38. "Bago mong pamilya."

784 75 65
                                    



"Pupunta ka na sa Loston."

Takot ang rumehistro sa mukha ni Maya nang marinig ito sa taong labis siyang komportable ngayon. Hindi niya alam kung anong lugar ang sinasabi nito, at lalong hindi niya alam kung kasama ang ina niya.

"Sa'n 'yon? Kasama ko ba si Mama?" Umayos siya ng upo at mariing tumingin sa kausap.

Hindi gaya ng dati, bagsak ang emosyon nito. "Hindi pwede, Maya," mahina nitong sagot na humatak pababa sa nararamdaman niya.

"Pero sabi ni Elio dadalhin niya ako kay Mama." Namumuo na ang mga luha sa mata niya. Hindi niya kayang umalis nang hindi kasama ang ina. Hindi niya kayang kumilos mag-isa nang hindi siya nito inuutusan.

"Kailangan muna ni Mama na maging maayos para makita ka."

Mabilis siyang umiling. "Pero sabi ni Elio makikita ko si Mama." Tuluyan nang tumulo ang mga luha na agad niyang pinunasan. Unti-unti na siyang kinakain ng takot.

"Pero hindi pa ngayon, Maya. Ikaw rin, may mag-aalaga sa 'yo sa Loston at tutulungan ka rin nila. Kapag maayos na kayong pareho, magkikita ulit kayo."

Mabilis siyang umiling habang patuloy na umaagos ang luha sa mga mata. "Matagal 'yon! Sabi ni Elio makikita ko si Mama agad!" Labis na ang naging paghikbi niya habang kinukusot ang mga mata.

Pinanghahawakan niya ang sinabi ni Elio na makakasama niya ang ina. Sa mga salita lamang ni Elio siya nagtitiwala.

"Pero wala siyang sinabing ngayon, Maya." Hinaplos nito ang buhok niya habang inaalon siya ng boses nito.

"May sinabi si Elio."

Hinawakan siya nito sa baba at tiningnan sa mga mata. "Totoo ang sinabi ni Elio na magkikita pa rin kayo, pero hindi totoo na makikita mo siya ngayon. Kailangan nating umalis na hindi kasama si Mama."

"Si Elio . . . kasama ba si Elio? Sabi niya hindi niya a-ako iiwan." Muli niyang naalala ang sinabi nito sa kaniya.

Sa tingin niya ay kung hindi niya kasama ang ina niya ay mapakikiusapan niya si Elio na isama ito. Si Elio lang naman ang mapagkakatiwalaan niya bukod sa kaniyang ina, kahit na may mga bagay na pinagsinungalingan si Elio dati.

"Hindi rin kasama si Elio. Ang makakasama mo ay ang bago mong pamilya."




"The DNA result between Maya Regala and Lucio Lumina is . . . ninety-nine point nine percent."

"Alicia," mahina niyang tawag rito nang makarating sa kuwartong pinamamaligaan ni Alicia. Wala itong mga gamit at higaan lamang ang nasa loob upang maiwasan na saktan nito ang sarili sa tuwing nagbabago ang isip.

"Nasa'n si Maya?" Walang emosyong tumingin ito sa kaniya.

Ibang-iba na ang Alicia na nakikita niya ngayon. Mula sa isang inosente at mabait na bata ay napuno ng galit ang puso nito.

"Magkikita kayo . . . kapag pareho na kayong maayos." Mayroong umaalalay sa likuran niya na dalawang tauhan ng NCP sa oras na maging agresibong muli si Alicia.

Napangisi at unti-unting napunta sa pagtawa ang reaksiyon nito. "Anong maayos? Maayos kami ni Maya. Hindi namin kailangan ng tulong ng ibang tao. Wala naman kayong kwenta."

"May psychiatrist na kakilala ang anak ko sa Loston na magsisilbing guardian din ni Maya, at tutulong sa kaniya hanggang maging maayos siya."

Naglaho ang ngisi nito. "Ilalayo n'yo si Maya sa 'kin?" tanong nito sa mababang tono.

"Magkikita naman kayo ulit—"

"Hindi niya kaya! Hindi kaya ni Maya na wala ako! Ako lang ang susundin niya! Sa 'kin lang siya magiging ligtas!" sigaw nito habang nakakuyom ang mga kamay sa sapin ng higaan at galit ang mababakas sa mukha.

"Kailangan, Alicia—"

"Hindi!"

Naglakad siya palapit ngunit hinawakan siya ng dalawang tauhan sa braso na agad niyang nilingon.

"Hindi niya ako sasaktan," pagsusumamo niya.

"Delikado, ma'am."

Hinawakan niya ang kamay nito at tinanggal sa braso niya. "Alam kong naaalala pa rin ako ni Alicia."

Tinalikuran niya na ang mga ito at nagsimulang maglakad palapit kay Alicia. Walang takot ang gumagapang sa kaniya kundi tanging lungkot.

Makukulong ang umabuso kay Alicia, pero ilang taon itong nagdusa sa pangyayaring ito. Tila naging kulungan nito ang nakaraan.

"Alicia, pwede kang umiyak sa 'kin."

Nakatingin lamang si Alicia sa kaniya habang nanginginig ang boses niya sa pagsasalita. Tumabi siya rito at hinawakan ang kamay nito na nakakuyom.

"Kaya kong makinig sa 'yo ngayon. Kung anong naranasan mo noon, kung saan ka natatakot, kung bakit ayaw mong pinapayagang lumabas si Maya." Nagsalita siya na tila isang ina, isang inang hindi nito naranasan. "Ikuwento mo sa 'kin lahat Alicia. Pwede kang umiyak sa 'kin."

Magkasalubong ang mga kilay nito na nagpapakita ng galit, pero hindi nito maitatago ang luhang dumaloy sa pisngi. Humawak nang mahigpit ang kamay nito sa kaniya, nagpapakita ng kahinaan.

"Ayaw kong maranasan ni Maya ang nangyari sa 'kin."

Gaya ng nasa harapan, tumulo na rin ang mga luha sa kaniya.

"Ayokong kunin kay Maya ang mga bagay na kinuha nila sa akin noon."

Pinunasan niya ang luha sa pisngi niya at hinawakan ang mga kamay ni Alicia na nakahawak sa kaniya.

"Ayokong maranasan ni Maya na bugbugin ng mga alaala na pumapatay sa akin tuwing gabi. Ayokong lagi siyang napupuno ng takot."

Hindi niya napigilan ang paghikbi. Hindi niya maatim ang hirap na pinagdaanan nito, kung ilang libong araw ang pinilit nitong mabuhay sa gitna ng kagustuhang kamatayan.

Matatag si Alicia . . . ngunit hindi ibig sabihin na sa mga karanasang iyon ipaparangal ang dahilan kung bakit naging matatag siya.

Hindi kailanman magiging dahilan ang pang-aabuso kaya't nagkaroon ng isang magandang katangian ang isang tao. Siya ang dapat parangalan sa pagiging matibay, at hindi sa mga ginawa ng taong nang-abuso sa kaniya.

"Ayokong araw-araw niyang isipin na sana . . . mamatay na lang siya kinabukasan."



Mama SaidWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu