Habang kumakain kami sa baba, narinig ko naman si Veronica na pumasok sa loob ng bahay kasabay ng malakas na pagsasalita.

"Mama, nandito na ang maganda mong panganay!" malakas na sabi nito bago dumeretso sa living room kung nasaan si Mama saka yumakap at humalik sa pisngi.

Tumawa si Mama. "Magbihis ka na't sumabay magmiryenda kay Constantine, Veronica."

Humarap sa amin si Veronica nang nakasimangot pero mabilis na nanlaki ang mga mata nang makita na may kasama ako. Lumingon ako kay Earl at nakitang umiinom na siya ng juice ngayon, nakaiwas ang tingin sa kapatid ko.

"M-Mamaya na lang, marami akong gagawin."

Matapos niyang sabihin 'yon, nagmartsa na siya paakyat sa hagdanan. Ilang sandali lang din, narinig namin ang malakas na pagkalabog ng pinto sa k'warto niya sa itaas.

Tumawa ako. "'Tang ina, gano'n ba talaga kapag fifth year mo na sa Nursing?"

Tumawa na rin si Earl. "Hindi ka pa nasanay sa kapatid mo, araw-araw namang kumakalabog ang bahay ninyo kapag nandito siya."

Nagtawanan na lang kaming dalawa.

Nang mga sumunod na buwan, sobrang bored na ako sa pag-aaral ng course na pinakuha sa akin ni Mama. Halos kalahati lang ng mga subject ang nakuha ko dahil lahat ng minor subjects, na-credit ko dahil sa pagsi-shift ko ng course. Mabuti na lang at maluwag ang oras ko dito. Pero dahil do'n, sobrang nabo-bored naman ako/

Sa tuwing oras naman para sa klase ng Introduction to Psychology, palagi akong nakakatulog sa gitna ng klase dahil sa sobrang hinhin mag-discuss ng matandang lalaking professor namin.

Isang pinagpapasalamat ko na lang siguro dito sa course na 'to ay hindi marami ang math dito, hindi tulad sa Engineering na tadtad ng Calculus.

"Memory and cognition represent the two major interests of cognitive psychologists. The cognitive approach became the most important school of psychology during the 1960s, and the field of psychology has remained in large part cognitive since that time . . ."

Muli akong nakatulog sa gitna ng klase dahil sa boses ng matandang propesor na para akong hinehele.

***

Nang natapos na ang final examination para sa first semester, nakapagdesisyon na akong hindi na itutuloy ang pag-aaral. Sinubukan ko namang gustuhin ang cours na 'to. Oo nga't nakakaengganyong pag-aralan kung paano mag-isip ang mga tao pero hindi ko pa rin siya magawang magustuhan. Naiinip ako at gusto kong tulugan na lang ang lahat ng subject. Karamihan pa ng mga kaklase ko ay babae at kung may lalaki man, hindi naman trip ang mga trip ko sa buhay.

Napabuntonghininga ako habang naglalakad palabas ng university. Nakita ko si Solari na palabas na rin ng campus dahil tapos na rin siguro ang exam nila. Lalapit na sana ako nang mapahinto dahil nakita ko na hindi pala siya nag-iisa—may kasama siya . . . at kilalang-kilala ko kung sino 'yon.

Sa pagkakataong 'to, alam kong hindi na ako nagkamali. Hindi na ako namamalik-mata at hindi ko 'to guni-guni lang.

Sobrang bilis ng tibok ng puso ko nang lumapit ako kina Solari at sa kasama niya. Huminto ako sa harap nila para pigilan sila sa paglalakad. Kumunot-noo si Solari.

"Oh, Concon! Bakit? Tapos na rin ang exam n'yo?" tanong ni Solari.

Hindi ko siya tinapunan ng tingin. Deretso ang mga titig ko sa babaeng nasa harap ko ngayon, nakatingin sa akin nang nagtataka—nagtatanong kung bakit nakaharang ako sa daraanan nila.

"Destinee . . ."

Umawang ang bibig niya sa pagbanggit ko ng pangalan.

"Magkakilala kayo?" hindi makapaniwalang tanong ni Solari.

Lumingon si Destinee sa kan'ya bago umiling nang bahagya. Ibinalik niya ang tingin sa akin. "Paano mo nalaman ang pangalan ko? Magkakilala ba tayo?" inosenteng tanong niya.

Napalunok ako bago humugot ng hininga. "Ako si Constantine. Hindi mo na ba ako natatandaan? Nagkasama tayo sa amusement park noong grade 10 tayo. F-Fieldtrip . . ."

Lalong nagsalubong ang kilay niya at nanahimik habang nakatingin sa kawalan, parang pilit na inaalala ang mga nangyari noong panahong 'yon. Nagbuntonghininga siya bago ibinalik ang tingin sa akin.

"Sorry, pero kasama ko ang friends ko noon, eh. Kasama ka ba namin noon?"

Umawang ang bibig ko sa sinabi niya. "H-Huh?"

Bahagya siyang ngumiti. "Hindi ako nahiwalay sa friends ko noon kahit isang minuto lang. Kahit kailan, sa tuwing may fieldtrip, palagi kong kasama ang mga friends ko."

Napalunok ako at nakaramdam na para bang pinagpapawisan ako nang malamig. Paanong . . . paano niya matatandaan ang mga ganoon pero ang makasama ako ay nakalimutan niya kaagad?

Umiling ako nang marahan. "H-Hindi. Tayong dalawa lang yung . . . magkasama noon." I gulped. "Sa ano . . . sa photobooth. M-May humahabol sa 'yong mga estudyante noon tapos . . . nagtago tayong dalawa—"

Tumawa siya bago umiling, dahilan para maputol ang mga sinasabi ko. "Sorry, hindi naman ako forgetful na tao pero wala talaga akong natatandaang may gan'yang pangyayari sa buhay ko, eh. Baka ibang tao 'yon."

Mabilis akong umiling. "Destinee." Lalong kumunot ang noo niya. "D E S T I N E E. Sinabi ko sa 'yo noon na hinding-hindi ko kalilimutan ang pangalan mo pati ang spelling, 'di ba?"

Humakbang ako ng isa papalapit pero mukhang natakot siya dahil humakbang siya papalayo sa akin.

"Concon, ano ba 'yan—"

"Ikaw 'yon. Imposible naman na coincidence lang na magkamukha kayo ng babaeng nakasama ko doon pati ng pangalan. Nakalimutan mo na ba talaga? May pinangako tayo sa isa't isa."

Sunod-sunod na umiling ulit siya kasabay ng pilit na pagngiti, senyales na naiilang na siya sa akin. "Sorry, h-hindi talaga kita kilala." Lumingon siya kay Solari. "Solari, una na ako. Next time na lang tayo mag-coffee."

Matapos niyang sabihin 'yon, tuluyan na siyang umalis at sumabay sa mga estudyanteng naglalabasan sa gate. Sinundan ko siya ng tingin at handa na sana siyang habulin nang pinigilan ako ni Solari.

"Con, 'wag mo nang sundan. Baka matakot sa 'yo o ma-misinterpret ka."

Napabuntonghininga ako bago lumingon sa kan'ya. "Hindi ako p'wedeng magkamali, alam kong siya 'yon!"

Nagbuntonghininga rin siya. "Hayaan mo na muna. Baka hindi ka lang niya naaalala. Matagal na panahon na rin naman 'yon. It's been more than five years. It's normal to forget someone whom you only met once in your life."

I sighed in disbelief as I gave up the thought of following her already. Since dito rin naman pala siya nag-aaral, sigurado akong magkikita at magkikita pa kami sa mga susunod na araw.

Pinagpaliban ko na muna ang plano na 'wag ituloy ang pag-stop sa pag-aaral. Sa ngayon, sa tingin ko, kailangan ko na munang ituloy 'to.

Forgotten Seal Of PromisesWhere stories live. Discover now