14. "Gaya ko."

814 84 63
                                    



"Natatakot ako," mahinang saad ni Maya habang nakatingin sa loob ng gubat.

Mayroon pa ring liwanag na nanggagaling sa araw, pasulyap-sulyap ang mga ito. Hindi pa rin maiiwasan ang takot sa napakatahimik na paligid. Sanay na siya sa pagiging tahimik sa loob ng bahay, ngunit iba ito, dahil nasa labas siya ng maliit na mundong kinasanayan niyang galawan.

"'Wag kang matakot, Bambi. Kasama mo ako, at isa pa, matapang ka 'di ba?"

Umiling ito. "S-sabi ni Mama . . . hindi ko kaya ang sarili ko. Siya lang . . . s-siya lang daw . . . sa kaniya lang daw ako ligtas."

Iniyukod niya ang katawan at tinitigan ito sa mga natatakot na mata. "Hindi totoo 'yon, Bambi. Hindi totoo ang halimaw o ang masasamang—hindi lahat ng tao ay masama at hindi totoo na hindi mo kaya ang sarili mo."

Tinitigan niya ito nang maigi sa mga mata. Ang pagpaparamdam na mahina si Maya na galing sa kaniyang ina, pang-aabusong emosyonal.

"Hindi ka mahina sa paningin ko." Nanginig ang labi nito. Tila gustong maiyak dahil sa sinabi niya. Lumaki si Mayang pinaniniwalaan na mahina siya at kailangan niya lagi ang ina sa tabi niya.

Sa mga binabasang istorya sa kaniya ng ina, ang mga mahihina ang laging namamatay at natatalo. Sa ganitong paraan niya nabuo kung ano ang katangian niya—isang mahina.

"Hingang malalim." Sinimulan ni Elio ang paghinga nang malalim upang gayahin siya ni Maya. At isang malalim na pagbuga ng hangin kasunod si Maya.

Inulit pa nila ito nang dalawang beses upang mabawasan ang tensiyon na nararamdaman nito.

"Tara?" Tumango ito.

Mabagal lamang siyang naglakad upang maalalayan sa kaniyang likuran si Maya. Nasa bungad pa lamang sila ay nagulat na ito sa mga tunog na nalikha sa pagtapak nila sa mga dahon. May mga bagong laglag at may mga tuyot.

Nilingon niya ito nang mapansin itong huminto.

"N-natatakot ako," Namumuo na ang mga luha sa mga mata nito. Nanlambot ang ekspresyon niya nang makita ang mukha nito.

"Gusto mong humawak sa kamay ko?" Bumaba ang tingin nito sa kamay niya. "Hindi ka na takot sa 'kin 'di ba?" Muli itong tumingin sa kaniya habang nahihirapan sa paghinga.

"Hindi." Itinaas niya ang kamay at itinapat ito kay Maya. Inilipat nito ang tingin sa palad niya.

Ngayon pa lamang ito makahahawak ng ibang tao maliban sa ina. Hindi nito alam kung ang pakiramdam ng kamay ng ina ay katulad ng kaniya. Noong nakaraan ay paglapat lamang ng kanilang palad ang nangyari, ngayon ay mahahawakan na nito ang kamay niya.

Dahan-dahan nitong inilapit ang kamay hanggang sa muling maglapat ang kamay nila.

"Hindi ka na takot sa 'kin?" Umiling ito at hinigpitan ang hawak sa kamay niya. Naalala nito ang init ng kamay ng ina. Hindi man magkasinlaki, pareho pa rin nagbibigay ng kaginhawan kay Maya.

"Ow-kay. Maglalakad na tayo." Hinila niya ito habang naglalakad nang paunti-unti. Hindi pa rin maiwasan ang pagtingin-tingin nito sa paligid.

Minsan ay nakaaapak pa ng mga sanga ng kahoy na dahilan ng mahinang pagkagulat nito. Nakikita niya talaga ang karakter na si Bambi rito.

Tahimik silang naglakad sa gitna ng gubat. Nasa loob lamang sila at wala pang plano na lumabas mula rito. Kailangan muna nitong masanay sa lugar na ito.

Gusto niyang unti-unting mabawasan ang takot ni Maya. Hindi rito matatapos ang pagiging malaya nito, kung kailangang humingi siya ng tulong sa mga nakatataas, gagawin niya.




"Elio," may pagkasabik na tawag sa kaniya ni Maya habang naglalakad papunta sa bahay nito. Nakadungaw ito sa bintana habang nakangiti at mahigpit ang hawak sa pasimano ng bintana. Panibagong araw upang bisitahing muli si Maya.

"Why, why, why? Masaya ka yata ngayon." Bahagya itong lumayo upang makaupo siya sa pasimano ng bintana.

"L-lumabas ako kanina," masayang pagbabalita nito sa kaniya. Sinilip niya ang mga paa nito at hindi napigilan ang pagsalubong ng kilay.

"Wala kang tsinelas, Bambi."

Umatras ito at inangat nang kaunti ang isang paa. "Hinugasan ko, tapos . . . p-pinunasan ko 'yong sahig."

Nginitian niya ito. "Galing mo talaga. Apir." Nang itaas niya ang kamay ay agad na inilapat nito ang palad sa kaniya.

"Lalabas ulit tayo?" Tumango siya kahit naalala niyang hindi siya nakapagdala ng tsinelas. Ang kaniya na lamang ang ipahihiram niya rito.

Naglakad siya papunta sa harapan ng pinto nito at agad itong binuksan ni Maya.

"Mag-aapak na lang ako." Balak na sana niyang tanggalin ang tsinelas nang pigilan siya ni Maya.

"W-wag." Halata ang pag-aalala sa mukha nito. "Masaktan 'yong paa mo."

"Hindi, Bambi. Okay lang ako."

Nakakagat ito sa ibabang labi habang isinusuot ang tsinelas sa paa. Napangiti siya nang iginalaw-galaw nito ang mga daliri sa paa.

"Dito na lang tayo, w-wag na tayo pumunta sa loob." Humawak ito sa kamay niya nang hindi niya namamalayan. "Elio."

Tumingin siya sa mukha nito na nakatingin sa harapan nila.

"K-kanina . . . ang lapit ng mga . . . ibon." Iniugoy niya ang magkahawak nilang mga kamay habang naglalakad.

"Minsan ba na-curious ka—I mean . . . ginusto mong lumabas sa gubat na 'to?"

"Hindi."

Naramdaman niya ang paglalaro nito sa daliri niya. Kahit na wala naman siyang kiliti sa palad ay tila nagbibigay ito ng maliliit na kuryente sa kaniya.

"Sabi kasi ni Mama . . . n-nakakatakot." Inilagay nito ang isang kamay sa harapan at tila may inaabot. Mistula nitong hinahawakan ang mundong ni-minsan ay hindi niya nakita.

"Sa susunod, sa labas na tayo pupunta."

"Marami ba talagang masasamang tao sa labas?" Tumingala ito sa kaniya habang inilalagay niya ang kamay sa bulsa ng jacket.

"Walang halimaw sa labas, masasamang tao meron."

Napasinghap ito. "Bakit ka lumalabas? Pa'no kung—pa'no kung gawan ka nila ng masama?" taranta nitong tanong.

Hinilot niya ang likod ng kamay nito gamit ang kaniyang hinlalaki. "May masasamang tao, Bambi, pero mas marami pa rin ang mababait." Namilog ang mga mata nito habang nakangiti sa kaniya.

"Gaya mo," saad nito sa mahinahon na boses.

"Gaya ko."



Mama SaidWhere stories live. Discover now