong palasyo at wala masyadong kawal ang naglilibot sa loob.

Pakiramdam ko ay may nangyari rito habang wala kami ng walong araw.

Dumiretso kami sa mesa ng doktor at doon ay inilatag niya ang mga larawan.

Larawan namin si Scion na magkasama at magkahalikan sa bundok ng Deri.

"May kung sinong nagpakalat ng mga larawan na ito sa buong Hando at hindi naging maganda ang naging resulta."

Bumilis ang tibok ng puso ko. Nakaramdam ako nang panlalamig sa buong katawan ko. Unti-unti na rin akong nahihirapang huminga.

Kaya ba ganoon na lamang ang tingin sa akin kanina ni Weiming?

"Ang angkan ng Lao ay pinag-uusapan na patalsikin ang Mahal na Hari sa kanyang pwesto. Ibig sabihin, hindi na matutuloy ang paghuhukom, dahil siya ay aalisan na ng lahat ng kapangyarihan kabilang ang pagiging Emperador nito."

Sumikip ang dibdib ko kaya napahawak ako rito.

"Hindi nila matanggap ang pagtataksil ng Mahal na Hari sa kanilang kadugo na si Reyna Weiming."

Akala ko magiging maayos na ang lahat pero bakit parang mas gumulo lang lalo?

"Bukas magpupulong ang konseho kasama ang matataas na tao sa angkan ng Lao. Kung magkakataon ay hindi lang mapapatalsik ang Mahal na Hari, siya rin ay makukulong kasama ka... Jia."

Hindi ang pagkakakulong ko ang mas inaalala ko, kung hindi ang kay Scion. Doble-dobleng kaparusahan ang natanggap niya nang dahil sa akin.

Ginawa ko naman na ang tama pero bakit ganito pa rin ang nangyayari?

Wala naman akong ibang gustong mangyari kung hindi ang maging masaya si Scion.

"Kung ganoon ay dapat na tayong magtago, Jia," sambit ni Rushin. "Hindi ko hahayaan na makulong ka. Mas mabuti na ang bumalik sa mundo niyo."

Zithea (Published under IndiePop)Where stories live. Discover now