Simula

160K 4.1K 954
                                    




DALAWANG taon na ang nakakalipas simula nang isulat ko ang isang mahiwagang mundo na nagngangalang, Zithea. Isa lamang sana itong istorya mula sa imahinasyon ko na sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagkaroon ng sariling buhay dahil sa libro ng Polaris.

Lumabas mula libro papunta sa mundo ko ang isa sa mga karakter na ginawa, ang Kapitan ng Dynasty, si Scion. Nagkasundo kami na ibabalik ko siya sa libro, sa mundo nila, ngunit biglang nawala ang Polaris. Dito na nagsimula ang paglalakbay namin na magkasama at ang pagpuksa sa kasamaan na pinapangunahan ng mga itim na salangkero at ng yumaong Hari Midas. Sa pagkakasama namin ay hindi ko inasahan na mahuhulog ako sa kanya. Pero si Scion ay naging tapat sa kanyang minamahal na si Prinsesa Weiming, na ngayon ay kanya ng asawa at reyna.

Isa na ngayong hari si Scion. Ang lalaking hanggang ngayon ay minamahal ko pa rin.

Ang hindi ko lang maintindihan ay kung paano ako nakapasok sa mundo nila gayon na hindi ko naman ito isinulat sa libro ng Polaris.

"Ayos ka lang ba talaga, binibini?"

Hindi ko maiwasan na hindi mapatitig sa mga mata niya dahil kulay asul din ito katulad kay Scion.

"Ano ba kasing pumasok sa isip mo at nanggulo sa kaharian? Muntik ka nang mahuli ng mga guwardya ng palasyo. Buti na lamang ay nahila kita papasok sa lumang silid."

Akala ko talaga ng una ay siya si Scion dahil sa kanyang mga mata. Malaki rin ang utang na loob ko sa kanya dahil kung hindi ay nakakulong na ako ngayon. Kung totoo nga talaga ang lahat ng nangyayari ngayon.

"Isa pa, kakaiba ang iyong suot. Saang nasyon ka ba nanggaling?"

Kanina pa niya ako tinatanong pero wala akong maisagot sa kanya. Sigurado ako na hindi magandang ideya kung sasabihin kong galing ako sa ibang mundo at ako ang lumikha ng mundo nila. Isa pa parang wala ako sa tamang wisyo.

Ang nakakapagtaka ay wala akong maalala na isinulat ko siya. Hindi ko nga kilala kung sino siya. Maari bang mabuhay ang isang tao na hindi ko naman naisulat sa libro ng Polaris?

"Apo, mukhang hindi siya maayos. Mas maganda na ipagpahinga mo muna siya sa iyong silid," sambit ng lola niya na kanina pa rin nakatingin sa amin. Puti na ang kulay ng mga buhok niya pero kaya pa nitong tumayo at maglakad. Medyo hinihingal nga lang siya. "Ako ay magpapahinga rin."

"Opo zumu, ako na po ang bahala kaya h'wag kayong mag-alala." tumaas ang kilay ko sa salitang itinawag niya sa kanya lola. Minsan ko lang nagamit ang salitang mandarin sa istorya pero ginagamit na rin pala ito sa mundo nila. "Kung may kailangan kayo ay tawagin niyo lang po ako."

Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa pagkatapos ay bigla niya akong binuhat. Hinawakan niya ang mga hita ko at ang likod ko para maiangat ako. Ang init din ng katawan niya lalo na ang mga kamay niya.

"Ibaba mo ako!" Sigaw ko.

"Aba, nagsasalita ka naman pala." Ngumisi siya at nagsimulang maglakad papunta sa tingin ko ay silid niya. "H'wag kang mag-alala, hindi naman kita gagawan ng masama. Dadalhin lang kita sa aking silid upang makapagpahinga ka."

Pagkadating namin doon ay namangha ako sa silid niya na puno ng mga halaman at mga larawan ng likod ng babae sa iba't ibang lugar.

Inilapag niya ako sa kanyang kama na napakalambot. Saan ba gawa ito at ganito ito?

"Mag-usap na lang tayo mamayang hapunan kapag nasa mas maayos ka nang kalagayan. Magpahinga ka nang mabuti."

Ngumiti na siya nang tuluyan sa akin at ito ay nakakahawa kaya agad akong lumingon patagilid para hindi niya iyon makita.

Hindi na siya nagsalita at iniwan na niya ako sa silid niya. Napaisip ako kung ganito ba sila sa lahat ng tao? Paano kung masama ako o kaya ay isang magnanakaw?

Zithea (Published under IndiePop)Where stories live. Discover now