Kabanata 5: Muling Pagkikita

46.5K 2.9K 675
                                    



KAHIT na anong mangyari ay kailangan hindi ako umamin sa tunay kong pagkatao. Kailangan kong panindigan na ako si Jia at hindi si Xiang Serenity.

"Ayos ka lang ba, Jia?" Bulong sa akin ni Rushin.

Sa totoo lang ay nahihiya ako sa kanya at pati siya ay nadamay pero kung tama ang pagkakakilala ko sa kanya ay maiintindihan niya ang ginawa ko.

"Alam mo bilib ako sa ginawa mo. Matagal na rin akong naaawa sa mga taong tinatapon nila sa labas ng aming bayan pero wala akong lakas ng loob na kalabanin sila."

Tama nga ako. Naiintindihan ko rin kung bakit hindi niya nagawa ang ginawa ko. Wala siyang kapangyarihan katulad ko.

Isa 'yon sa dahilan kung bakit malakas din ang loob ko kanina na tulungan ang mga taong 'yon. Dahil alam kong may kapangyarihan ako para labanan ang mga halimaw.

"Paano na ngayon, malamang magkikita kayo ng Hari. Anong gagawin mo?"

Kanina ko pa nga iniisip ang bagay na iyon. Anong gagawin ko kapag nagkaharap na kami ni Scion?

"Kahit na anong mangyari ay dapat hindi ako umamin sa totoo kong pagkatao. Kailangan mo akong tulungan."

"Paano?"

"Kung dumating 'yong puntong mapapaamin na nila ako, ipaalala mo sa akin na ako si Jia. Ako ang iyong kababata at wala na ang mga magulang ko kaya sa inyo na ako nakatira. Ayos ba?"

Siya lang naman ang tanging tao na makakatulong sa akin. Siya lang din ang tanging tao na mapagkakatiwalaan ko rito sa Zithea.

Tumango siya at sumilip sa labas ng kalesa. Malapit na kami sa palasyo. Mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko na para bang haharap ako sa isang nakakatakot na nilalang.

Pinababa kaming dalawa ni Rushin sa kalesa at agad kaming dinala sa isang malaking silid. Umupo kami sa gitna ng silid kung saan ay pinapalibutan ng labing dalawa pang upuan.

"Ito ang silid ng paghuhukom," napalunok siya nang malalim. "Hindi maganda ang pakiramdam ko rito pero h'wag kang mag-alala, hindi kita papabayaan."

Hindi ko deserve na magkaroon ng kaibigan na katulad ni Rushin. Masyado siyang mabait para sa isang katulad ko.

Tahimik lang kaming naghihintay ng kapalaran naming dalawa.

"Parating na ang mga ministro. Maghanda kayong dalawa," utos ng isang kawal sa amin.

Isa-isa silang nagsidatingan. Mga matatandang lalaki na may mahahabang balbas na kulay puti. Nakasuot sila ng mataas na sumbrero. Dahan-dahan silang umupo sa labing dalawang upuan na nakapalibot sa amin.

Wala ba si Scion?

"Ngayon, pag-usapan natin ang ginawa ninyong kasalanan sa palasyo," sambit ng isang ministro.

"Ikaw babae, ano ang iyong pangalan?" Para kaming nasa police station at ini-interrogate. "Pati ang iyong kasama na mukhang pamilyar ang mukha."

"Ako po si Jia at siya naman po si Rushin."

Sumabat ang isa pang ministro na medyo mas bata sa kanilang lahat, "Hindi ba ikaw ay isang kawal sa palasyo? Inutusan kita nang isang araw."

"O-opo... isa nga po akong kawal dito."

Ramdam ko ang takot sa boses ni Rushin. Parusahan na nila ako pero h'wag nilang idamay ang trabaho niya. Wala na nga akong ambag sa kanya pagkatapos dahil sa akin ay matatanggal pa siya sa trabaho.

"Ano namang pumasok sa isip niyo at pinigilan niyo ang pagbitay sa mga kriminal na iyon? Hindi niyo ba alam na maari kayong magsimula ng gulo sa buong Hando? Hindi magaan na parusa ang kailangan niyo!"

Zithea (Published under IndiePop)Kde žijí příběhy. Začni objevovat