16. "Wala ka talagang kwentang ina."

766 80 77
                                    



Warning:

This chapter contains physical abuse and mentions of sexual abuse.



"Nasa'n si Alicia?" diretsong tanong ni Jennifer, babaeng mahigit limampung taon ang edad. Magkahalong galit at pag-aalala ang ang nakabakas sa mukha niya.

Gulat ang rumehistro sa mukha ng babae na nasa loob ng maliit na bahay na gawa sa pawid, hindi inaasahang may darating na bisita.

"Matagal na siyang wala rito, Ate." Umayos ito ng upo. Nakikipaglaban ng titigan sa mukha niyang halata ang galit.

"At hindi mo alam kung nasa'n siya? Wala ka talagang kwentang ina." Halos bumakat na ang ugat niya sa leeg dahil sa pagpipigil ng galit. Pilit siyang pinakakalma ng asawang nakahawak sa likod niya.

"Wala kang karapatan na sabihan—"

"May karapatan ako, Flor!" Hindi na nito napigilan ang pagsigaw. "Pinuntahan ako ni Lydia sa bahay, kahit napakalayo ng bahay namin mula dito, Flor! Hanggang ngayon nananakit pa rin kayong mag-asawa! Hindi lang si Anthony ang sinasaktan n'yo! Simula nang mamatay si Anthony, nilipat n'yo naman ang pananakit kay Maricris!" Lumunok ito, pinipigilan ang sarili na umiyak.

"Anak ko 'yon, at wala ka nang pakialam kung ano ang gagawin naming pagdidisiplina sa kanila!"

"Hindi disiplina ang ginagawa mo, Flor. Abuso 'yon."

Tinitigan niya lamang ang mukha nito, hindi ito makatingin sa kaniya. Tinatanong niya ang sarili kung bakit tila bakal ang puso nito.

"At alam mo kung saan ako pinakagalit?" Nilingon siya nito. "Sinabi sa akin ni Lydia na biktima ng rape si Alicia! Gago ka! Wala kang ginawa!" Nakakuyom na ang mga kamay niya. Kahit ngayon lang ay isisigaw niya ang lahat. Gusto niyang ilabas lahat ng sakit at galit na nararamdaman sa mga ginawa at ginagawa ng kapatid.

"Gagastos lang kami—"

"Puta ka! Sana, hindi ka na lang nag-anak kung hindi mo naman kayang ipagtanggol at alagaan."

Hinawakan niya ang kamay ng asawa na alam niyang poot din ang nararamdaman at pinipigilan lamang itong ilabas.

"'Pag nahanap ko si Alicia, makukulong kayo pareho," pagbabanta niya.

"Sige!" Nagbigay ito ng sarkastikong tawa. "Tingnan lang natin kung mahanap n'yo pa 'yon. Baka nga pareho na silang patay ng anak niya—"

"Flor!" Isang nakakapanindig-balahibong sigaw ng asawa niya. Nagpupuyos na ito sa galit.

Ayaw na sana nitong patulan ang babae sa harapan ngunit ang mga sinasabi nito ay nakaaapekto sa nararamdaman ng asawa.

"Hahanapin namin si Alicia . . . at sisiguraduhin kong makukulong kayo."




Maingat na naglakad si Alicia sa madilim na kwartong tinutulugan. Ang ilaw ay nanggagaling sa lamparang nasa labas ng nakabukas na pinto. Silip lamang ang liwanag na ito upang hindi magising ang anak niya.

Dahan-dahan niyang idinampi ang labi sa noo nito. Muli na naman siyang magtatrabaho sa gitna ng gabi. Ito lamang ang hanapbuhay na malaki ang kitaan ngunit malaki rin ang kapalit.

Sa paglabas ng kwarto ay maingat pa rin ang paglakad niya. Iniiwasang magising ang anak at malamang umaalis siya tuwing gabi.

Sanay na siya sa paglalakad sa loob ng gubat tuwing ganitong oras. Suot ang maikling bestida at simpleng sapatos. Malamig ang nararamdaman niya sa kaniyang balat. Ang ilaw galing sa lampara ang nagsisilbing gabay kung saan pupunta sa pagkain ng dilim sa paligid niya.

Ang tunog ng paghakbang niya sa mga dahon sa paligid. Ang tunog ng kuliglig at kuwago sa mga puno habang nagtatago.

Ni-minsan ay hindi siya nakaramdam ng takot sa pagdaan dito. Nabawasan ang mga nararamdaman niya, lalo na ang pagkaramdam ng malasakit sa ibang tao.




"Nasa'n si Maricris?" Pabagsak na naupo ang asawa ni Flor sa kahoy na upuan na malapit nang masira dahil sa kakulangan ng mga bahagi nito.

"K-kinuha ni Ate—"

"Ano!" sigaw nito na nakapagpayuko sa kaniya na tila isang takot na tuta. Kaiba sa ipinakita niyang mukha sa harapan ng kapatid. "Bakit 'di mo pinigilan!" Lumapit ito sa kaniya habang nakakuyom ang kamay.

"H-hindi ko kaya—" Nakatanggap siya ng isang malakas na sampal sa pisngi. Napahawak siya rito dahil sa matinding sakit. Tila tumitibok pa ito dahil sa hapdi. Hindi niya napigilan ang pag-iyak nang tahimik.

"Wala kang kwenta! Pag-aalaga na nga lang ng bata ang gagawin mo, hindi mo pa magawa!" Malakas siya nitong itinulak sa gilid at naglakad sa loob ng kuwarto.

Mukhang sakit na naman ang yayakap sa kaniya habang natutulog.




Nakatingin si Alicia sa kaunting mga sasakyang dumaraan sa kalsada. Ang mga ilaw nitong naglalaro sa mga mata niya sa kalagitnaan ng madilim na paligid. Simula na ng pagtatrabaho niya, ang pagpapasaya ng ibang tao.

Napansin niya ang kanina pang lalaki na nakatingin sa kaniya mula sa kabilang kalsada. Mayroon itong magandang pangangatawan.

Itinapon nito ang sigarilyo sa sahig at tumayo mula sa pagkakaupo. Nagpalinga-linga muna ito sa paligid bago tumawid sa kalsada. Nakatingin lamang siya rito habang nakikita ang pagkauhaw sa mga mata nito. Nang malapit na ito ay may dinukot ito sa bulsa.

Isiniksik nito sa kaniyang dibdib ang perang papel . . . sabay dampi ng labi nito sa leeg niya.



Mama SaidWhere stories live. Discover now