Sinusubukan ko namang 'wag nang isipin ang dating Destinee na nakasama ko, years ago, sa tuwing kasama ko siya . . . pero bakit parang tadhana palagi ang nagdidikta na kailangan ko siyang alalahanin? Bakit palagi na lang may pagkakatulad sa nakaraan ang mga nangyayari ngayon?

Nang makalabas kami ng ferris wheel, hinawakan niya ako sa palapulsuhan at tumakbo papunta sa photobooth na nakita niya.

"Sorry, excited lang." She laughed. "Baka kasi mapagsaraduhan na tayo, mahigit 8 o'clock na."

Ngumiti lang ako sa kan'ya. "Ayos lang, hindi mo kailangang mag-sorry."

Nagpahila na ako as kan'ya hanggang sa makarating kami sa harap ng photobooth. Naghintay kami sa labas dahil nakita namin mula sa ilalim ng kurtina na may tao sa loob. Naririnig din naming nag-uusap sila kung paanong pose ang mga gagawin. Makalipas ang ilang minuto, lumabas ang isang babae at lalaki hawak ang pictures na 4R ang size. Hindi katulad ng sa dating photobooth na bookmark size at p'wedeng gawing sticker ang bawat picture doon.

Napalingon ako kay Destinee nang hinawakan niya ang palapulsuhan ko ulit at hinila papasok sa loob. "Let's go."

Pagkapasok namin do'n, dumagundong ang dibdib ko. Busy siya na aralin kung paano 'yon pagaganahin. Binasa niya rin ang instructions. Kailangan niyang maglagay ng one-hundred peso bill sa hulugan para magamit niya ang machine.

"Ohh, ang mahal, ah?" Tumawa siya bago kinuha ang wallet sa bag at naghulog ng isang buong one-hundred peso bill. "Sana lang hindi kumukupas ang pictures nito. Sayang naman kung hindi gano'n."

Nang malaman na niya kung paano gamitin ang machine, lumingon siya sa akin at ngumiti.

"Tara na, picture na tayo."

Tumango ako bago pumwesto sa harap ng camera. Nag-peace sign siya habang ako, nakangiti lang sa tabi niya. Sa ikalawang beses, umakbang ako sa kan'ya at bahagyang iniuntog ang ulo ko sa kan'ya. Tumawa naman siya. Sa huli at ikatlong beses, tumingin na lang ako sa kan'ya na deretso lang ang tingin sa camera habang nakangiti nang malawak.

Pinanood kong gumalaw ang mata niya sa tuwing may tinitingnan, ang bawat pagpikit ng mata niyang may mahabang pilik-mata na halatang ginamitan ng kung ano para umangat at gumanda ang itsura. Sa lapit namin ngayon sa isa't isa, malinaw na malinaw sa akin ngayon ang nunal sa ilalim ng kanang mata niya . . . at ang manipis na labi niyang pamilyar na pamilyar para sa akin ang pakiramdam.

"Wait natin, lalabas na yung picture," sabi niya habang nakasandal sa dingding.

Napalunok ako. Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko at tinakpan ang bibig niya. Nag-angat siya sa akin na para bang hindi inasahan ang ginawa ko.

"Sorry, maingay ba ako?" natatawang sabi niya habang nasa bibig niya ang palad ko.

Ramdam ko ang pagdikit ng labi niya noong oras na gumalaw 'yon at mas lalong bumilis ang tibok ng puso ko dahil do'n. Hindi na siya nagsalita pagkatapos pero nakatitig sa akin ang mga mata niyang alam kong nalilito na sa inaakto ko ngayon.

"Destinee . . ."

Kung hindi ikaw 'to . . . bakit ganito ang pakiramdam ko?

Kinalimutan ko na ang lahat ng nasa isip ko ngayon. Ipinikit ko na lang ang mga mata ko at ibinaba ang palad na nasa labi niya, saka lumapit sa kan'ya para halikan siya.

Alam kong mali 'to . . . alam na alam ko. Pero sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, pakiramdam ko, tama ang lahat.

Naramdaman ko ang bahagyang paggalaw ng labi niya bago ako itinulak palayo saka sinampal nang malakas.

