Kabanata 21: Earth

48.3K 2.8K 1K
                                    



DINAMPOT ko agad ang walkie talkie. Kung totoo ang pagkakarinig ko, siya nga ang nagsalita.

"Si-sir Raymond?" Nanginginig ang mga kamay ko habang hawak ko ito. "Si Serenity to!"

"Serenity? Ikaw nga ba talaga 'yan?"

Pareho kaming nagkatinginan ni Doktor Guryo, kahit siya ay namangha sa boses na naririnig niya sa aking walkie talkie.

"Dalawang buwan na akong naghihintay ng signal galing sa'yo! Mabuti naman at nagawa mo akong makausap!"

Hindi ganoon kalinaw ang boses niya at paminsan minsan ay nawawala ang signal.

Pero ang tagal ko na naman nawala sa Earth. Kagaya nang una at dalawang buwan akong wala doon samantalang dito at dalawang linggo pa lang ang nakalipas.

"Nasaan ka? Nasa mundo ka ba muli ni Scion?"

Muli kaming nagkatinginan ni Doktor Guryo. Hindi niya alam na kilala ko ang Hari. Hindi rin siguro nabanggit ni Scion kung saang planeta siya pumunta noon.

"Opo, nasa Zithea ako, ang mundo nila Scion."

"Pa-paano ka makakaalis d'yan sa mundo na 'yan? Hindi ba nasa loob ka ng Polaris?"

Tingin ko marami nang mga tanong ang nasa isip ni Doktor Guryo. Hindi ko na dapat sabihin sa kanya ang ibang detalye dahil ang mahalaga lang ay matulungan niya akong makagawa ng lagusan pabalik sa mundo ko.

"May naisip ako, paano kung nasa i-isang universe na lang ang Zithea at Earth? Paano kung hindi ako nasa loob ng Polaris, paano kung nasa isang totoong mundo na talaga ako?"

Ang mga ideya na ito ay naisip ko nang makita ko ang Earth at Moon sa teleskopyo ni Doktor Guryo. At kung iisipin mabuti, wala nang mga sumunod na pahina ang Polaris para magpatuloy pa ulit ang kwento na ito. Pwera na lang kung sa ibang libro ito isinulat.

Pero paano nga kung nagkatotoo na ang lahat ng isinulat ko?

"Pa-paano nangyari 'yon?"

Katulad ko ay marami rin tanong si Sir Raymond. Ako man ay hindi sigurado sa mga ito kaya iisang paraan lang ang naiisip ko para mapatunayan ito.

"May naisip ako pero kailangan niyong kausapin ang NASA at ipahanap ang planetang ito. Kung mahahanap nila ito ay totoo ang teorya ko, kung hindi naman ay nasa loob pa rin talaga ako ng Polaris."

Matagal bago siya nakasagot pabalik sa akin. Akala ko ay nawala na ang signal.

"H'wag kang mag-alala, gagawin ko ang sinabi mo. Ngunit bigyan mo ako ng dalawang buwan para rito. Hindi madali kausapin ang NASA at isa pa kailangan pa itong ipa-approve. May ideya ba kung nasaan ang planeta na iyan? Malaki ang kalawakan, Serenity."

Hindi ko rin alam kung nasaan ba talaga ang Zithea, hindi rin naman ako marunong mag-coordinates o kung paano ang ginagawa ng NASA.

"Uhm... mula sa isang teleskopyo, nakikita ko ang Earth at Moon dito kaya maaring malapit lang ito, Sir Raymond. Hindi ako sigurado pero maari rin natin subukan?"

"Copy, malabo man pero mas mainam ng may kaunti tayong lead. Babalikan kita, palagi mong buksan ang walkie talkie para marinig mo ako."

Kung dalawang buwan ang kakailanganin sa Earth, dalawang linggo lang ito rito sa Zithea.

Ang tagal ko nang nawala sa mundo ko.

"Ka-kamusta po pala d'yan? Naikasal na po ba si Auntie?"

Sa totoo lang gabi-gabi ko naiisip 'yon simula nang magbalik ako rito. Ipinagdadasal ko na maayos lang sila at ang magiging pinsan ko.

Zithea (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon