Kabanata 22: Bundok ng Deri

Magsimula sa umpisa
                                    

"Nakikisama ang panahon sa atin, maganda ang sikat ng araw," ang laki ng mga ngiti sa mukha niya. "Nasasabik ka na bang pumunta sa bundok ng Deri?"

Masaya ako na makita siyang masaya. Pakiramdam ko kahit papaano nakakabawi na ako sa mga ginawa niya sa aking pagtulog.

"Oo, hindi ko pa man nakikita 'to pero tingin ko maganda siya."

May isang bag na dala si Rushin o Beibao kung tawagin nila. Hindi ko alam kung anong laman no'n kasi 'yong mga pagkain naman basket.

"Dalian na natin dahil baka kunin ka agad sa akin ng Mahal na Hari."

Hindi naman ako makukuha ni Scion sa kanya dahil hindi naman ako pagmamay-ari ni Scion... at hindi ko rin siya pagmamay-ari.

Tahimik lang ako hahang pinagmamasdan ko si Rushin. Kakaiba ang saya niya ngayon, ngayon ko lang siya nakitang ganito kasaya.

Naisip ko... seryoso kaya siya sa sinabi niyang nahuhulog siya sa akin? Ganoon ba kadaling mahulog sa isang tao?

Sabagay... nahulog din naman agad ako kay Scion.

Pero wala naman kasing kagusto-gusto sa'kin. Paano kaya nahulog sakin si Liam at si Rushin? Si Scion, hindi ko pa sigurado.

"Kanina ka pa tahimik, pagod ka na ba Jia? Malapit na tayo," medyo hinihingal na si Rushin dahil paakyat na 'tong nilalakad namin pero ayaw pa rin niyang bitbitin ko 'yong basket na dala niya. "Pasensya ka na, dapat pala nangheram ako ng kabayo papunta rito."

"Ayos lang–"

"Sandali lamang!"

Pareho kaming huminto at tinignan ang aming likuran. Nanlaki ang mata ko nang makita ko si Scion, Grock at lima pang kawal.

Anong ginagawa nila rito? Akala ko ba mamaya pa sila pupunta?

"Kami kasama ang Mahal na Hari ay papunta sa bundok ng Deri, kung inyong nais ay maari na kayong sumabay sa amin," sambit ng isang kawal.

Tinignan kong mabuti ang mga dala nilang kabayo. Lahat ng mga kawal ay may bitbit sa likuran. Ang natitira na lamang na may upuan ay ang kabayo ni Grock at ni Scion.

Umigting ang panga ni Rushin at nakasarado na ang mga kamao nito.

"Pasensya ka na, hindi ko alam na maaga sila darating," bulong ko sa kanya. "H'wag na lang tayong sumabay."

"Ayos lang, Jia. Batid kong pagod ka na kaya mas mabuti na sumakay na tayo sa kanila."

Hindi nakatingin sa amin si Scion at sa harapan lang ang kanyang titig.

Ano na naman kaya ang iniisip niya?

"Lady Jia, doon na lang po kayo sa likuran ng kamahalan umupo," sambit ni Grock.

Pero agad na sumingit si Rushin, "Paumanhin po Heneral pero hindi po magandang tignan kung sa likod ng Mahal na Hari uupo si Jia. Maaring may makakita sa atin at pag-isipan nang masama ang pangyayari."

Tahimik lang ang lahat at lahat kami ay nakatingin kay Scion... naghihintay ng sasabihin niya.

"Nagbago na ang aking isip, walang uupo sa likuran ko. Mag-usap kayong dalawa kung sino ang uupo sa likuran ng Heneral."

Pinatakbo niya ang kabayo niya at agad naman na sumunod ang ibang kawal. Naiwan si Grock sa amin.

"Maglalakad na lang ako, Jia. Hintayin mo ako sa isang napakalaking puno na kulay ginto. Nag-iisa lamang ito rito kaya agad mo iyong makikita."

Nawala ang saya na meron si Rushin kanina. Hindi rin maiwasan na malungkot ako pasa sa kanya. Masaya sana ang araw na ito para sa amin pero ngayon pa lang ay nasira na.

Zithea (Published under IndiePop)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon