Kabanata 14: Kaibigan

44.6K 2.8K 1K
                                    



PAANO nasabi ni Weiming na ako ang mahal ni Scion at hindi siya? Siya ang asawa at hindi ako. Pwede naman na hindi ganoon kabigat ang ibig sabihin ng tattoo sa likuran niya.

Huminga siya nang malalim, "Alam kong hindi ko dapat sinasabi sa iyo ito dahil isa itong kasiraan sa akin at sa aming pamilya..." ngayon ko lang napansin na parang namumugto ang mga mata niya.

Palagi ba siyang umiiyak dahil dito?

"Pero hindi ko mawari kung bakit magaan ang loob ko sa iyo, Jia. Para bang mapagkakatiwalaan kita sa lahat ng bagay... tama ba ako roon?"

Oo mapagkakatiwalaan ako pero sa lahat ba naman ng tao, ako pa talaga? Kung alam niya lang na ako nga talaga si Xiang, gagaan pa rin ba ang loob niya sa akin?

Yumuko ako, hindi ko siya kayang tignan sa mga mata niya. Pakiramdam ko isa ako sa mga dahilan kung bakit siya malungkot ngayon.

Siya na wala namang ginawa sa akin pero teka... bakit parang kasalanan ko? Umiiwas na nga ako kay Scion.

"Jia?"

Yumuko muli ako, "Makakaasa po kayo sa akin, kamahalan. Itatago ko po ang lahat ng ating napag-usapan."

Hindi ko inaangat ang ulo ko at nakatingin pa rin ako sa sahig. Narinig ko siyang tumayo at naglakad. Ang hindi ko inaasahan ay bigla siyang uupo sa harapan ko at yayakapin niya ako.

"Alam mo bang ang bigat-bigat na nang loob ko. Ang alam ng lahat ay masaya kaming mag-asawa pero ang totoo, iba na ang minamahal ng aking irog. Nagbago na ang lahat simula ng mawala siya sa palasyo, dalawang taon na ang nakakaraan."

Niyakap ko siya pabalik. Nasasaktan ako tuwing naririnig ko ang pag-iyak niya. Hindi niya deserve na masaktan dahil wala naman siyang ibang ginawa kung hindi mahalin si Scion.

"Mahal na Reyna, maaring nagkakamali lamang kayo. Mahal po kayo ng Mahal na Hari," ihinarap ko siya at pinunasan ang mga luha niya. "H'wag na po kayong umiyak dahil nalulungkot din po ako."

"Ah... ga-ganon ba... pasensya ka na."

Tumalikod siya at mukhang pinupunasan niya ang mukha niya. Inayos niya ang buhok at damit niya bago siya humarap muli sa akin.

"Nabasa ko ang talasulatan ng kamahalan at nakasulat doon ang lahat... Jia. Mahal niya rin ako pero mas mahal niya ang babae na 'yon."

Ma-mahal din ako ni... Scion.

All this time nasa isip ko na si Weiming at tanging siya lang ang laman ng puso niya pero ngayon... mahal niya rin pala ako.

Kaya ba gustong gusto niyang malaman kung sinabi ko nga bang mahal ko siya bago kami magkahiwalay? Kaya ba desidido siyang malaman kung ako nga ba talaga si Xiang?

"Jia..."

Humarap siya sa akin at hinawakan niya ang dalawa kong kamay.

"Tulungan mo ako, nakiki-usap ako sa'yo. Tulungan mo ako na ibalik muli ang pagmamahal sa akin ng Mahal na Hari. Gusto kong kalimutan na niya si Xiang at ako na lang ang mahalin niya..."

Tila ba nakalunok ako nang malaking buto. Sa totoo lang ang hinihiling ko nga ay ako ang mahalin ni Scion at hindi siya pero ngayon kabaliktaran ang hinihiling niya sa akin.

Tumulo na naman ang mga luha sa mata niya. Tila ba nadudurog na naman ang puso ko. Hindi niya deserve ang masaktan. Hindi niya kasalanan ang lahat ng ito.

Nanahimik lang siya noon habang minamahal si Chaun nang baguhin ko ang lahat. Binago ko ang nilalaman ng puso niya at ginawa kong si Scion. Ipinakasala ko siya sa lalaking mahal ko.

Zithea (Published under IndiePop)Where stories live. Discover now