Wala pang thirty minutes nang huminto ang sasakyan sa harap ng bahay nila. Bumusina si Sir Alejandro. Ilang sandali lang, binuksan ng kasambahay nila ang gate bago tuluyang pumasok sa loob ang kotseng sinasakyan namin.

Inikot ko ang paningin sa malawak na space bago makarating sa bahay nila mismo. Napaka-vintage ng style. Mukhang ancestral house talaga, lalo na’t nahging engineering student ako kaya pamilyar sa akin ang ilang mga materyales dito. Halos lahat, makaluma pero sobrang tibay.

Matapos maigarahe ang sasakyan, lumabas na ako. Pinanood ko si Sir Alejandro na pagbuksan si Destinee at alalayan sa paglalakad hanggang sa makarating kami sa loob ng bahay. Naupo ako sa lumang style na couch at pinanood silang umakyat sa hagdan nang marahan. May mga ibinubulong si Sir Alejandro sa anak. Ilang sandali lang  naglagay ng pagkain at inumin sa center table ang kasambahay.

“Kaibigan ho ba kayo ni Ma’am Destinee?”

Napaangat ako ng tingin sa nakatayo sa gilid ko, nakaharap sa akin.

“G-Girlfriend ko ho siya.”

Nanlaki ang mga mata niya. “Huwag n’yo hong sasabihin ’yan sa mama niya, naku!”

Napakunot-noo ako. “Bakit ho?”

Nagbuntonghininga ang katulong. “Malaki ang takot ng mama niya na baka iwan na rin siya ng natitira niyang anak. Kapag may sinasabing kaibigan o manliligaw ’yang si Ma’am Destinee, nagagalit ’yon nang sobra at nagwawala. Sinasabi na kukuhanin na si Ma’am Destinee ng mga ito at ilalayo sa kan’ya.” 

Muli, sumimangot siya bago pinanood ang mag-ama na tuluyang makarating sa second floor ng makalumang bahay na ito.

“Nakakaawa nga ho ang pamilyang ito. Napakalungkot. Lalo na ngayon, napapadalas ho ang pagsumpong ng sakit ng mag-ina. Mag-isa lang sa pag-alaga si Sir Alejandro. Napakatiyaga.”

Gustuhin ko mang magtanong pa, nagpaalam na sa akin ang kasambahay dahil may mga gagawin pa siya. Hindi rin nagtagal, nakita ko nang bumababa si Sir Alejandro. Deretso ang malulungkot na tingin niya sa akin.

“Naihatid mo na si Destinee dito. Kailangan mo nang umalis.”

Umiling ako. “Aalis ho ako kapag nakita kong okay na siya.”

Nagbuntonghininga siya. “Hindi ka magiging handa sa mga makikita mo, Constantine. Kailangan mo nang umalis.”

Napakunot-noo ako. “A-Ano ho bang sinasabi n’yo?”

Matapos kong sabihin ’yon, umalingawngaw sa kabuuan ng bahay ang napakalakas at nakakatakot pakinggan na iyak mula sa babaeng nasa itaas. Nagbuntonghininga si Sir Alejandro bago nagmamadaling umakyat muli. Sumunod na rin ako kahit na alam kong hindi niya msgugustuhan ’to.

Nilampasan niya ang isang k’warto na may double door saka malakas na binuksan ang dalawang pinto rin sa tabi nito. Nakita namin si Destinee na nakaupo sa harap ng salamin ng makaluma ring vanity, umiiyak habang sinasabunutan at sinasampal ang sarili.

“Destinee!” malakas na sabi ko.

Lalapit na sana ako pero pinigilan ako ni Sir Alejandro.

“Huminahon ka. D’yan ka lang, ’wag kang lalapit!” bulyaw niya sa akin.

Lumapit siya sa anak at marahang kinuha ang magkabilang palad, pilit pinipigilan ang pananakit nito sa sarili. Umiiyak pa rin nang malakas si Destinee sa harap ni Sir Alejandro. Naiiwas ko ang paningin nang makitang mapula na ang mukha niya sa pananakit sa sarili.

“Destinee, anak, nandito si Papa . . .”

Napahugot ako ng malalim na paghinga sa mas lalong pagbigat ng nararamdaman.

Forgotten Seal Of PromisesWhere stories live. Discover now