Kabanata 25: Bundok ng Zeryu

51.4K 2.6K 889
                                    



PAGKATAPOS mag-usap ng punong doktor at ng mga ministro sa silid ng Hari ay pumunta na ako sa silid ng Reyna.

Mahimbing pa rin nag pagkakatulog niya, kagaya ng asawa niyang si Scion. Pero hindi kagaya ng minamahal niya, mas mapapabilis ang pag gising niya. Sa oras na malaman niya ang nangyari, panigurado mag-aalala siya nang sobra. Baka sisihin niya pa ang sarili niya.

Kagaya ko, na hanggang ngayon ay sarili ko ang sinisisi ko kung bakit napahamak si Scion. Noon pa man, ito na ang ibinibigay ko sa kanya– kapahamakan.

"Doktora, magiging maayos ba po ba ang Mahal na Reyna?" Tanong ni Ana, ang isa sa mga katiwala ng Reyna. "Lahat kaming katiwala niya ay nag-aalala na para sa kanya."

"Magigising na siya sa gamot na hawak ko at ipagdasal natin na maging maayos na siya pagkatapos."

Yumuko sila sa akin, nagkaroon ng pag-asa ang mukha nila na kanina ay parang nanlulumo. Noon pa man, malapit na si Weiming sa kanila at maganda ang buhay nila ngayon dahil sa kanya. Kaya alam kong wala silang ibang gusto para sa Reyna kung hindi ang ikabubuti niya.

Inangat ko nang bahagya ang ulo ni Weiming para painumin sa kanya ang gamot na ginawa ni Doktor Guryo. Dahan-dahan ko itong ipina-agos sa kanyang bibig. Nang malunok niya na itong lahat ay binalik ko ang ulo niya sa pagkakahiga.

Naghintay kami ng ilang minuto bago siya tuluyang nagkaroon ng malay.

Naidilat na niya ang kanyang mga mata ngunit nakatulala siya sa kisame at hindi pa nagsasalita. May mga luha nang tumulo sa kanyang mata.

"A-asan ang Mahal na Hari?" Mahina at nanginginig niyang sambit. Nakatingin pa rin siya sa kisame hanggang ngayon. "Bakit wala siya sa pag gising ko?"

Nagkatinginan kami ng mga katiwala.

Hindi pa namin pwedeng sabihin sa kanya ang nangyari dahil kailangan pa rin niyang mag-ipon nang lakas. Kailangan niya pang maghintay ng isa pang araw.

Hinawakan ko ang kanyang kamay para kumalma siya. Patuloy pa rin ang pagtulo ng mga luha sa mata niya. Dito mo makikita kung gaano niya kamahal ang asawa niya... ang asawa niyang may mahal nang iba.

Bigla akong nakunsenya. Hindi deserve ni Weiming ang masaktan at maloko lalo ng mga taong pinagkakatiwalaan niya, at isa na ako doon.

"Mahal na Reyna, kumalma po kayo. Ang Mahal na Hari ay may inaasikaso lamang." Sambit ko. "Magpalakas po kayo para sa kanya."

Nakatitig pa din siya sa kisame pero ngayon ay tumigil na ang kanyang pagluha.

"Jia, maari mo bang sabihin sa Emperador na gising na ako at gusto ko siyang makita?"

Tinignan ko ang mga katiwala niya. Inaasahan ko na isa sa kanila ay tutulungan ako na magpalusot sa Reyna pero kahit sila ay hindi alam ang sasabihin.

"Uhm... wa-wala po ang Mahal na Hari rito. Nagpunta sila sa malayong bundok para tignan ang isang kahina-hinalang ilaw."

Iyon na lang ang pumasok sa isip ko. Hindi ko alam kung kakagatin niya 'to pero wala na rin naman akong maisip na iba.

"Ganoon ba... gusto kong makausap ang punong doktor, maari mo ba siyang tawagin para sa akin?"

Ginawa ko ang utos niya. Hindi rin naman ako ang makakapagpaliwanag sa sakit niya.

Nagpalit kami ng doktor ng binabantayan, siya sa Reyna at ako naman sa Hari.

Parang natutulog lang si Scion pero nakakatakot na maari siyang maging ganito na lang ng ilang taon. Kung mangyayari man iyon, paano na ang Zithea? Paano na ang Hando? Ang asawa niya? Ang mga taong nagmamahal sa kanya.

Zithea (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon