c h a p t e r 45

69 8 0
                                    

𝗕𝗿𝗼𝘁𝗵𝗲𝗿 ~

*******

Pagkagaling sa lumang resort ay agad rin na umuwi si Naica at Shao. Papagabi na at siguradong hahanapin na rin si Naica kaya hinatid nya na ito. Pagkarating sa bahay ay narinig nilang may tao sa kusina pero dumiretso si Shao sa kwarto at kumuha ng ilang piraso ng damit, inilagay sa bag at muling lumabas ng kwarto.

"Kuya!"

Mahina syang napamura nang makasalubong nya si Naica. Akala nya ay nasa kusina pa ito dahil siguradong nandoon din ang daddy nila.

"Saan ka pupunta?" Gulat at nag aalala nitong tanong habang pabalik balik ang tingin sakanya at sa bag na dala nya.

Mabilis syang lumapit dito at sinenyasan itong huwag maingay.

"Doon muna ako kina Paulo." Tukoy nya sa pinsan nila na nakatira sa Xevera Subdivision.

Hinawakan sya nito sa braso,
"Pero baka lalong magalit si daddy kapag umalis ka.."

Itinago nya ang sarkasmo sa tawa at inalis ang kamay nito.
"Hindi sya magagalit. Matagal na rin naman akong inaaya ni Paulo na doon muna. Babalik ako kapag malamig na ang ulo sa akin ni dad."

Hindi nya na ito hinintay na makapagsalita dahil alam nya na pipigilan lang sya nito. Mabilis na lumabas sya ng pinto at tinanggal ang kadena ng bike na ginagamit nila ni Kid, mabuti nalang at hindi nito iyon dala.

Wala sa Pilipinas ang mga magulang ni Paulo, ang mama nito, si Lalaine Monterde, ay kapatid ng mommy nya at malapit din sila nito pero bihira lang silang magkita dahil sa ibang eskwelahan ito nag aaral. Bago umalis ang mga magulang ni Paulo ay sinabihan na rin sya ng mga ito na doon muna pansamantala pero ayaw lang ng mommy nya.

Pero ngayon na siguro ang tamang oras na tanggapin nya ang alok nito, lalo pa at mukhang sumisikip na ang bahay para sakanila ng daddy nya.

Sakay ng bike, kahit kumikirot pa rin ang mga sugat, ay mabilis syang nakarating sa Xevera Subdivision.

Madilim na.

Nang dumaan sya sa pulang block ay awtomatiko syang napalingon at bumagal ang pag-pedal.

Block iyon nina Matteo.

Nang nasa tapat na sya ng bahay nito ay sandali syang napahinto. Nakabukas ang mga ilaw sa loob at sa labas, maliwanag rin ang kwarto nito at naaaninag nyang may tao doon.

Humigpit ang hawak nya sa manibela nang lumapit sa bintana ang anino nito.

"Matteo..." Bulong nya, umaasang maririnig nito iyon kahit na maging sya ay halos hindi iyon narinig.

Gusto nyang pumasok..
Gusto nya itong makita...

Ilang sandali pa syang nag isip kung gagawin nya ba iyon o hindi, pero nang biglang kumirot ang pasa nya sa labi ay agad nya yun inalis sa isip at umalis.

Ayaw nyang makita sya nito sa ganitong ayos at idamay ito sa lungkot nya dahil alam nya na may sarili rin itong problema.
Ayos nang masaya sila kapag nagkikita, ayos na sakanya na masaya lang sila.

Pagkarating sa bahay nina Paulo ay agad sya nitong sinalubong. Nasa blue block ang bahay nito, malayo na kina Matteo. Kumpara sa bahay ng huli, hindi iyon dinagdagan ng detalye sa labas, tanging bubong lang sa parking lot.
Sa loob naman ay pinalitan lang ang puting tiles na sahig ng marble at ilang furniture.

"Shao!" Nakangiti sya nitong niyakap. Mas matangkad ito sakanya, moreno at maliit ang mukha. Kamukha nito ang mga lalaking madalas na tinitingnan ng mga kaklase nilang babae sa isang cellphone application. Tipikal na rich kid ng campus.

"Someone punched you?" Agad nitong pansin sa labi nya. Maingat nitong hinawakan at ipiniling ang kaliwa nyang pisngi para sipatin. Sadyang mabait ito sakanya.

Ngumiti sya at tinapik ito sa kamay,
"Okay lang, malayo sa bituka."

Napapailing na napabuntong hininga ito, "Sabi ko kasi sayo na dito ka nalang, matigas rin kasi ang ulo mo, Rafael." Alam nito ang sitwasyon nila ng daddy nya kaya kahit hindi nya sabihin ay alam na nito kung kanino yun galing.

Inilapag nya ang bag sa sofa at sumalampak ng upo.
"Kaya nga ako nandito, para pasayahin mo ."

"Hindi ako pumapatol sa pinsan."

Natawa sya,
"Siraulo."

Ngumisi lang ito at naupo sa tapat nya.
Sa lahat ng mga pinsan nya, sila ang pinaka malapit. Siguro ay dahil pareho silang panganay at magka-edad.

"Dapat pala noon ko pa 'to ginawa." Aniya habang inililibot ang paningin sa bahay. Agad na gumaan ang pakiramdam nya sa maaliwalas na pintura.

"Ikaw lang naman ang may ayaw." Sabi nito, sandali silang natahimik at napansin na ayaw nitong ungkatin kung ano ang nangyari.  "Sasabay ka ba bukas papunta sa school?"

Umiling sya. Wala pa syang balak na pumasok.
"Saka na, kapag wala na'to." Turo nya sa labi.

Nabahiran ng simpatya ang mukha nito bago tumayo at pumunta sa box ng first aid kit.
Hinagis nito sakanya ang isang ointment at pain reliver.
"Help yourself. Take a rest and feel at home, brother."

*****

TACHYCARDIA (Book 1) COMPLETEDWhere stories live. Discover now