I scoffed. "Lahat ng nireto ko sa 'yo b-in-usted mo. Mukhang busted din 'yang Trevor na 'yan. Hindi ka maka-move on doon sa Klein na 'yon, 'di naman kagwapuhan."

Namula ang mukha niya bago ako hinampas sa tiyan. Napadaing ako nang dahil do'n.

"Kung ano-anong pinagsasabi mo, Constantine! FYI, bago pa kami maghiwalay, naka-move on na ako sa kan'ya! Sana gano'n ka rin sa babaeng hinahanap mo."

Tinawanan ko lang siya. "Tara na, hatid na kita sa inyo."

Tumango siya bago kami sabay na bumaba ng building nila. Habang papunta kami sa parking lot kung nasaan ang sasakyan ko, nakita namin si Calista na nagmamadali. Tinawag siya ni Solari.

"Hoy, Calista!"

Huminto ito sa pagtakbo bago humarap sa amin. "Oh, Solari! Constantine!"

Umirap ako sa kan'ya. Bakit ba kapag sila ang tumatawag sa akin ng pangalan na 'yon, ang pangit-pangit pakinggan?!

"Bakit nagmamadali ka?" tanong ni Solari.

Nagbuntonghininga siya. "May duty pa ako sa McDonald's! Baka ma-late ako, eh."

"Sumabay ka na sa amin, dala naman ni Con ang kotse niya!"

"Talaga?! Sige!"

Wala na akong ibang nagawa kung hindi pumayag na lang at magpaka-driver sa kanilang dalawa. Habang nasa byahe, rinig ko ang pag-uusap nilang dalawa.

"Hindi ka ba nahihirapan? Pinagsasabay mo ang pag-aaral at pagtatrabaho? You could've asked for your parent's help, Calista," sabi ni Solari habang nakapangalumbaba sa bintana ng shotgun's seat.

OA na nagbuntonghininga si Calista bago sumandal sa bintana sa backseat. "I can pero nangako ako na kukuhanin ko ang course na gusto ko nang hindi hinihingi ang tulong nila. Kaya kailangan kong magsakripisyo." Ngumiti siya. "Worth it naman so 'wag kayong mag-alala."

Napasinghap ako. "Bakit ba kasi ang hilig makialam ng mga magulang sa kung ano ang dapat nating pag-aralan? Sila ang magpapaaral, oo, pero sila ba ang mag-aaral? Hindi naman. Tapos, kapag bumagsak tayo sa kurso na hindi naman natin gusto in the first place, nasa atin ang sisi." Napailing-iling na lang ako.

"Sorry, hindi ako maka-relate."

Nagtawanan kaming tatlo dahil sa sinabi ni Solari. Sobrang bait ng mga magulang niya. Bakit ba hindi namana ni Papa ang ugali ng papa ni Solari? Ang mama ko at mama ni Solari naman ang iisipin mong magkapatid dahil sa kung paano suportahanang mga anak nila, eh.

"Ewan ko ba sa mga magulang natin!" Tumawa si Calista.

Matapos siyang maihatid sa kung saan siya nagtatrabaho, naging tahimik kaming dalawa ni Solari. Ramdam ko ang awkwardness sa loob ng sasakyan pero mas awkward sa pakiramdam noong ganito kami katahimik noon ni Destinee dito.

"Hindi siya yung Destinee na hinahanap mo."

Napabuntonghininga ako matapos marinig 'yon. "Oo na, alam ko na."

Tumawa siya nang mahina bago lumingon sa akin. "Lumayo ka na lang kay Destinee. Hindi mo siya p'wedeng lapit-lapitan kung ang iniisip mo ay siya yung babaeng nakasama mo noon dahil lang sa magkamukha sila at pareho ng pangalan. Kung mahulog man 'yon sa 'yo, siguradong masasaktan siya."

Ibinalik niya ang tingin sa daan habang ako, humigpit ang hawak sa manibela matapos marinig ang lahat ng 'yon sa kan'ya.

"Gustuhin mo siya sa kung sino talaga siya, hindi yung gugustuhin mo lang siya dahil may naaalala kang iba sa kan'ya, Constantine. Sobrang bait niya sa akin—sa lahat—kaya kung masasaktan man siya nang dahil sa 'yo, magkakagalit talaga tayo."

Forgotten Seal Of PromisesWhere stories live. Discover now