29. "Nakakatakot."

645 76 63
                                    



"Komportable ka bang nandito si Elio habang tinatanong ka namin?" tanong ng tauhan ng NCP na kukuha ng panayam kay Maya tungkol sa maganda at masamang pakikisama nito at ng ina sa isa't isa.

Tumango si Maya, hindi tinatanggal ang mahigpit na kapit kay Elio habang nakayuko. Nakahawak lamang si Elio sa kamay nitong nakahawak sa braso niya at hinahaplos.

"Magpapaalam na lang po muna ako kay Mama."

Nang panandaliang umalis ang tauhan ng NCP ay kinuha niya ang cellphone at nakita rito ang napakaraming missed calls mula sa ina. Maghahanda na siya sa pambungad na sigaw nito.

"Elio! Nasa'n ka ba! Kanina pa ako tumatawag sa 'yo! Wala tayo sa lugar natin at nasa probinsya tayo, Elio! Hindi mo pwedeng gawin ang mga bagay na ganito rito!"

Nang matapos ito sa pagsigaw ay siya naman ang nagsalita. "Ma . . . nasa office ako ng NCP," mahinahon niyang sagot.

"At ano namang ginagawa mo diyan? Hindi ko nga alam kung saan 'yan, Elio." Hindi pa rin natatanggal ang bahid ng galit sa boses nito.

"Natatandaan mo 'yong sinabi ko sa inyong may anak 'yong babaeng nasa gubat?" Walang sumagot sa kabilang linya. "Nandito siya, Ma. No'ng sinasabi kong sa computer shop ako pumupunta, sa kanila talaga ako pumupunta para samahan siya."

Matagal bago ito muling nagsalita. "Tapos?"

"She was isolated . . . na hindi n'yo pinaniwalaan. May nag-report sa NCP, tapos sa akin lang siya komportable rito kaya hindi ko siya maiwan." Sa totoo lang ay ayaw niyang iwan ito. Kung hindi lang siya mas lalong pagagalitan ng ina ay hindi na siya aalis pa rito.

"Okay. . . ." Napahinto ito upang mag-isip kung ano ang dapat gawin. "Ganito, ipapasundo kita sa kapitbahay ng lola mo na may tricycle."

"Malayo 'to, Ma. Ihahatid na lang daw ako ng service." Napatingin siya kay Maya nang mapasanday ito sa itaas na braso niya. Nakatitiyak siyang nararamdaman na nito ang pagod.

"Okay. Basta umuwi ka lang mamaya and we'll plan what to do next. Basta umuwi ka lang mamaya, Elio."

"Opo, Ma. Sorry din," nanlulumo niyang sagot, ngunit kung ibabalik niya ang dati, mas pipiliin niya pa rin ang pagtakas nang hindi nito nalalaman.




"Maya, nagugutom ka ba ngayon?" magaan nitong tanong na sinisiguradong hindi matatakot si Maya. Nasa tabi niya si Elio na nakahawak sa kamay niya.

Nagsimula na ang pagtatanong ng tauhan ng NCP kay Maya upang malaman kung ano ang pang-aabusong naranasan niya.

Sinabihan siya ni Elio na may mga itatanong lamang ito na kailangan niyang sagutin, na nahikayat siya sa kadahilanang makikita na raw niya ang ina pagkatapos.

Umiling si Maya bilang sagot nang hindi pa rin itinataas ang paningin.

"Ano'ng kadalasan mong kinakain?"

Pinaglaruan niya ang daliri ni Elio na nakahawak sa isa niyang kamay. "A-adobo . . . apple," mahina niyang sagot.

"'Yon ba ang paborito mong kainin," may pagkamasigla nitong tanong na tinanguan niya. "Tuwing kailan ka kumakain?"

"S-sa . . . sa umaga, tapos . . . sa . . . tanghali. . . ." Huminto muna si Maya nang saglit bago muling sumagot. "'P-pag . . . umuuwi si Mama."

Nakatingin lamang si Elio sa mukha niya at pinanonood ang paggalaw ng labi niya at reaksiyon ng mukha.

Mama SaidTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon