Kabanata 18: Kasunduan

45K 2.8K 1.2K
                                    



MATAGAL ko nang nagawa ang kasunduan namin ni Scion. Sila ni Weiming ang nagkatuluyan.

"Hindi ko alam na may ganoon pa lang kasunduan," sambit ni Rushin. Nakauwi na kami sa bahay nila bago tuluyang mag gabi. "Pero paano mo natulungan ang Mahal na Hari para sila ng Reyna ang magkatuluyan."

Hindi ko maaring sabihin kay Rushin ang totoo na gawa lamang sila ng imahinasyon ko at nasa loob kami ng libro... kung iyon pa rin talaga ang totoo. Kailangan ko pa rin alamin kung bakit nakikita sa Zithea ang Earth.

"Uhm... pinayuhan ko siya kung paano maging mabuting lalaki at ayon, nakuha naman niya ang loob ng Reyna."

Hindi rin naman niya alam ang tungkol sa namamagitan kay Chaun at Weiming noon kaya wala nang dahilan para sabihin ko pa iyon.

"Ganoon ba, ang buong akala namin ay ang dating Heneral na ang makakatuluyan ng Reyna. Sa kanya rin kasi boto ang dating Emperador na ama ng Reyna."

Kalat pala kahit sa mga mamamayan ang namamagitan kay Weiming at Chaun? Laking gulat siguro nila na naging ispiya siya ng palasyo.

Hindi ako makatingin kay Rushin. Hanggang ngayon na-guilty pa rin ako sa ginawa ko kay Chaun.

"Tingin mo ba ay karapatdapat na maging Emperador si Haring Scion?"

"Oo naman, bakit naman hindi?"

May inilabas siyang mga lumang diyaryo galing sa kanyang tukador, "Iniulat dito na kinain ng kamahalan ang isang piraso ng dahon sa puno ng sequioa."

Paano nila nalaman na kinain niya ang isang dahon? Sigurado ako na hindi hahayaan ni Scion na makalabas ito sa iba.

"Mahigpit itong ipinagbabawal at ang sino man na mapatunayan na gumawa nito ay bibitayin."

Abot sa tainga ang kabog ng dibdib ko.

"May alam ka ba sa mga ito, Jia?"

Nanigas ang buong katawan ko. Hindi maaring malaman ng iba ang tungkol dito dahil mapapahamak si Scion.

"Ah... wa-wala. Ang alam ko hindi niya magagawang kainin iyon dahil ayaw niyang matulad sa kanyang ama."

Nagsalubong ang dalawang kilay ni Rushin, tila ba ang ineekesamin niya ako.

"Nai-kwento niya sa iyo ang tungkol sa kanyang ama? May koneksyon pa siya kay Heneral Baxia?"

Mas lalo akong natataranta sa pag-iinteroga sa akin ni Rushin. Nagpanggap na lamang ako na nahihilo para itigil na niya ang ginagawa niyang pagtatanong sa akin.

"Anong problema, Jia?" Inalalayan niya ako paupo sa sofa. "Ayos ka lang ba?"

"Napagod lang ako sa mga ipinagawa ni Doktor Guryo kanina, pwede bang magpahinga na muna ako?"

Sumang-ayon naman siya sa akin at inalalayan niya ako sa kwarto niya. Kinuha ko ang diyaryo na pinakita niya sa akin.

Bagong halal na Hari ng Hando, kinain ang isang dahon ng Sequioa. Hanggang ngayon ay hindi pa rin maiharap ng Palasyo ang Puno ng Sequioa sa punong konseho. Iniimbestigahan na ng Freya ang pangyayari na ito.

Ano ang Freya? Hindi ko na nabanggit ito sa Polaris. Marami na talagang bagay o pangyayari sa Zithea ang wala akong kaalam-alam.

Pero gusto ko talagang malaman kung paano nakalabas ito? Sino ang nagpakalat ng balita na ito?

Sana lang bukas ay hindi na magtanong pa sa akin si Rushin. Pinagkakatiwalaan ko siya pero may mga bagay na hindi ko rin pwedeng sabihin sa kanya.

Hindi ko na rin sasabihin sa kanya ang plano ko na pumunta sa Soka dahil panigurado ay pipigilan niya lamang ako. Isa pa madami na akong atraso sa kanya kaya ayoko nang madagdagan pa ito.

Zithea (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon