Kabanata 4: Hando

47.9K 2.8K 309
                                    



NAKAKAMANGHA dahil mas malakaw pa pala ang Hando kaysa sa inaasahan ko. Ang daming mga lugar na hindi ko alam dahil hindi ko naman ito naisulat ng detalyado.

"Anong itsura ng mundo niyo, Jia?" Tanong ni Rushin. "Mas maganda ba doon kaysa rito?"

Dinala niya ako sa tuktok isang bundok kung saan kita ang kalahati ng Hando. Kitang kita rin dito ang palasyo lalo na ang kwarto noon ni Scion noong isa pa lamang siyang heneral.

"Wala ngang halimaw roon katulad dito pero mas magulo roon. Kaya kung ako ang tatanungin, mas maganda ang Zithea."

"Zithea?"

"Oo, Zithea, ang mundo niyo."

Magkasalubong pa rin ang dalawa niyang kilay, "Paano mo nalaman ang pangalan ng mundo namin? Walang nababanggit ang aming mga guro tungkol sa pangalan ng mundo namin dahil tanging ang pangalan ng aming bayan lang ang sinasabi nila."

Hindi ko ba talaga naituro sa kanila ang pangalan ng kanilang mundo? Baka nasa point of view ko lang ang mga detalye tungkol sa mundo nila kaya hindi nila alam iyon.

"Uhm... ano... actually ako lang ang nagpangalan sa mundo niyo ng Zithea," napapadalas na ang pagsisinungaling ko at pakiramdam ko nasasanay na ako... na isang hindi magandang bagay. "Hindi rin kasi alam nila Haring Scion ang pangalan ng mundo niyo kaya ako na lang ang nag-isip ng ipapangalan dito." Ngumiti ako nang malapad.

"A-actua-lly?"

Oo nga pala, hindi nga pala sila marunong mag-english dito kagaya ni Scion noon.

"Isang lenggwahe 'yon sa mundo namin na ang ibig sabihin ay sa totoo lang, gano'n."

"Ah ayon pala 'yon. May iba pala kayong salita sa mundo niyo. Nakakamangha, pero alam mo maganda ang pangalan na naisip mo. Tingin ko bagay ito sa mundo namin," lumapad na rin ang mga ngiti niya. "Pero alam mo, gusto ko pa rin na makita ang mundo niyo. Gusto kong ipakita sa ama ko na hindi lang kathang isip ang mga sinabi niya dati, na totoo ngang may ibang mundo maliban sa amin."

"Pwede ko naman ilarawan sa'yong ang mundo namin pero sasabihin ko sa'yo, mas gugustuhin mo pa rin talaga rito."

"Kung ganoon ay dumito ka na lang sa mundo namin," tinignan niya ako. Litaw na litaw ang bughaw niyang mga mata dahil sa sikat ng araw. Kagaya ito kay.. Scion. "H'wag ka ng bumalik sa mundo niyo."

Minsan naiisip ko rin ang bagay na 'yon pero hindi pwede at isa pa, nasa mundo ko ang mga mahal ko sa buhay... sina Copper at Auntie.

"Hindi maari, Rushin. Hindi ako para rito kaya kailangan kong bumalik. Isa pa, nandoon ang mga mahal ko sa buhay."

Iniwas niya ang mga tingin niya sa akin at tumingin siya sa malayo, "Paano ka makakabalik sa mundo mo, Jia?"

Humiga ako sa damuhan at tinitigan ang langit.

"Hindi ko alam pero hindi ako susuko hangga't hindi ako nagagawa nang paraan para makabalik."

Sinamahan niya akong humiga at pagmasdan ang langit.

"H'wag kang mag-alala, tutulungan kitang makabalik sa mundo mo. Alam ko ang pakiramdam ng mawalay ka sa mga magulang mo at nakakalungkot iyon."

Hindi ko alam kung bakit hindi lumabas sa bibig ko ang mga salitang 'wala na ang mga magulang ko'. Pakiramdam ko kasi hindi talaga nawala sina inay at itay sa tabi ko.

"H'wag ka rin mag-alala dahil hindi ako magiging pabigat sa inyo ng lola mo habang nakikitira ako sa bahay niyo," sambit ko. "Anong pwede kong gawin para magkapera ako rito sa mundo niyo?"

"Iniisip ko kung magtrabaho ka rin sa palasyo kasama ko pero baka hindi ka komportable na makita si Haring Scion."

Tama siya, hindi lang sa hindi ako komportable, talagang ayaw ko na siyang makita pa.

Zithea (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon