2. "Takot ka ba sa 'kin?"

1.9K 128 63
                                    



Halata ang pagkatakot sa mukha nito. Nanginginig ang parehong kamay at namumuo na ang luha sa mga mata. Maririnig ang malalalim nitong paghinga habang bumabagsak ang mga hibla ng buhok sa gilid ng mukha.

"Wait, miss!" Tumakbo si Elio sa pintuan habang nakataas sa harapan ang parehong kamay. "Ibaba mo 'yang kutsilyo," utos niya rito na tila nawala na siya sa katinuan dahil sa halip na tumakbo ay nanatili pa rin siya.

"Alis!" sigaw nito sa halos matinis na boses na nagpagising sa katinuan niya

Nanakbo siya palabas ng pintuan at isinara ito. Rinig niya ang sariling pagtibok ng puso. Sa sobrang lakas nito ay tila nabibingi na siya mula rito.

Naglakad siya paatras. Naghihintay kung hahabulin siya ng babae. Ngunit sa ilang segundo niyang pagtigil ay walang lumabas.

Huminga siya nang malalim at naglakad sa direksyon ng bintana. Bahagya siyang nakalayo rito upang silipin lamang ang nasa loob.

Nakita niya ang pag-iyak nito habang nakatutok pa rin ang kutsilyo sa harapan. Kinukusot nito ang mga mata gamit ang isang kamay—hindi matigil ang paghikbi.

Nadagdagan ng awa ang pagkatakot niya. Tila ito ang dalagang nasa guhit na nakasabit sa pader. Nakasuot ito ng puting bestida na walang manggas at abot ang laylayan, isang dangkal sa ibabaw ng tuhod nito. May maliit itong pangangatawan—maging ang tangkad nito na hindi ganoon kataasan.

Ramdam niya ang takot sa mga iyak nito. Alam na niyang may kakaibang nangyayari dito.

"Miss," kalmado niyang tawag.

Muling nalipat ang atensyon nito sa kaniya at itinutok muli ang tusok ng kutsilyo sa kaniya. Labis na ang paghikbi nito na tila hindi na kakayanin pang magsalita.

"Takot ka ba sa 'kin?" tanong niya na halata namang alam na niya ang magiging sagot. Unti-unti siyang naglakad papunta sa bintana. Nabawasan ang takot niya nang makitang hindi ito lumapit sa kaniya.

Iling ang isinagot nito. "Pauwi n-na si Mama." Patuloy lamang ang pag-iyak nito na naging dahilan ng pagputol-putol ng pagsasalita nito.

"Bakit ka natatakot sa' kin?" malumanay niyang tanong, umaasa na mabawasan ang takot nito sa kaniya.

"Sabi ni Mama, masasamang tao ang nasa labas. P-para silang halimaw." Mabagal na rumehistro sa utak niya ang sinambit nito. "Nananakit daw sila . . . nananakit daw kayo."

"Bullshit," bulong niya sa sarili.

Naghalo-halo ang nararamdaman niya—takot, awa, lungkot, at galit. Tama nga siyang ang taong titira sa ganito ay ang taong wala sa tamang pag-iisip. At ang tao na 'yon ay ang tinatawag nitong Mama.

Masyado na bang nakulong ang babae na ito? Kung sa iba nito sasabihin ang bagay na iyon, siguradong tatawanan lamang ito ng makaririnig. Masyadong hindi kapani-paniwala ang sinasabi nito.

"Hindi ako masamang tao. At mas lalong hindi ako isang halimaw." Tumingin siya sa mga mata nitong tila inosente sa buhay sa labas—sa labas ng gubat na ito.

"S-sinungaling din daw kayo."

Sucks.

Ibinaba nito ang isang kamay at ikinuyom sa ibabang bahagi ng bestida nito kaya't bahagya itong tumaas.

"Hindi totoo 'yan." Magkasalubong na ang mga kilay niya habang nakakuyom ang parehong kamay. "Hindi totoo 'yong sinabi ng nanay mo."

Sa halip na makumbinsi ito ay muli itong naiyak. "Hindi sinungaling si Mama." Tuloy-tuloy ang pag-agos ng luha nito. Nakatitiyak siyang pati ang pag-iisip ng babaeng nasa harapan ay naapektuhan na rin dahil sa tinatawag nitong Mama.

"Makinig ka sa 'kin." Awa ang nararamdaman niya habang nakatingin sa mukha ng babaeng umiiyak. "Bambi," tawag niya rito.

Pangalan ito ng paborito niyang karakter na gustong-gusto niyang pinapanood noong bata pa siya. Naging malapit na ang pangalang ito sa kaniya bilang bahagi ng pagkabata niya. Iniisip niyang makukuha niya ang pansin nito sa pangalang ibinibigay niya rito.

"Halimaw ka!" muling pagsigaw nito na puno ng takot.

"Totoo ang sinasabi ko. Hindi kita sasaktan," malumanay niyang saad habang nakatingin lang dito. "Iiwan ko sa 'yo 'to."

Inalis niya ang itim na pulseras sa palapulsuhan niya at isinabit ito sa pakong nakausli sa gilid ng bintana.

"Kapag may nangyaring masama sa 'yo dahil sa bracelet na iiwan ko, isa akong halimaw—masamang tao—na sinasabi mo. Pero kung wala, promise, babalikan kita rito."

Tinitigan niya ito sa mga mata. Sinusubukan niya kung maniniwala ito sa kaniya. Siguradong kinalakihan nito ang pagmamanipula ng isang tao, hindi imposibleng magawa niya rin ito.

Alam niyang hindi niya dapat ginagawa ang bagay na ito dahil ito ang dahilan ng pagkatakot ng babae. Ang dahilan ng kawalan ng kaalaman sa totoong mundo. Puno ng mga litanyang hindi totoo na itinanim sa isip nito. Nakakulong.

"Bambi." Nakuha niya ang atensyon nito. Nabawasan ang takot sa mga mata at tanging luha na lang ang naging bakas. "Hindi kita sasaktan, babalik ako bukas."

Pagmamanipula lamang ang naisip niya na sagot upang makawala ito sa takot. Pagmamanipulang purong katotohanan.



Mama SaidWhere stories live. Discover now