"Ano bang ginagawa mo, Constantine?" galit na tanong niya habang nakatitig sa akin ang mga matang nangingilid ang mga luha. "Bakit mo ginawa 'yon?!"

Hindi ako nakapagsalita. Wala akong ibang explanation para do'n. Wala akong magandang rason. Hindi ko alam ang sasabihin ko kaya tumingin na lang ako sa ibaba at humugot ng malalim na buntonghininga.

"Akala ko ba walang ibang nagmamay-ari ng labi mo kung hindi 'yong Destinee mo sa nakaraan, ha?" Sa nginig ng boses niya ngayon, alam kong nagpipigil na lang siyang umiyak. "Bakit mo ginawa sa akin 'yon, ha?"

Napalunok ako bago nag-angat ng tingin sa kan'ya. Para akong sinaksak nang paulit-ulit nang makita ang mabagal na pagtulo ng luha niya. Kita ko pa ang pagdaan nito sa nunal niya sa ilalim ng mga mata.

"Hanggang ngayon, hanggang dito, siya pa rin ang iniisip mo? Akala ko ba, ako na ang nasa isip mo ngayon, ha?" Humikbi siya bago pinunasan ang luha. "Hindi nga ako 'yon! Kahit anong gawin mong pilit sa akin na ako 'yon, hindi nga ako 'yon!"

Padabog siyang lumabas ng photobooth, nilalampasan ang dalawang naghihintay sa amin sa labas. Kinuha ko ang picture naming dalawa bago lumabas at sumunod sa kan'ya. Hinawakan ko siya sa palapulsuhan para pigilan. Galit siyang humarap sa akin.

"D-Destinee . . . hindi naman 'yon."

She scoffed. "Eh, ano? Sa tingin mo ba, hindi ko natatandaan yung mga sinasabi mo sa akin tungkol sa 'yo? Hindi ko naman nakakalimutan 'yon."

Napalunok ako. "I . . . I'm sorry. Hindi ako nag-iisip bago may gawin. I'm sorry."

Lalo siyang umiyak nang sabihin ko 'yon. Nagsimula na siyang maglakad palabas. Tahimik lang akong sumunod sa kan'ya hanggang sa makarating kami sa parking lot. Pinatunog ko ang sasakyan para makasakay kaagad siya. Mabuti na lang, hindi siya nagdesisyon na mag-commute kahit na galit na galit siya sa akin ngayon.

Nang makasakay na ako ng driver's seat, naglagay siya ng airpods sa tainga at ipinikit ang mga mata. Napabuntonghininga ako bago nagsimula nang mag-drive paalis.

Mahigit isang oras ang naging byahe namin bago ko siya naihatid sa kanila. Halos 10 o'clock na ng gabi nang huminto ako sa pagda-drive sa harap ng bahay nila. Pinanood ko siyang magmadaling tanggalin ang seatbelt bago buksan ang pinto. Bago siya lumabas, nagsalita siya.

"Hayaan mo . . . sa susunod na magkita tayo, bibigyan na kita ng ebidensiya na hindi ako ang nakita at nakasama mo noon. Nang matapos na ang lahat ng 'to."

Pagkatapos n'on, tuluyan na siyang lumabas ng sasakyan at malakas na isinarado ang pinto bago pumasok sa loob ng gate ng bahay nila. Napabuntonghininga ako bago tiningnan ang picture naming dalawa mula sa photobooth.

Hindi ko alam kung dapat bang magpasalamat ako dahil sinabi niyang magkikita pa kami pagkatapos nito . . . o matakot dahil sa ebidensiyang ibibigay niya sa akin.

Mabigat ang loob kong nag-drive paalis sa harap ng bahay nila para umuwi.

Hindi ko naman hahayaang dito lang kami matatapos. Aayusin ko na. Magso-sorry ako at mangangakong hindi na mauulit. At sa susunod na gagawin ko 'yon . . . wala nang ibang nasa isip ko kung hindi siya lang.

Hindi ako papayag na hanggang dito na lang kami . . . aayusin ko na. Kakalimutan ko na lahat ng tungkol doon . . . 'wag lang siyang mawala sa 'kin.

Forgotten Seal Of PromisesHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin