6. "Gusto mo bang magtiwala sa 'kin?"

1.1K 90 97
                                    



Nanlaki ang mga mata niya at tila may kamay na nakapulupot sa leeg niya. Biglaan siyang nahirapan sa paghinga. Tila isang malaking kampana ang puso niya ngayon. Tama ang ina niya, hindi multo ang kalaban niya ngayon . . . kundi isang tao.

Maaari siyang saktan nito . . . may problema sa mentalidad kaya't malaki ang posibilidad na mangyari ito. Hindi naman niya sinasabing lahat ng may ng may kondisyon ay nananakit, siguro ay nadadala na lamang siya sa takot ngayon.

"Anong ibig mong sabihin?" natataranta niyang tanong habang nagpapalipat-lipat ang tingin kay Maya at sa gubat na pinanggalingan.

"Sa tuwing t-tumutunog ang orasan na 'yan, ibig sabihin ay malapit na siya sa unahan ng gubat." Napanganga siya. Napahigpit ang hawak niya sa cellphone na dala-dala. "H-hindi ko alam . . . kung saang eksaktong lugar. Pero sa tuwing tumutunog 'yan a-ay dumadating din siya agad."

Nagtatalo ang isip niya kung magtatago siya rito o tatakbo siya sa gubat. Ngunit sa parehong pagpipiliian ay maaari niyang makasalubong ang ina ni Maya.

"Bullshit," singhal niya sa sarili at sinimulan ang pagtakbo papunta sa likod ng bahay. Nang makarating ay may natanaw siyang tila balon, di-kalayuan sa kaniyang kinatatayuan. Tumakbo siya papunta rito ngunit nang makalapit. . . .

"Ay gago!" Natalisod siya sa isang nakausling bato sa paligid nito at tuluyang tumalsik ang hawak na cellphone sa loob ng balon.

"Ang tanga mo!" Sinipa niya pa ang konkretong harang ng balon at sinilip ang loob nito. Nakita niya ang cellphone niya sa isang ukit na bato sa loob. Nagliliwanag ito kaya't kita niyang maaari pa itong makuha.

Labis ang kaba niya dahil ito na lamang ang tanging paraan upang mapatunayan ang sinasabi niya sa kaniyang ina. Ngunit sobrang daya ng mga pangyayari sa kaniya, pakiramdam niya ay may sadyang gumagawa nito sa kaniya.

Muli siyang bumalik sa bahay at sumilip sa harapan nito.

"Oh shit!" Halos manginig ang buo niyang katawan nang marinig ang pagbukas ng pinto sa likod ng bahay nito at makitang may nakatayo rito.

"Bambi." Napahawak siya sa dibdib at huminga nang malalim. Tila aatakihin siya sa puso dahil sa labis na kaba.

"Mabait si Mama. Bakit hindi ko na lang sabihin—"

"'Wag na 'wag mong sasabihin, Bambi."

Nanginginig ang mga kamay niya at inilagay ito sa bulsa ng kaniyang jacket.

"Magagalit ang mama mo sa akin . . . at sa 'yo." Lumambot ang ekspresyon ng mukha nito. "Ayaw mong magalit ang mama mo sa 'yo, tama?"

Mabagal itong tumango sa kaniya.

"Kaya 'wag mong sasabihin para hindi siya magalit sa 'yo, maliwanag?" Muli itong tumango sa kaniya. ""Wag na 'wag mo siyang papapuntahin dito. Kailangan kong makaalis nang hindi niya nalalaman para hindi siya magalit sa 'yo. Libangin mo siya."

"L-libang—libangan. Katulad lang ba iyon ng . . . ng libangan?"

"Kailangang bigyan mo siya ng libangan para hindi niya mapansin ang pag-alis ko."

"H-hindi siya magagalit sa 'kin kapag umalis ka na?"

Mabilis siyang tumango. "Hindi siya magagalit, Bambi."

Nakatingin lamang ito sa kaniya habang ang isang kamay ay nakakuyom sa ibabang bahagi ng bestida at ang isang kamay ay mahigpit na nakahawak sa hawakan ng kutsilyo. Muli na naman itong nalilito.

"M-maliwanag."

Tumalikod na siya at sinimulan ang paglakad papunta sa balon.

"B-babalik." Napahinto siya sa paglakad at muling nilingon ito nang marinig ang mahinang sinabi nito. "B-babalik ka? At . . . magtitiwala ba a-ako ulit sa 'yo?"

Mama SaidWhere stories live. Discover now