24. "Kukunin nila ako kay Mama."

660 70 43
                                    



Muling narinig ni Elio ang pagsitsit sa kaniya ng lalaki na agad niyang hinintuan.

"Alam mo bang may nanggaling doon?"

Napakunot ang noo niya. Hindi niya alam ang sinasabi nito. "Hindi po. Sa gubat?"

Napangiti ito. "Oo. May naghahanap daw sabi n'ong tricycle driver na taga-doon. Kahawig daw n'ong babaeng taga-doon sa gubat."

Ginapangan siya ng kaba. Walang ideya kung magandang balita ito o hindi. "Ano po'ng nangyari?"

Nagkibit-balikat ito. "Hindi ko rin alam."

Napatulala siya sa daraanan. "Babalik po kaya sila?"

"Hindi ko rin alam . . . pero mag-abang ka na lang kung may mangyayaring imbestigasyon, baka may maibigay kang impormasyon."

Pagkatapos ng pag-uusap nila ay gulong-gulo ang utak niya kung sino ang sinasabi nitong nagpunta roon. Ipinasok na rin niya ang bisikleta sa loob ng gubat.

Mabagal ang naging pag-andar niya, na mas mabilis kaysa sa paglalakad. Kailangan niyang magmadali. Ngunit sana lamang ay maabutan pa niya si Maya.

Nagmamadali niyang ibinaba ang stand ng bisikleta at inilagay ito sa gilid ng bahay nina Maya at agad na kumatok.

"Bambi!" Umatras siya nang kaunti upang tingalain ang kuwarto nito. Walang kahit na sinuman ang sumilip sa bintana. Unti-unting bumibilis ang tibok ng puso niya. Ilang araw siyang hindi nakabalik dito, at ang nabalitaan pa niya ay may nagpunta rito.

Kahit ngayon lang ay gusto niya ulit makita si Maya.

"Maya!"

Nang wala pa ring matanggap na sagot ay hindi na siya nag-atubili pang buksan ang pinto nito. Wala ang mga libro sa maliit na aparador na dati ay napupuno ng mga babasahin. Ang mga kagamitan din sa pagguhit ay wala na rito.

Ang mga iginuhit ni Maya na naka-display ay wala na rin. Malinis ang paligid, tila iniwan na ng mga tao rito.

Sinilip niya ang kusina at tumambad sa kaniya ang maayos na mga gamit doon. Tila hindi man lang nagalaw.

Nanakbo siya paakyat ng hagdan at sinubukang buksan ang pinto.

"Bambi!"

Naka-lock ito kaya't hindi niya mabuksan. Ngunit alam niyang nandito si Maya, malakas ang pakiramdam niya.

"Bambi." Naghintay siyang pagbuksan nito. Narinig niya ang mahihinang kilos sa loob. Naghintay siya at pinakinggan ang mga mumunting hakbang na narinig.

"Elio?" isang mahinang bulong ang nakapagpagising sa kaniya.

"Bambi." Tila nahigit niya ang sariling hininga nang marinig ang boses nito.

"H-hindi ka pwede rito."

"Bakit?" Sinubukan niyang muling pihitin ang pinto.

"S-sabi . . . sabi mo . . . magtiwala ako . . . sa 'yo."

Hindi siya nagsalita at pinakinggan lang ang mga sinasabi nito. Idinikit niya ang tainga sa pinto.

"Sinumbong mo kami . . . s-sa . . . masamang tao."

Nakaramdam siya ng galit sa sinabi nito. Wala siyang pinagsabihan kaninuman—maliban sa ina at lola na hindi naman naniniwala sa kaniya. "Hindi totoo 'yan, Bambi. Alam mong hindi 'yan totoo."

Walang naging sagot mula sa kabila. Nag-aalala siya sa naging tingin na nito sa kaniya. Matagal niyang binuo ang tiwala nito, hindi pwedeng ngayon pa ito masira.

"Bambi, hindi totoo ang sinasabi mo. 'Di ba pumunta tayo sa labas? 'Yon ang totoong mundo, Bambi. Magtiwala ka sa 'kin."

Nabalot sila ng katahimikan. Walang nagsasalita, walang nagbubukas ng pinto. Tila bumalik sila noong una—hindi kilala ang isa't isa.

Maya-maya't narinig niya ang pagsinghot sa kabilang bahagi ng pinto.

"Bambi," malambot niyang tawag dito.

Unti-unting bumukas ang pinto. Nakita niyang muli ang mga mata ni Maya na may luha, ang malambot nitong ekspresyon tuwing nakatingin sa kaniya.

Itinaas niya ang kamay at pinunasan ang kanang pisngi nito gamit ang likod ng kamay habang iniyuyukod nang kaunti ang katawan.

"Akala ko umalis na kayo."

Humawak ito sa laylayan ng suot niyang T-shirt. "Galit ako sa 'yo, Elio." Hindi ito makatingin sa kaniya. Hindi man halata, may kaunting pagkabigo ang nararamdaman nito sa kaniya.

"Bakit?"

"Dahil sa taong 'yon . . . n-nalaman nila."

"Wala akong pinagsabihan, Bambi." Hinila niya ang kamay nito papasok sa kuwarto matapos isara ang pinto. Naglakad siya papasok kasunod si Maya.

Ang salamin sa taas at liwanag sa bintana ang nagsisilbi nilang ilaw. Naupo siya sa kama nito at itinabi sa kaniya si Maya.

"Sino, Bambi?" Bahagya niyang hinaplos ang kamay nito upang pakalmahin.

"S-sabi ni Mama . . . kukuhanin daw . . . nila ako."

"Sino raw sila?"

Umiling ito at isinanday ang noo sa gilid ng balikat niya. Tila naubusan ng lakas.

"Bambi?" Marahan niyang tinapik ang pisngi nito.

"Kanina pa ako . . . d-diyan . . . diyan sa aparador. Natatakot ako, Elio . . . baka bumalik sila."

Hinawakan niya ang magkabila nitong pisngi at nakita ang nangingilid nitong luha.

"Kukunin nila ako kay Mama." Kinusot nito ang mga mata na mabilis niyang hinawakan.

Naaawa siya sa sinasapit nito ngayon. Kung maganda naman ang intensyon ng mga sinasabi nitong tao ay ayos lang sa kaniya, na kailangang tanggapin ni Maya.

"Kukunin ka lang nila kung may ginagawang masama ang mama mo."

Napatingin ito nang tuwid sa kaniya. "W-wala namang ginagawang masama . . . si Mama."

Hindi siya nakapagsalita sa sinabi nito. Sa tingin nito ay wala itong ginagawang masama, hindi nito alam na may ipinagkait sa kaniya.



Mama SaidWhere stories live. Discover now