"Bitiwan n'yo 'ko! Pakawalan n'yo 'ko!" Reklamo ng babaeng bihag sa mga nilalang na may hawak sa kanya, "Jazz, tulungan mo ako!" Umiiyak na hiyaw nito.

"K-Kate?!" Sigaw ng nakababatang pinuno na tinawag na Jazz, "Kate!" Susugod na sana ito, ngunit napigilan ito ng kanyang mga kakampi.

Nag-abot-abot ang paghinga ni Jazz. Lalo na nang natanaw n'ya ang paghablot ni Lucio sa babaeng tinawag n'yang Kate. Nakagapos ang mga kamay nito sa harapan; sabu-sabunot naman ni Lucio ang buhok nito sa likod.

"Ibabalik ko sa 'yo ang katanungan mo, Jasper." Hinatak nitong muli sa buhok ng dalagang halos mabakli na ang leeg sa pagkakatingala. "Aanhin mo ba ang manalo ka sa labanang ito, kung wala na rin naman ang pinakamamahal mo para samahan kang mabuhay sa mundo?!"

"Demonyo ka Lucio!" Natatarantang hiyaw ni Jazz--na tinawag ding Jasper, "Papatayin kita kapag sinaktan mo s'ya!" Nagwawala na ito; akmang susugod, kung 'di lamang ito napigilan ng limang nilalang mula sa kanyang panig.

"Ako? Papatayin mo? Eh papatayin mo rin naman ako kahit hindi ko patayin ang babaeng 'to, 'di ba?" pabiglang hinila nitong muli ang mahabang buhok ni Kate.

"Jazz!" Umiiyak na sambit ng dalaga, "Jazz, tulungan mo ako! "

Itinodo ni Jasper ang kanyang lakas upang makawala sa limang nilalang na 'di hamak na mas malalakas kumpara sa kanya. Nakawala ito at makakasugod na sana, kung 'di lang ito napahinto nang biglang itinutok ni Lucio ang patalim sa leeg ni Kate.

"Uurong ka ba? O ang patalim na 'to ang isusulong ko sa lalamunan ng babaeng 'to?" Malumanay ngunit nakangising pagbabanta ni Lucio kay Jasper.

Natigilan si Jasper; titig na titig ito sa lasetang nakatutok sa leeg ni Kate.

"Atras! O ngayon mismo'y itatanim ko 'to." Mas idiniin nito ang hawak na patalim, sa leeg ni Kate "Sa lalamunan ng nobya mo!"

Mabagal man ang naging pag-atras ni Jasper, nakarating din namang muli ito sa kanyang pinanggalingan.

"Anong kailangan mo, kapalit ni Kate?" Ani Jasper, sa mababa't malumanay na tinig

"Ang Carbonado, kapalit ng buhay ng babaeng 'to!"

Napayuko si Jasper upang tingnan ang itim na diyamanteng palawit sa kanyang kuwintas. Hindi ito kaagad nakagalaw, na wari'y napakahalaga ng bagay na hinihingi ni Lucio mula sa kanya.

Hinubad ito Jasper, "Heto!" At saka nito itinaas ang kuwintas." Pakawalan mo si Kate!"

"Ibato mo rito!" Sigaw ni Lucio.

"Palibanin mo muna rito si Kate!"

"Wala sa 'yo ang kapangyarihang mag-utos, bata. Ibabato mo ba ang Carbonado rito, o papatayin ko s'ya? 'Yun lang ang pagpipilian mo!"

Nag-aalinlangan man, ibinato pa rin Jasper ang hinihingi Lucio.

Sinambot ni Lucio ang iniitsa n'yang kuwintas. Napangisi ito. Umasa naman si Jasper na tutupad si Lucio sa kanilang napag-usapan. Ngunit 'di nga yata't nakaligtaan n'yang...isa itong Demonyo.

Walang kunsensya.

Walang kaluluwa.

Walang isang salita.

"Tungkol nga pala sa itinanong mo sa akin kanina," nakangising sabi ni Lucio; isinusuot na nito ang kuwintas, "Kung para sa'n pa ang mabuhay ako kung wala na rin naman si Senda?" muli itong pumustura. "Pero alam mo bang ang kasagutan sa katanungan mo'y hindi-hindi mo mauunawaan kung hindi mo ito pagdaraanan?"

Sinabunutan nitong muli si Kate upang muling tutukan ng patalim sa leeg. "Kahit anong paliwanag ko," Dagdag nito, "Hinding-hindi mo lubusang mauunawaan ang pakiramdam ng mabuhay nang may nag-uumapaw na poot sa dibdib. Poot na hindi na mawawala pa habang ika'y nabubuhay! Kaya't heto! Heto ang regalo ko sa iyo, bata! Ang ganap pang-unawa!"

Matapos 'yun, walang patumangga nitong nilaslas ang leeg ni Kate mula kaliwang bahagi ng leeg nito, pakanan; agad namang bumugalwak ang dugo nito mula sa malalim na laslas.

"Kate!" Umiiyak na hiyaw ni Jasper; nagpupumiglas ito sa pagkakahawak ng kanyang mga kasamahan.

Hindi n'ya maipaliwanag ang nararamdaman habang nakikita n'yang bumababagsak sa lupa si Kate. Mas higit ang lakas ng isang taong nagdaraan sa matinding emosyon, kung kaya naibuwal ni Jasper ang lahat ng may hawak sa kanya.

Sa pagsugod nito sa nakahandusay na si Kate, susugurin rin sana ito ng mga kampon ni Lucio upang patayin, ngunit napigilan naman ang mga ito ni Lucio sa pamamagitan lang ng isang kumpas.

"Huwag n'yo s'yang gagalawin." Utos nito sa kanyang mga kampon. "Gusto kong ako mismo ang papatay sa aroganteng 'to sa pagdating ng takdang panahon." Pinanonood nito ang pagtangis ni Jasper. "Gusto kong malaman muna ng hambog na 'to ang kasagutan sa mga bagay na s'ya mismo ang nagtanong. Ano nga ba ang pakiramdam? Ano nga ba ang tunay na naramdaman ko simula nang mawala si Senda?"

Sa kabila ng ipinag-utos ni Lucio, may isang grupo ng nilalang na hindi nakapagpigil. Isang grupo ito ng mga Kentawra (2) na walang pag-aalinlangang pinana si Jasper nang tatlong beses. Ang unang palaso, tumama sa kaliwang braso, ang pangalawa, sa kaliwang hita at ang pinakahuli, sa kaliwang dibdib.

Nagkagulo ang magkatunggaling hukbo. Muli na namang nagpatuloy ang kanilang sagupaang sandaling napahinto. Sa gitna ng muling pagsasagupa, halos mawalan na ng malay si Jasper. "Katapusan na n'ya," sabi n'ya sa kanyang isipan. 'Magaling. Mabuti kung ganun."

"Jasper!" Bulong ng estrangherong nakalambong. Ito rin ang estrangherong nagpalipad ng sibat sa gitna ng magkatunggaling mga hukbo. Inakay s'ya nito upang makatakas.

"Lola?" nanghihinang sambit ni Jasper. "Lola ayoko na, pabayaan mo na lang ako." Umiiyak ito, ngunit hindi naman ito pinansin ng estrangherong nauna nang kinilala ni Lucio bilang si Marietta.

Habang inaakay ng Estranghero si Jasper, umalingawngaw naman sa pandinig nito ang tunog ng pagdaluyong ng isang bagay na wala pang isang kurap, ay tumama sa kaliwang tagiliran ng Estranghero. Sinaksak pala ito ng isa sa mga Aswang na nakakuha sa sibat na pinalipad nito kanina.

Sa halip na indahin ang saksak, nagawa pa nitong bunutin ang sibat mula kaliwang tagiliran nito, upang itarak sa leeg ng Aswang na sumaksak sa kanya. Sanay na sanay ito. Iika-ika man--dahil sa malalim na sugat na tinamo--nakuha pa rin nitong makipaglaban sa bawat nakakasalubong na kalaban. Sinuong nito ang bawat nilalang na humaharang at umaatake sa kanila ni Jasper, hanggang sa mapagtagumpayan n'yang makatakas, kasama ang kanyang inililigtas.

Footnotes:

(1) Escrima (Eskrima, Arnis and Kali): Filipino Martial Arts. A weapon based fighting using rattan sticks, knives and other bladed weapons

(2) Kentawra: isang nilalang na may, ulo, braso at katawan ng isang tao, at apat na mga binti at ibabang katawan ng isang kabayo. (English: Centaur) a creature with the head, arms, and torso of a human, and 4 legs and lower body of a horse.

[ITUTULOY]

JASPER, The Demon SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon