Kabanata 20: Hari ng Lobo

45K 2.6K 847
                                    



NANGHIHINA man ako ay sinundan ko pa rin ang taong nakasuot ng itim na tela. Kung tama ang sinabi ni Rushin ay maaring siya ang tatay ni Scion.

Inutusan ko ang mga ahas para sundan kung saan ito patungo. Nararamdaman ko pa rin ang paghihina ng katawan ko. Hindi ko pa ito nasusubukan noon pero napag-aralan ko na ito. Baka ito na ang tamang panahon para gawin ko ito.

Inutusan ko ang mga ahas na kagatin ako sa aking braso at bigyan ako ng kamandag na magbibigay sa akin ng kakaibang lakas.

Anim na ahas ang tumalon papunta sa braso ko at sabay-sabay nila akong kinagat. Napasigaw ako habang tumatakbo.

Galing sa kagat nila ay may mainit na likod na kumalat sa buong katawan ko. Unti-unting nawawala ang pagod at sakit ng katawan ko. Hindi ko pa alam ang ibang epekto nito pero gusto kong mahuli ang taong itim.

Sa lakas na bigay ng mga ahas ay napabilis ang pagtakbo ko kaya naabutan ko ang taong itim. Nakarating kaming dalawa malaking pintuan ng Hando– ang Exia.

Nakahandusay na sa sahig ang mga bantay sa pintuan. Dahan-dahan niyang binuksan ang mabibigat na pintuan na gawa sa bakal. Hindi mapapantayan ang lakas niya.

"Sandali!" Sigaw ko.

Unang lumingon sa akin ang mga itim na lobong kasama niya. Pulang pula rin ang mga mata nila kagaya ng sa kanya, kung siya rin talaga ang nakita ko noon sa itaas ng mga bubong.

"Sino ka at anong ginawa mo sa mga kawal?"

Hindi niya ako malingon. Hindi na rin niya ako sinagot at nagmadali siyang lumabas.

Sinundan ko siya sa labas. Hindi ko na naisip kung paano ako makakapasok muli sa loob. Kailangan kong mahuli ang tao na 'to.

Puno pa rin ng alikabok ang labas kaya hindi mo masyadong makikita ang paligid nang malinaw.

Ginamit ko ang kapangyarihan ko para maging mas malinaw ang mga mata ko. Kitang kita ko siya habang tumatakbo kasama ang dalawa niyang lobo. Hindi ako nagpatalo at hinabol ko siya. Tumaas ang mga balahibo ko nang marinig ko ang ungol ng madami pang lobo.

Maari kayang sila rin ang nakita ko noon dito sa labas? Pero kulay puti ang mga ito.

Nawala na siya sa paningin ko nang harangin ako ng malalaking puting lobo pero ngayon ay may kasama na silang itim. Kasing laki sila ng elepante at kayang kaya nila akong apakan at durugin.

Sabay-sabay silang umungol sa harapan ko. Nanigas ang buong katawan ko. Gaano na ba ako kalakas para matalo ko ang mga lobo na 'to? Kakayanin ba ng mga ahas ko ang laki at lakas nila?

Tinignan nila ako pero ang nakakapagtaka ay hindi nila ako inaatake. Humakbang sila palapit sa akin dahilan para mapaatras ako. Umungol muli sila.

Napagdesisyunan ko na lang na bumalik da Hando. Hindi ko na rin naman mahahabol ang taong itim. Mapapahamak pa ako kung malalaman nila na nagpunta ako sa labas.

Bago pa man ako tuluyang makalapit sa Exia ay marami nang kawal ang nasa labas at nagmamasid. Maaring nakita na nila ang mga nakahandusay na kawal sa loob.

Naghanap ako ng ibang daan papasok sa loob pero lahat ay bantay sarado. Naisip ko ang ilalim ng lupa. Maari ulit akong magpagawa ng tunnel sa mga ahas.

Inutusan ko silang gawin ito. Sa dami nila ay nagawa nila ito sa loob lang ng sampung minuto.

Napasok na ako sa loob pero kapansin pansin na marami ang kawal sa labas. Lahat sila ay may hawak na apoy at tila ba may hinahanap.

Zithea (Published under IndiePop)Where stories live. Discover now