KABANATA 64

20.7K 849 43
                                    

Jasper's P.O.V.

Kinabukasan, oras ng uwian...

"Bakit naman pati kami, idadamay n'ya sa galit n'ya?" pagmamaktol ng isa sa mga aswang na kausap ko; lumalakad na ako palapit sa kotse ko. "Hindi naman kami ang pumatay sa pamilya n'ya ah."

Buong maghapon silang nahirapan sa pakikisama sa grupo nina Basilio. Naramdaman kasi nila na may mga bitbit na asin at bawang ang mga ito, kaya hirap na hirap silang kumilos o dumikit man lang nang mas malapit sa kanila.

"Oo nga," Pagsegunda ng isa, "At bakit ba tayo ang nagbabayad sa lahat ng mga kasalanan ng tropa nina Lucio?"

Hindi ako nagsalita. Nagdire-diretso lang ako sa driver's side ng kotse ko.

"O, sino-sino ang magpapahatid sa 'kin?" anunsyo ni Ricardo. Nakatayo ito sa tabihan ng kanyang van.

Nagkagulo naman ang mga gustong sumakay sa kanyang sasakyan.

"Teka nga!" Sigaw ni Ricardo, hindi na kasi kasya ang mga ito. "Hindi tayo kasya, 'yung mga nagbiyahe lang kanina, do'n kayo kay Alondra." Itinuturo nito ang kotse ni Alondrang tahamaling. "O do'n kay Aurelio, itinuturo nito ang jeep ni Aureliong kapre.

"Mas gusto namin dito aircon! Ugh!" Hiyaw ng tila naiipit na aswang o maligno sa loob ng van ni Ricardo.

"May aircon din 'yung kay Alondra 'di ba?" sagot naman ni Ricardo.

"Sira ang aircon ko." Bulong sa kanya ni Alondra.

"Haist! Ang aarte n'yo. Pare-parehas na namang amoy baktol na ang mga kili-kili n'yo sa buong maghapong pagtatrabaho, gusto n'yo pa naka-aircon kayo?!" Bugnot na bugnot na pinaghihila ni Ricardo ang mga nagpupumilit pang sumiksik. "'Yung mga maligno, p'wede bang maglaho na lang kayo rito para umuwi na kayo diretso sa inyo?" binibitbit nito ang iba sa likod ng kuwelyo.

"Akala ko ba bawal gumamit ng kapangyarihan?" pamimilosopo ng isa sa mga naiipit.

"Kung gagamit kami ng kapangyarihan," Pagsabat naman ng isang maligno, "Dapat gamitin na lang din ng ibang mga aswang diyan ang mga pakpak nila para makauwi!"

Sinundan 'yon nang mas matinding pagbubuno ng mga aswang at maligno; napaghahalata ito sa walang puknat na pag-uga ng van.

Napalingon si Ricardo sa di kalayuan. May mga tao pala ro'n ang nakamatiyag; kasama na sa mga taong 'yun si Basilio at walo sa kanyang mga kasamahan.

"Shhh..." Pabulong na pagsaway ni Ricardo sa mga nagkakagulo, "H'wag kayong maingay. May naniniktik sa 'tin.

"Ano? May tik-tik? Nasaan ang tik-tik?!" Napalakas na sambit ng isang maligno na pilit pa ring isinisiksik ang kanyang sarili sa van.

"Tanga!" Sabi ng mga nasa likuran nito. Sinamahan pa ng kani-kanyang pagpukpok ng mga ito sa likuran ng kanyang ulo, "Sinabi nang wag maingay raw eh."

"Ang gugulo n'yo." Nakasimangot na sambit ni Alondra. "Kung ayaw n'yong sumakay sa sasakyan ko, bahala na nga kayo. Basta ako, uuwi na ako." Pumunta na ito sa kanyang sasakyan.

"Sandali, sasama kami..." Paghabol naman ng apat na Aswang na nagkakani-kanya nang takbuhan para makisakay sa sasakyan ni Alondra.

"Aalis na rin ako!" Sigaw naman ni Aurelio habang; sumasakay na rin ito sa kanyang Jeepney.

"Teka sandali!" Sigawan ng mga maligno't aswang na napatalsik sa van ni Ricardo. "Sige na nga, d'yan na nga kami!"

"Sasama rin pala kayo, ang dami n'yo pang arte!" Nabubugnot na singhal ni Aurelio sa napakaiingay na mga nagsisisakay sa kanyang Jeep.

JASPER, The Demon SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon