Kabanata 13: Natatangi

Começar do início
                                    


Tila isang beses na huminto ang pagtibok ng puso ko...

Umayos ka, Serenity, nagpapanggap lang kayo. H'wag kang feelingera!

"Sana maging masaya kayo para sa amin at sana bantayan niyo rin siya tuwing makikita niyo siya... para sa akin."

Tumango sila isa-isa, mataas talaga ang tingin nila sa kanya. Mula sa Hari ay naging kapitan na ang tawag nila rito. Pero sa pagkakaalam ko ay hindi pa isang kapitan ng grupo si Rushin.

"Masusunod kapitan!" Sigaw nilang lima.

Nakarinig kami ng isang halakhak mula sa aming likuran, pumalakpak pa ito.

Humarap ito sa amin at doon ko na nakita kung sino siya. 'Yong masungit na kapitan na nakahuli sa akin sa gubat.

"Tama ba ang narinig ko?" Panimula niya. "Tinatawag niyong kapitan ang hampas lupang 'to?" Nanlaki ang mata ko nang batukan niya si Rushin.

Humalakhak ulit siya habang nakasinging nakatingin sa amin.

Tinignan ko si Rushin, nakayuko lang siya pero wala siyang ginagawa... anong nangyari sa kanya? Ang matapang na taong nakilala ko ay tila ba nanahimik bigla.

"Kahit kailan, hindi ka magiging kapitan! Isa kang malaking lampa, alam mo ba 'yon, Rushin?"

Tatayo na sana ang kasamahan niya na katabi niya ngunit pinigilan niya ito at hinila pabalik sa pagkaka-upo niya.

"Paumanhin Kapitan Yagu, isa lamang iyong tawagan sa kapatiran namin." Mahinahon niyang sabi. "Hindi na ito mauulit."

Kung napigilan niya ang kasamahan niya, pwes ako hindi. Pagpapanggap man 'tong pagiging mag-jowa namin, hindi pwedeng tatapakan niya lang ang boyfriend ko sa harapan ko.

Oo may atraso ako sa kanya pero magaspang ang ugali niya kaya dapat lang siyang patulan.

"Anong karapatan mong manakit sa ibang kawal?" Tumayo ako at humarap sa kanya. Kung naiilang ako tumingin kay Banjo, sa kanya hindi. Kung pwede nga lang ako mambatok gamit ang matutulis kong tingin, malamang, malaki na 'yong bukol nito sa ulo.

"At sino ka naman?" Kumunot ang noo niya at tinginan niya ako mula ulo hanggang paa. "Ngayon lang kita nakita rito."

Tumayo si Rushin at humakbang patungo sa harapan ko, "Paumanhin Kapitan, palagpasin niyo na po ito."

Ano bang problema niya? Bakit bigla siyang naging maamong tupa sa harapan ng sira-ulong kapitan na 'to?

"Paano ko papalagpasin ito, nakialam na ang babaeng ito. Sino ka ba para sumagot ka sa akin, ha!"

Dapat pala tinapangan ko na ang kamandag ng ahas na kumagat sa kanya, baka pati ugali niya magbago.

"Ako lang naman ang kasintahan niya!"

Ang malalaki niyang mata na kasing laki ng isang kwago ay mas lumaki pa pero agad na napalitan ang maasim niyang mukha sa paghalakhak niya. Parang gripo na tumalsik ang mga laway sa bibig niya.

"Kasintahan? Si Rushin may kasintahan?"

Pati ang dalawa niyang alipores ay tumawa na rin.

"Sabagay, mukhang lampa ka rin naman kagaya niya! Bagay lang kayong magsama!"

Ako lampa? Napatumba ko nga siya ng wala pang isang minuto. Kung nakita niya lang ang itsura niya nang mawalan siya ng malay.

"Tama na!" Sigaw ni Rushin. "Papalagpasin kong may sabihin kang masama sa akin pero ang sabihan mo ng kung ano-ano ang aking Tangi ay hindi ako makakapayag."

Zithea (Published under IndiePop)Onde histórias criam vida. Descubra agora