Nagbuntonghininga si Mama bago sumandal. “Ngayon lang ako naka-encounter ng gan’yang sitwasyon, ah? Kung hindi mo sinabing hindi sila related, iisipin kong kambal sila.”

Kambal . . . 

Naisip din ni Solari ’yon. Kung hindi niya pa binanggit, hindi ko maiisip na posible ’yon. Doon ko lang din napagtanto na masyado akong bata noong na-meet ko si Destinee at simple pa mag-isip kaya hindi ko naisip na baka kakambal niya yung kapatid na kinukwento niya.

Nagbuga ako ng malalim na buntonghininga. “Naiisip ko rin, ’Ma, hindi kaya kambal talaga sila tapos . . . may nangyaring masama sa isa?”

Sumakit ang loob ko sa naisip kaya sinampal ko kaagad ang sarili ko bago kumatok sa concrete table sa pagitan namin.

“Mas posible ’yan, eh. Ang problema, anak, yung na-meet mo noon at yung nandito ngayon, pareho ng pangalan. Hindi ka niya kilala. Kung sabihin man nating hindi siya yung na-meet mo noon, bakit gamit niya ang pangalan ng kakambal niya?”

Napalunok ako kasabay ng mas lalong pagkabog ng dibdib. Papalalim na nang papalalim ang iniisip ko at hindi na maganda ang pinupuntahan nito. Hindi ko na nagugustuhan ang pinatutunguhan ng usapan namin ni Mama dahil may namumuo ng takot sa puso ko.

“Ano bang napansin mong pagkakaiba ng kaibigan mo noon at itong kamukha niya?” dagdag na tanong niya.

I sighed. “Walang kaibigan yung na-meet ko noon. Very friendly itong nandito ngayon.” Napalunok ako. “Tamad mag-aral yung kaibigan ko noon. Sinabi sa akin na matalino at masipag mag-aral daw itong kamukha niya. Tapos . . .”

“Tapos?”

Tumingin ako kay Mama. “Kinwento sa akin ng kaibigan ko noon na palagi siyang binibigyan ng balat ng manok ng kapatid niya. Itong nandito na kamukha niya, sinabi sa akin na first time daw may nagbigay sa kan’ya ng balat ng manok noong ginawa ko ’yon sa kan’ya.”

Tumango-tango si Mama matapos marinig ang lahat ng sinabi ko.

“Magkaibang tao siguro sila, anak. Nagkakagulo lang siguro tayo dahil sa magkatulad sila ng pangalan pero sa narinig ko ngayon, feeling ko, hindi siya ang kaibigan mo.” Nagbuntonghininga siya. “Pero hindi ko pa rin kinokompirma. Bilang doctor, dapat kami mismo ang titingin sa pasyente namin bago kami mag-diagnose. Gano’n din ang sitwasyon na ito. Kilalanin mo pa rin siya, at alamin mo kung bakit iisa lang ang pangalan nilang dalawa.” 

Ngumiti si Mama bago tumayo.

“Dalawa lang ’yan, anak. It’s either nagsinungaling ang kaibigan mo noon at ginamit ang pangalan ng kapatid niya. O kung hindi naman, siya rin yung nakasama mo noon pero hindi ka lang niya talaga naaalala. Alam mo, lahat ng tao, nagbabago. Kaya hindi porke wala siyang kaibigan noon, hindi na siya p’wedeng maging friendly ngayon. Tingnan mo rin, baka mali ako.”

Nagsimula na siyang maglakad pero tumayo ako para humabol sa kan’ya saka nagsalita.

“P’wede ba ’yon, ’Ma? Hindi ko makalimutan yung pangyayaring ’yon pero siya, nakalimutan niya kaagad na parang hindi nangyari ’yon? Na parang hindi ako dumaan sa buhay niya kahit isang segundo lang?”

Tumawa si Mama bago tinapik ang balikat ko. “Kaya nga kilalanin mo. Obserbahan mo. Alamin mo kung ano ang totoo kung talagang gusto mong malaman ang lahat. Psychology ang course mo at isa sa skills na dine-develop n’yo sa pag-aaral ay ang pag-oobserba. Make use of it. Okay?”

Matapos niyang sabihin ’yon, tuluyan na siyang umalis at iniwan akong parang pinagbagsakan ng langit at lupa sa dami ng impormasyong pumasok sa isip ko.

Kung tama nga na ginamit lang niya ang pangalan ng kakambal niya noon, ano ang totoong pangalan niya at . . . nasaan na siya ngayon? Bakit parang wala na siya sa alaala ng kakambal niyang si Destinee kung totoo mang kambal nga sila?

Forgotten Seal Of PromisesWhere stories live. Discover now