KABANATA 82

26.6K 911 162
                                    

Jasper's P.O.V.

Apat na balwarte pa ang nabawi ko kay Lucio sa loob lamang ng isang linggo. Limang angkan ng mga Aswang ang nagsisali na rin sa aming hukbo. Ang karamihan sa kanila, mga hindi naman sadyang nakikisali sa gulo, hanggang sa pati sila, ginagambala na rin daw ng kampo nina Lucio.

Ayon sa kanila, ilang nayon daw ng mga aswang ang nilusob at winasak ng mga kampon ni Lucio. Ito raw ang nayon ng mga aswang na sadyang nagkukubli upang nakapamuhay nang tahimik at malayo sa kabihasnan. P'wersahang pinamimili raw ang mga ito na kumampi sa kanila, kapalit ng kanilang buhay. Marami ang tumanggi, kaya marami rin daw ang sinawing-palad.

"Jasper." Pagtawag ng isang pamilyar na boses. Kasabay ng mismong paglabas ko sa aking tolda sa kampo. Nakangiti ito sa akin.

"Uncle Manuel?" lumapit ako sa kanya at niyakap ito. "Kumusta ka na?" sa pagkalas ko sa kanya, "Mukhang haping-happy ka na talaga ah!" Tumawa ako.

Hindi ito nagsalita. Nakangiti lamang ito sa akin.

"Anong sad'ya mo? H'wag mong sabihing magbabalik ka na?"

Nagbuntong-hininga muna ito bago nito sinabing, "Hindi ka man lang ba muna magpapahinga, pati itong mga kasamahan natin?" iginala n'ya ang tingin sa aming mga kasamahan sa paligid ng aming kampo.

"Nagpapahinga naman kami ah, o..." Inilahad ko ang aking kamay sa aking mga kasamahang nagpapahinga sa palibot.

"Halinhinang pauuwiin mo muna ang ilan para makasama ang kanilang mga kapamilya. Pati ikaw. Balita ko...hindi mo na halos nauuwian ang asaw—"

"Sinong nagpapunta rito sa inyo?" nakasimangot ako, "Si Mommy?"

Hindi nito sinagot ang tanong ko.

"Alam naman ni Jordanna ang misyon ko, Uncle."

"Kung mahal mo ang asawa mo, kahit may misyon ka, dadalawin mo man lang s'ya para makita at makasama. Kumustahin mo man lang kung ayos lang s'ya, o ligtas o di kaya nama—"

"Kung kaligtasan n'ya ang inaalala n'yo. H'wag kayong mag-alala, may mga inatasan na akong magbantay sa kanya."

"Oo nga, pero iba rin kung ikaw ang naroro'n. Kung mahal mo s'ya, dapat aalalahanin mo rin ang kalagayan n'ya."

"Kung mahal n'ya ako mauunawaan n'ya na hindi s'ya ang priority ko ngayon!" Hindi sinasadyang napataas ang boses ko. Dala na rin marahil ng pagod, puyat at sakit ng katawang nararamdaman ko, dulot ng sunod-sunod na pakikipagbakbakan nitong mga nakakaraang linggo. "At kung may isip s'ya, alam n'yang hindi rin madali ang pinagdaraanan ko. Hindi na ako makapapayag na magpatalo pa sa putang inang Luciong 'yan! At hindi mangyayari 'yung kung hindi ko aalalisin sa aking landas ang mga bagay na nakapagpapahina sa akin."

"Sinasabi mo bang ang iyong asawa ang nakapagpapahina sa 'yo?"

Natahimik ako sandali, "Kilala mo naman si Jordanna, 'di ba?" mas mababa na ang boses ko, "At alam mo na ang mga bagay at problemang idininulot n'ya sa akin para masira ang mga diskarte ko."

"Ikaw pa ba ang Jasper na nakilala ko? 'Yung batang, masaya at masigla kahit may mabibigat na pasanin sa buhay? 'Yung binatilyong umaasang makasama si Jordanna? 'Yung binatang nangarap na makabuo ng pamilya kasama siya?"

"'Yung parating talunan?!" Pagsingit ko sa sa kanyang sermon, "'Yung lalaking nagiging katatawanan na lang sa kanyang mga kalaban? 'Yung taong mahina at inaalagaan pa ang kanyang mga kahinaan?! Hell no! Kalimutan n'yo na ang taong 'yon, dahil hindi ako titigil hangga't hindi ko napaluluhod sa harapan ko si Lucio! Hindi ako hihinto hangga't hindi humahalik sa lupa ang lahat ng aking mga kaaway. Itaga n'yo sa bato!" Dinuro ko ito sa mukha, "Dahil sinisiguro kong magtatagumpay ang bagong Jasper na ito!"

JASPER, The Demon SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon