Chapter 43

6.2K 292 24
                                    

Keira's Pov

Mabilis ang kilos nilang dalawa at masasabi ko na sa laban na ito ay si Death ang mas nakakalamang. Maraming daplis sa katawan si Reilee at may dugo na rin akong nakikita sa uniform niya kahit na kulay pula ang tela nito.

Naghanda na rin akong umatake para tulungan si Reilee dahil mahahalata na sa kanya ang panghihina. Kahit na hindi pa siya nag-aanyong lobo ay napakalakas pa rin niya. Nang tumilapon si Reilee ay doon na ako sumugod kay Death at mabilis niyang naiiwasan ang bawat sipa at mga kuko ko sa tuwing hinahampas ko ang mga kamay sa kanya.

"Mahina." Sumilay ang ngisi sa labi niya at mabilis na nagpakawala ng sipa na tumama sa binti ko. Bumagsak at napahiga ako sa damuhan.

Napansin ko agad na papunta na sa akin ang talim ng espada niya kaya naman mabilis akong gumulong pakanan. Tumayo ako at tumalon palayo sa kanya. Napangiwi ako dahil sumasakit ang parte ng binti ko kung saan niya ako sinipa. Nahihirapan tuloy akong tumayo ng maayos.

"Hindi ko maintindihan kung bakit hanggang ngayon ay ipinagsisiksikan mo pa rin ang sarili sa kanya." Blangko ang kanyang mga mata habang nakatitig sa akin. "Hindi ka ba nakakaramdam ng kahihiyan? Lalo na sa pinagmulan mo."

"Iyon ba ang pagpaslang sayo ni Aunt Yuri?" May ngisi sa labing tanong ko.

"Hindi." Dumilim ang pagkakatitig niya sa akin at parang may ipinapahiwatig siya. "Bakit hindi mo siya tanungin?"

Sa tuwing tinatanong ko si Aunt Yuri tungkol sa nangyari noon kay Zereth ay hindi niya ako sinasagot. "Tingin ko alam mo ang kuwento sa likod ng pagkamatay niya." Bakit ba ayaw nilang sabihin ang katotohanan?

Walang salita ang lumabas sa kanya. Nagsimula na siyang sumugod kaya naman inilabas ko na ang Vampire form ko at sinalubong siya. Kapwa namin naiiwasan ang mga atake ng bawat isa. Napansin ko sa gilid ng mata ko ang pagtayo ni Reilee na mukhang nakabawi na ng lakas. Paatras akong tumalon at si Reilee naman ang lumalaban sa kanya. Pakiramdam ko ay hindi magandang ideya na lumaban ng sabayan sa kanya at ubusin ang lakas ko.

Patalikod na tumalon si Reilee palayo kay Death at itinaas ang kanang kamay niya. Mula sa ere ay lumitaw ang mga maliliit at matutulis na yelo. Kasabay ng pagkumpas niya sa kamay ay ang paggalaw ng mga yelo sa ere papunta sa direksyon ni Death. Iniwasan niya ang lahat ng mga yelong bumabagsak sa kanya at pagkatapos ay tumakbo ng matulim. Kaliwa't kanan at pumunta sa likod ni Reilee. Malakas niyang sinipa sa likod si Reilee na naging dahilan sa pagtalsik nito at humampas ang katawan sa puno. Humarap si Death sa akin at nakaramdam ako na wala na siyang balak na buhayin pa ako.

"Nawawalan na ako ng gana dahil sa kakatakbo mo sa sarili mong kamatayan, Keira." Naglabas siya ng espada. Manipis ito at paniguradong itatarak niya sa dibdib ko. Hindi ko pa rin talaga alam kung paano niya nagagawa ang katulad ng nagagawa namin.

Naglabas na din ako ng espada at naghanda na sa pagsugod niya. Isang pagkurap lang ginawa ko pero nawala na agad siya sa paningin ko. Nakita ko na lang na nasa itaas na siya ng puno sa kaliwang direksyon at nakapatong sa sanga. Tumalon siya at mabilis ang mga kilos na sumugod sa akin na agad kong nasangga ang espada niya. Mahirap sundan ang galaw ng mga kamay niya at ilang beses niya rin akong nadadaplisan. Sinipa niya ang braso ko na naging dahilan para mabitawan ko ang hawak ko na espada at maglaho bago pa bumagsak sa lupa. May isang sipa pa mula sa kaliwang direksyon kahit na masakit pa ang isang braso ko ay pinilit kong protektahan ang nasa sinapupunan ko. Iniharang ko ang mga braso ko at tumalsik ako sa lakas ng sipa na pinakawalan niya.

"Shit!" Sobrang sakit na ng buong katawan ko at hindi ko alam kung makakaya ko pa bang makipagsabayan sa mabilis na galaw ni Death.

Kakaiba ang lakas na tinataglay niya kumpara sa mga nauna naming nakaharap na mga taong lobo. Ang hirap din sukatin at nakakapagtaka na may ganito siyang kalakas na kapangyarihan na maihahalintulad na kay Zereth Rutherfold.

The Vampire Princess: Prophecy Of Two Creatures [COMPLETED]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon