EPILOGO

21.8K 794 331
                                    

"Wala kang kadala-dala. Sabihin mo nga sa 'kin, apo ko. Anong ginagawa mong mag-isa sa harapan ng aking hukbo? Nagpapatawa ka ba, o gusto mo na lang talagang magpakamatay?"

"Ibalik mo sa 'kin ang anak ko!"

Humalakhak si Marietta; buhat-buhat nito sa kaliwang braso ang batang si Daniel, "Nagbibiro ka ba o sadyang malabo na ang mga mata mo? Anong laban mo, sa libo-libo kong mga kawal at sundalo? May inaasahan ka bang parating? Sinong inaasahan mong kakampi mo, ang mga ito ba?"

Kumumpas ito kasabay ng paghawi ng mga kawal sa kanyang harapan. Naro'n si Lucio at ang natitira pa sa mga tagasunod nitong talunan, lugmok at duguang nakayuko sa lupa. Gayun din sina Alfonso, Manuel, Alondra at iba pang mga engkanto.

"Tingnan mo ang tabihan mo, Jasper? May nakikita ka pa bang kakampi? Lumingon ka sa likod mo? Mayro'n pa bang nakatayo para sa 'yo? Susugod ka ba at magpapatiwakal? Sige, halika! Hinahamon kita! Ibuwis mo ang buhay mo para sa iyong panganay. Para naman kung masawi ka, hindi lang si Daniel ang makukuha ko mula sa 'yo. Alalahanin mong may tatlo ka pang anak at asawang naghihintay sa 'yong pag-uwi. O baka naman...naliliitan ka sa aking hukbo?" Kumumpas ito. Kasunod nito ang unti-unting pagkalat ng maitim na ulap sa langit.

Napaatras at napatingala si Jasper, bagama't nakahanda na ito sa pagbunot sa kanyang mga baton na naka-ekis sa kanyang likuran. Alam n'yang wala s'yang kalaban-laban sa libo-libong hukbo ng mga impaktong, sa sobrang dami'y halos sakupin na ang buong kapatagan.

"Sugod, Jasper!" Humalakhak si Marietta. "Sumugod ka kung kaya mo!" Sa muling pagkumpas ni Marietta, nagsisulputan naman mula sa iba't ibang dako ng himpapawid ang hindi mabilang na dami ng mga demonyong nagsisiikot at lumilipad kung saan-saan. "Alalahanin mong wala na akong pakialam kung mamatay ka man, ngayong nasa akin na ang panganay mo!"

Batid ni Jasper na pagpapakamatay nga kung magpupumilit s'yang lumaban. Alam din n'yang isang asawa't tatlong anak pa ang mauulila n'ya kung masasawi s'ya sa labanan. Pero pa'no ba n'ya isusuko ang laban, para sa isa pa n'yang anak na singhalaga rin ng mga kapatid nito?

"Diyos ko po." Bulong ni Jasper. Pilit nitong itinatago ang hinagpis at pagtangis sa harap ng kanyang mga kaaway. "Tulungan N'yo po 'ko."

Binunot na ni Jasper ang kanyang mga baton para sa nagsisisugod na mga demonyo. Nagsisitalsikan naman ang mga ito sa bawat pagkakataong natatamaan n'ya ang mga ito. Halos mamanhid na ang kanyang mga kamay at mga braso, kaya naman bago pa man makalapit sa kanya ang  sumusugod na ring mga aswang at maligno, napatakbo na ito papalayo, paakyat sa di kalayuang talampas.

Hindi na naman ito hinabol ng mga humahabol sa kanya.

Kinuha ni Jasper ang pagkakataong 'yun upang lumuhod, umiyak at ilabas ang lahat ng bigat na kanyang nararamdamang...hindi nito magawang maipakita sa harapan ng kanyang mga kaaway.

Talo na naman s'ya. At sa pagkakataong ito, masyadong napakamahal ng naipatalo n'ya. Bukod sa kanyang tapat na mga kaibigan at kakampi, nawala rin n'ya ang kanyang sariling dugo't laman.

"Diyos ko..." Napalugmok na ito sa lupa. "Patawarin N'yo po ako sa kabiguan kong maipagtanggol ang liwanag sa kadiliman. Hanggang dito lang po ang kaya ko, Kayo na po ang bahalang magpataw ng parusa sa 'kin dahil sa mga kahinaan ko. Diyos ko, pakinggan n'yo—Ahh!" Biglang nakaramdam si Jasper ng matinding sakit sa kanyang gulugod. Napadapa ito nang tuluyan sa lupa, habang napupunit ang kalamnan sa kanyang likuran. Patuloy itong napadaing sa sobrang sakit, hanggang sa Ilang saglit pa, lumitaw na ng tuluyan ang kanyang mga pakpak—na tila kumikinang sa labis na kaputian.

"Tumayo ka." Isang itong malamig na tinig, na s'ya lang ang nakaririnig.

Tumayo naman si Jasper.

"Harapin mo ang iyong mga kaaway!" Muling wika ng tinig sa kanya.

"Pero pa'no ko gagawin 'yun nang mag-isa?" Sagot n'ya, "Daang libong aswang at mga maligno ang kakaharapin ko. Bukod pa ang libong dami ng mga demonyong di hamak na mas makapangyarihan pa kaysa sa 'kin?"

"Anong silbi ng pananalangin mo kung wala ka naman palang pananampalataya?" Napalingon si Jasper sa pinanggagalingan ng panibagong tinig na 'yun.

"Rafael?" Matapos n'yang makilala kung sino ang nagsalita.

"Ako nga." Mas lumapit ito sa kanya.

"Pero Rafael...nakita mo naman ang dami nila. Sa tingin mo ba, aabot man lang ako sa kalahati ng—"

"Kung may pananampalataya ka sa Diyos na tinawag mo, dapat alam mo, na kahit mag-isa ka lang, kaya mong lipulin ang mga kaaway mo. At kung kilala mo ang Diyos, dapat alam mo rin, na kapag S'ya ang kakampi mo, hindi ka kailanman mag-iisa. Hindi mo man S'ya nakikita, makakasama mo S'ya sa kahit anong laban, at kung nasa'n S'ya, naroro'n 'din kami. Masdan mo, ang tunay mong mga kakampi..."

Tumuro ito sa bandang itaas, at saka kumumpas. Bahagyang hinawi nito ang maitim na ulap na nagkakubli sa hindi mabilang na dami ng mga anghel. Nakahanay ang mga ito na tila mga mandirigmang nakahanda na sa gera. Doble ang dami ng mga ito, kumpara sa kabuuan ng hukbo—at kakamping mga demonyo ni Marietta. Napanganga si Jasper sa kanyang nakita; bago nito maluha-luhang nilingong muli si Rafael.

Copyright ⓒ 2014, DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

"Pumaro'n ka na at harapin mo sila." Wika ni Rafael sa kanya, "Bawiin mo ang dapat ay sa 'yo mula sa kamay ng iyong mga kaaway! Hilahin mo ang mabubuti mula sa kuko ng kasamaan! Itaguyod mo ang kaharian ng Panginoong Diyos sa puso, isipan at kaluluwa ng sankatauhan. Bunutin mo mula sa kadiliman ang mga dapat ay nasa liwanag! Baunin mo ang pangalan ng Diyos sa pagisisid mo palapag!"

Nag-umpisa nang humakbang si Jasper patungo sa direksyon ng bangin. Sa una'y naglalakad lamang ito.

Ang paglalakad ay naging pagtakbo...

Ang pagtakbo'y unti-unti rin namang tumutulin...

At hindi na huminto pa hanggang sa may nayayapakan pa itong lupa sa talampas.

"Lipad, Jasper, lipad!" Umaalingawngaw na sigaw ni Ankanghel Rafael nang maubusan na ng lupang tatakbuhan si Jasper. "Nasa panig mo kami at ang Panginoon!" Agad namang umangat si Jasper sa ere sa unang kampay pa lamang ng kanyang mga pakpak. Kasabay ito ng paglitaw at pagbaba ng hindi mabilang na mga anghel mula sa likod ng mga ulap.

Nasindak ang mga aswang.

Nagsiatrasan ang mga maligno.

Nagkagulo ang mga demonyo.

At nahintatakutan naman si Marietta.

Wala na itong nagawa pa nang agawin na ni Manuel ang batang si Daniel sa kanyang bisig. "Hindi pa tayo tapos, Jasper!" Sigaw nito sa sumusugod na kadugong nangunguna sa hukbo ng mga anghel. "Magkikita pa tayo!" Bigla na lamang itong naglaho sa kalagitnaan ng hukbo nitong naghihintay na lamang ng kanilang...

[KATAPUSAN]

JASPER, The Demon SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon