32. "Swerte tayo sa kapatid."

679 67 85
                                    



Warning:

This chapter contains physical and child abuse.



Muli siyang umiyak. Iniyak niya lahat ng bigat at sakit. Iniyak niya ang kamatayan niya.

"K-kuya." Hinawakan niya nang mahigpit ang brasong nasa leeg niya. Ito lamang ang kakapitan niya ngayong gusto na niyang mamatay—para mawala na ang sakit.

"Sasamahan kita. Sasamahan ka ni Kuya," bulong nito habang pinapatahan siya.

Hindi man nito matatanggal ang sakit, maipararamdam naman nito na may natitira pa rin sa kaniya.

"Hindi kita iiwan. Kung hindi tayo swerte sa magulang, swerte tayo sa kapatid." Alam niya ito. Kung may magandang bagay na ibinigay ang mga magulang niya sa kaniya, iyon ay ang mga kapatid niya.

"Bakit nila ginagawa ang mga bagay na ganito, Kuya?" tanong niya na halos maubusan ng hininga.

"Mga halimaw sila, Alicia. Hindi tayo ligtas sa ganitong mundo."

Iniharap siya nito upang makita nito ang mukha niya. Hinawakan nito ang mga pisngi niya at hinalikan siya sa noo. Mas nagiging magulang pa ang kapatid niyang ito kaysa sa totoong mga magulang nila.

"Ako ang magpropotekta sa 'yo, Alicia. Mahal na mahal ka ni Kuya. Mahal na mahal kita."




"Walang magsusumbong, Anthony!" malakas na sigaw ng ina sa harapan nila.

Nasa likuran ni Anthony si Alicia habang nakararamdam ito ng takot mula sa ina.

"Magsusumbong ako—"

"Subukan mo, Anthony! Baka nakakalimutan mong hawak ko pa rin si Maricris! Baka gusto mong saktan ko rin 'yon gaya ng ginagawa ko sa inyo!"

Napakuyom ang mga kamay niya. Wala siyang ibang magawa para sa mga kapatid. Siya ang panganay ngunit lumaki siyang mahina. Napakawalang-kwenta niyang kapatid.

"Bakit ba napakawalang kwenta n'yong nanay? Sana namatay na lang kayo, at sana, hindi n'yo na lang kami ipinanganak—"

Isang malakas na suntok ang dumampi sa kanang pisngi niya mula sa amang kapapasok pa lamang mula sa pintuan. Nanggagalaiti ito sa galit. Narinig nito ang pinagsasasasabi niya sa ina.

"Gago kang bata ka!" Dinuro siya nito na nilabanan niya ng isang masamang tingin.

Tumawa ito nang sarkastiko. Mabilis nitong hinawakan sa braso si Alicia na nasa likuran niya na ikinataranta niya.

"Kuya," iyak ni Alicia habang nakahawak sa kamay ng amang nakakapit nang mahigpit sa braso na tiyak na mag-iiwan ng marka.

"Bitiwan mo siya, Tay," nanghihina niyang pakiusap sa ama.

"Kung ayaw mong nasasaktan ang mga kapatid mo, magpakabait ka." Niyugyog nito si Alicia. "At si Lucio, umalis na, kaya hindi n'yo na kailangan pang magsumbong. Naiintindihan mo?" Dinuro siya nitong muli.

Hindi na siya sumagot. Nawawalan na siya ng pag-asa na matutulungan ang kapatid. Kinakain siya ng takot na kung magsumbong siya . . . ay mapatay pa ng mga magulang ang mga kapatid niya.

"Naiintindihan mo!" malakas nitong pag-ulit.

"Opo," bulong nito at kinuha si Alicia mula sa hawak ng ama.

Kung hindi nito kayang magpakamagulang sa mga anak, siya ang magiging magulang sa mga kapatid.




Napansin ni Anthony ang unti-unting paglaki ng tiyan ng kapatid. Halos isumpa niya ang taong nagsamantala sa kapatid at halos patayin na niya ito sa isip niya. Gusto niyang mabigyan ng katarungan ang pang-aabusong ginawa nito sa kapatid, wala siyang paki kung gaano katagal ito.

"Hindi pa ako handang maging nanay, Kuya."

Niyakap niya ito habang umiiyak sa tabi niya. Napakabigat ng loob nilang pareho. Walang pakialam ang mga magulang nila sa pinagdaraanan nito.

"Kakayanin natin, Alicia. Hindi kita iiwan. Gagawa ako ng paraan para makaalis tayo ritong magkakapatid. Hihingi tayo ng tulong kay Tita kapag nagkaroon tayo ng pagkakataong hindi mahuli."

Sa buong pagbubuntis ni Alicia ay siya lamang ang kasamang nag-alaga rito. Lahat ng pananakit ay siya ang sumalo.

Pareho nilang pinili na buhayin ang sanggol sa sinapupunan ni Alicia dahil sa prinsipyo nila.

Ipinangako nila sa sarili nilana hindi nila ipapasa sa anak ni Alicia ang pang-aabuso na naranasan nila sa mga magulang nila. Kailangang ang mga nangyayaring ito ay huminto sa kanila.

Nang araw ng panganganak ni Alicia ay hindi ito tinulungan ng magulang nila. Sabi ng mga ito ay gastos lamang ang aabutin kung dadalhin pa ito sa ospital. Ngunit nagpumilit si Anthony na dalhin ito upang maging ligtas. Pinagbantaan lamang siya ng mga ito na sa oras na magsumbong ito, si Maricris ang pagbubuntunan nila ng galit na sa oras na iyon ay isang taong gulang pa lamang.

Humingi siya ng tulong mula sa tiyahin mula sa kalapit-bayan upang may maipambayad sa ospital. Marami itong tanong na ang tanging isinagot niya ay mga kasinungalingan. Labag na labag sa loob niya ang mga sinabing ito.

Labis na ang pagod niya ngunit hindi niya pwedeng sukuan ang kapatid.

Hindi naging maayos ang pagtrato sa kanila ng magulang nila. Kadalasan itong naiinis dahil sa pag-iyak ng sangggol na silang magkapatid lang ang nag-aalaga. May kaalaman na sila rito nang kaunti nang maipanganak ang kanilang bunsong kapatid na si Maricris na sila rin ang nag-alaga.

Sa umaga ay nagtatrabaho si Anthony, at minsan ay isinasama niya ang kapatid kapag walang trabaho ang kanilang ina upang hindi nito masaktan ang dalawa.

Akala niya ay kakayanin niya ang mga ginagawa nito, ngunit naubos ang pisi niya nang isang araw ay pinuntahan siya ni Alicia sa trabaho niya. Umiiyak ito habang buhat-buhat ang sanggol na may takip na tela upang hindi masilaw sa liwanag ng paligid.

"Kuya."

Nag-aalala niyang pinuntahan ito at sinilip ang sanggol na hawak ni Alicia. "Bakit? Bakit ka umiiyak?" Pinunasan niya ang luha nito gamit ang likod ng malinis na kamay.

"S-si Tatay . . . kanina. . . ."

Hindi pa niya naririnig ang sasabihin nito ay nakaramdam na siya ng galit.

"Saglit lang akong pumunta sa banyo . . . h-habang nasa loob ako . . . narinig kong umiyak si Maya. T-tapos. . . ." Napahikbi ito. "Pagbalik ko . . . may panyong nakalagay sa bibig niya . . . h-habang nasa upuang kahoy si Tatay, habang umiinom." Napalakas ang hikbi nito at ang tuluyang paglabas ng luha sa mga mata.

Hindi nakapagsalita si Anthony. Unti-unting nagigising ang matinding galit sa kaniya. Buong buhay niya ay nagtiis siya sa pamilyang kinalakihan niya. Ngayon ay nakarating na siya sa dulo. Sa pag-uwi nila, buo na ang desisyon niya . . . aalis si Alicia sa bahay na 'yon.



Mama SaidМесто, где живут истории. Откройте их для себя