"Sana, mahanap mo na siya, para mapatunayan ko sa 'yo na magkaiba kami. Sana, magkita na kayo para maayos na ang lahat. Para . . . hindi ka na nasasaktan sa tuwing nakikita mo ako."

Tumayo na siya bago nagtipa sa cellphone.

"At sana, dumating ang araw na tingnan mo ako sa kung sino ako, at hindi sa kung sino ang naaalala mo." She smiled. "Mauuna na ako, may lakad pa ako, eh. Ingat ka palagi."

Matapos niyang sabihin 'yon, naglakad na siya papunta sa main gate nang hindi man lang ako tinitingnan pabalik.

Bakit ba hanggang ngayon, iniisip ko pa rin na siya 'yon?

Pero . . . paano kung siya nga 'yon? Ano pa ba ang ibang paraan para mapatunayan ko na siya talaga ang Destinee ko? Hindi ko na kayang maniwala na coincidence lang lahat ng similarities nila.

Hindi ko na alam kung ano bang dapat kong paniwalaan.

***

Nang mag-weekend, habang kumakain ako ng miryenda, dumating si Solari. Tumingin siya nang masama sa akin.

"Hoy, ikaw!"

Napakunot-noo ako bago uminom ng tubig. "Bakit? May kailangan ka?"

Nagbuga siya ng malalim na buntonghininga bago ihinampas ang dalawang palad sa table. "Sabi ko sa 'yo, dumistansya ka na lang kay Destinee kung hindi mo kayang kalimutan ang first love mo sa kan'ya, eh. Alam mo ba, simula first sem na magkasama kami, ngayon lang nag-rant sa akin 'yon na para bang naiinis na!"

Napabuntonghininga ako bago inubos ang spaghetti na nasa plato na niluto ni Manang. "Kumain ka na lang muna."

Nagbuga ulit siya ng malalim na buntonghininga bago kumuha ng plato at tinidor. Nagsandok siya ng spaghetti doon bago siya naupo sa harap ko.

"Sinabi ko na sa 'yo, hindi siya yung hinahanap mo!"

"Siya 'yon," pangangatwiran ko. Uminom ako ng juice bago itinuloy ang sinasabi. "Hindi ako sigurado pero ramdam kong siya 'yon. Baka sinasabi niya lang na hindi siya dahil ayaw niyang amining nakalimutan niya talaga ako."

Kumain siya ng spaghetti at nginuya-nguya saka nilunok ito bago sumagot. "Sa tingin mo, magsisinungaling siya nang gano'n, to the point na niloloko na rin niya ang sarili niya, para lang mapagtakpan 'yong bagay na 'yon?" Tumawa siya. "Hoy, Constantine! Magkaiba sila ng babae mo! Sabi mo, 'di ba? May kapatid 'yon? Si Destinee, walang kapatid! Only child! Kaya nga spoiled na spoiled ng mga magulang!"

Kung may isang bagay na pumipigil sa aking maniwala na siya talaga si Destinee, 'yon ay 'yong katotohanang wala siyang kapatid. Hinding-hindi ko makakalimutan kung paano siya nagkwento tungkol sa kapatid niya—halos hindi na siya nagkwento noon ng tungkol sa sarili niya.

"Paano kung . . . itinatago niya lang na may . . . kapatid siya?"

She sighed in frustration before drinking her juice. "Engot ka ba?! Bakit naman niya gagawin 'yon? Anong point?!"

Hindi ako nakasagot dahil tama naman siya. Napaka-nonsense kung sasabihin kong itinatago niyang may kapatid siya. Wala nga namang dahilan para gawin niya 'yon.

"'Wag mo nang lapitan si Destinee kung iisipin mo lang na siya yung taong hindi naman siya, okay?" She sighed. "Tama na, nahihirapan din kasi sa 'yo yung kaibigan ko. Kung ano man yung mga similarities nila, coincidence lang 'yon. Hindi naman naiiwasan 'yon—"

Tumawa ako nang peke. "Coincidence?" Umiling ako nang umiling. "Pareho sila ng mukha, ng pangalan, ng edad, ng nunal sa mukha, ng hugis ng labi, pati ng mannerism sa tuwing walang ginagawa ang kamay nila. Paano ako maniniwala na coincidence lahat ng 'yan? Sabihin mo nga, Solari? Kaya mo bang maniwalang coincidence lahat ng 'yan kung halos lahat, katulad ng sa hinahanap ko?"

Forgotten Seal Of PromisesWhere stories live. Discover now