Kabanata 28: Pagbalik

46.5K 2.5K 854
                                    




MALAYO man siya ay kapansin pansin ang kulay ng kanyang mga mata. Para pa itong umiilaw pero ang masama, kulay pula ito– indikasyon na galit siya.

Tinignan ko si Scion at handa na siyang tumayo at lapitan si Rushin pero pinigilan ko siya. Maaring hindi maging maganda ang pag-uusap nila lalo ngayon na galit ang isa sa kanila.

"Ako na ang bahala sa kanya," sambit ko. "Dito ka lang at h'wag ka munang lumapit sa amin."

Hinawakan niya ang kamay ko at ayaw niya akong paalisin, "Sino ba siya sa buhay mo, Xiang?"

Sino nga ba si Rushin sa buhay ko?

Siya 'yong taong tumulong sa akin simula nang mapunta ako rito. Siya rin 'yong taong nagpanggap bilang kasintahan ko para lang makalimutan ko si Scion. Siya 'yong taong masasabi kong mahalaga rin para sa akin.

"Sa ibang pagkakataon ko na lang ipapaliwanag. Kailangan ko muna siyang makausap."

Hindi ko na hinintay ang susunod na sasabihin ni Scion at agad kong nilapitan si Rushin. Hindi maganda kapag nag-clash 'yong galit nilang dalawa lalo na ayaw nila sa isa't isa.

Agad kong hinawakan ang kamay niya upang pakalmahin siya, "Rushin, paano mo kami natunton dito?"

Hindi siya nakatingin sa akin, nakatingin siya kay Scion. Hindi pa rin nagbabago ang kulay ng mga mata niya kaya mas lalo kong hinigpitan ang pagkakahawak ko sa kamay niya. Nagbabakasakali na ilipat na niya ang tingin niya sa akin.

"Jia, alam mo naman na mali 'tong ginagawa niyo 'di ba? Alam mong masasaktan mo ang Reyna."

Lahat ng saya na naramdaman ko kanina ay biglang naglaho nang maisip ko ang mukha ni Weiming na umiiyak.

"Wala na akong pakialam kung hindi mo rin ako gustuhin pero sana naman gawin mo ang tama, Jia."

Nag-init ang magkabilang pisngi ko.

Bigla akong nahiya sa sarili ko. Ano ba 'tong ginawa ko? Bakit ako bumigay kay Scion? Bakit hindi ko naisip ang mararamdaman ni Weiming at ni... Rushin.

"Mataas ang pagtingin ko sa'yo, Jia, kaya alam kong gagawin mo ang tama."

Tumulo ang mga luha sa mata ko. Akala ko tuluyan na akong sasaya pero hindi pa rin pala. Pero ayos lang dahil ito naman ang tama, e.

Tama si Rushin. Kailangan kong gawin kung anong tama. Ayokong ma-disappoint sa akin 'yong mga taong naniniwala sa'kin. Lalo na si lola, na laging nagpapaalala na hindi bale nang masaktan ako, h'wag lang akong makasakit ng ibang tao.

Inangat ni Rushin ang kamay niya para punasan ang mga luha sa pisngi ko pero bago pa man niya mailapat ang kamay niya ay nag-shunyi si Scion sa gilid namin para pigilan ito.

"H'wag mo siyang hawakan," malalim ang boses ng Hari at unti-unti na rin nagbabago ang kulay ng mata niya sa pula. "Hindi mo siya kasintahan o ano pa man para hawakan na lamang siya."

Hindi tumitingin si Rushin kay Scion na hanggang ngayon ay hawak pa rin ang kamay niya.

Pinirmi niya ang mga mata niya sa mata ko. Pakiramdam ko pinipigilan niyang mas lalong magalit. Ayaw din niyang mag-clash sila ng Mahal na Hari.

Inawat ko na lang agad si Scion. Hinawakan ko ang kamay niya upang ilayo ito sa kamay ni Rushin.

"Mahal na Hari, paki-usap po huminahon kayo. Hinahayaan ko si Rushin na hawakan ako kaya hindi kayo dapat magalit."

Nagsalungat ang dalawang kilay ni Scion.

"Hindi mo na ako kailangang tawagin na Mahal na Hari, Xiang. At isa pa, bakit hahayaan mo ang lalaki na ito para hawakan ka? Hindi mo naman siya kasintahan!"

Zithea (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon