28. "Gusto kong makita si Mama."

662 71 55
                                    



Gaya ng inaasahan, hindi agad ng mga ito nakuha ang loob ni Maya upang umalis sa puwestong sa tingin niya ay ligtas siya. Maski ang ginagawa ni Elio na paghikayat kay Maya ay walang silbi. Ngayong wala na ang ina sa tabi, hindi na niya alam kung paanong pagkilos ang gagawin. Tila isang laruan na nawalan ng maglalaro.

"You are the only one here who she is warm with. Kung wala talagang ibang makakatulong ay maaaring ako na lang, but there is still a better plan, and it's you. "

Iyon ang mga salitang binigkas kay Elio na kung may higit na makahihikayat kay Maya, siya iyon. Muli niyang sinubukang kausapin ito upang sumama sa kanila.

"Bambi," mahina niyang tawag rito at tuluyang naupo sa sahig. Ganoon pa rin ang puwesto nito nang iwan niya. Nakasilip lamang ang mga mata nito sa kaniya habang ang ibabang mukha ay nakatago. "Kailangan nating sumama sa kanila. Sasamahan kita."

Umiling ito. Ayaw nitong sumama sa mga taong nasa labas, maski kay Elio, ayaw nitong sumama kahit kanino.

"Pagkatapos n'on, baka payagan ka nilang makita ang mama mo."

Nagdalawang-isip ito kung totoo ang sinasabi niya. Ilang beses na niyang sinabing pagkatiwalaan siya, ngunit ganito pa rin ang nangyari. Dahil kay Elio kaya nakuha ang mama nito, dahil kay Elio ay magkakahiwalay ito at ang ina.

"Pupuntahan natin si Mama."

Sa salitang iyon ay nakuha ang atensyon nito. Basta't kasama ang ina ay gagawin ni Maya ang lahat.

"Tama, Bambi. Sasama ako, para mapuntahan natin ang mama mo."

Dahan-dahan nitong ipinakita nang buo ang mukha at unti-unting gumapang palabas ng lamesa sa kabilang gilid. Tumayo si Elio at sinalubong ito at muling lumuhod sa harapan nito.

"Natatakot ako, Elio," mahina nitong saad habang nakakuyom ang kamay sa laylayan ng puting bestida.

"Kasama mo ako." Hinawakan niya ang mga kamay nito nang mahigpit. "Hindi kita iiwan, promise."

Kahit may agam-agam ay tumango na lamang ito. "A-ayaw ko silang makita, Elio. Natatakot ako."

Saglit siyang nag-isip kung ano'ng pwedeng gawin. Hinaplos niya ang likod ng kamay nito gamit ang mga hinlalaki.

"Bubuhatin kita at pipikit ka lang habang hawak kita. Ayos lang ba 'yon sa 'yo?"

Tumango ito habang hindi pa rin mapakali ang mga mata sa pagtingin sa pintuan ng kusina.

Ginabayan niya ang mga kamay nito na ipulupot sa leeg niya. "Hahawak ka nang mabuti, okay?" Maingat na inilagay niya ang braso sa likod nito at ang isa ay sa likod ng mga tuhod, siniguradong nakaipit ang bestida nito nang maayos.

Dahan-dahan niyang inangat ito habang tumatayo. Magaan lamang si Maya sa mga braso niya.

"Lalabas na tayo. Close your eyes." Nakatingin lamang ito sa kaniya, hinahanap ang ibig sabihin ng sinabi niya sa ipinakikita ng mukha niya. "Pikit ka na, hindi kita iiwan."

Pinanood niya ang tuluyang pagpikit ng mga mata nito. Hindi kalmado ang ekspresyon ng mukha nito. Bahagyang magkasalubong ang kilay at nakalukot ang bibig sa takot.

Saglit niyang idinikit ang kanang pisngi sa noo nito, ramdam niya ang init ng balat nito, at ang mahigpit na hawak nito sa damit niya mula sa likod.

Nang ihiwalay ang sarili ay naglakad na siya patungo sa pintuan ng kusina. Nakita niya ang mga tao sa harapan na nag-aabang sa kanila. Mahahalata ang kaluwagan sa mga loob nito nang makitang napapayag niya si Maya.

"May service vehicle tayo sa labas," mahinang saad ng tauhan ng NCP na narinig pa rin ni Maya.

Napakapit ito nang mahigpit sa batok niya at inilapit ang mukha sa leeg niya upang itago ang mukha. Napabaluktot ang mga daliri nito sa paa at naglabas ng mahinang iyak.

"Bambi," bulong niya at inayos ang pagkakahawak kay Maya. Inilipat niya ang tingin sa mga taong nasa harapan at tinanguan ang mga ito.

Nagsimula silang maglakad palabas—mula sa maliit na mundong kinasanayan ni Maya na galawan.




"Nasa isang mental health facility ang nanay ni Maya sa Ba-Nga kung saan doon namin planong ihatid si Maya temporarily. They need mental health assessment para malaman kung anong mga susunod na plano ang gagawin para sa kanila. Hangga't hindi nag-e-eighteen si Maya ay mananatili siya sa hawak namin," paliwanag nito habang nasa loob ng sasakyan katabi si Elio, at sa tabi naman ni Elio ay si Maya na mahigpit na nakakapit sa braso niya at nakasanday sa balikat nito. "Papayagan ka kaya ng magulang mo hanggang maihatid si Maya roon?"

Hindi na siya nag-atubili pang umiling. Alam niyang sesermunan muna siya ng ina bago payagan, at matatagalan lamang sila. "Mamaya ko na lang po sasabihin kapag nakarating na tayo roon. Baka matagalan pa po tayo kapag nagpaalam muna ako."

Hinaplos niya ang balikat ni Maya na nakasanday sa kaniya. Nakapikit ito ngunit alam niyang gising pa rin ang diwa. Hindi ito patutulugin ng takot.

"Ano na po'ng susunod na mangyayari kay Maya?" tanong niya habang tinatahak ng sasakyan ang daanan.

"Custody . . . but in this case . . . it will be complicated."

Hindi na niya pa dinagdagan ang sasabihin dito at tahimik na lamang na naupo sa loob ng sasakyan. Ngayon lamang naging malapit si Maya sa kaniya nang matagal, ngunit ngayon na rin nangyayari ang bagay na gusto niyang magawa para kay Maya.

Nang mapansing malayo-layo na sila ay napagdesisyunan niyang magpaalam na buksan ang bintana ng sasakyan.

"Sige, sige. Patayin na lang natin 'yong aircon."

Maingat niyang binuksan ang bintana sa gilid nila habang nakasanday sa kaniya si Maya na nakabukas na ang mga mata. Hindi ito nagsasalita at nakatingin lang sa kawalan.

"She is under too much stress." Naalala niyang banggit ng doktor kanina habang naglalakad sila sa gubat. Kaya't naisipan niyang baka mabawasan ang pagod at tensyon na nararamdaman nito sa panonood sa tanawin sa labas.

"Bambi." Mahina niyang tinapik ang pisngi nito at hinawakan ito nang pataas upang mailipat nito ang paningin sa bukas na bintana.

Halos masilaw ito sa liwanag na nakikita sa labas, ngunit hindi maitatanggi ang pagkamangha sa mga mata nito. Inayos niya ang upo upang maideretso ang pagkakaupo ni Maya upang makita nito nang maayos ang paligid.

Binabagtas nila ang daanan patungo sa bayan kaya't ang nadadaanan nila ngayon ay isang malawak na palayan.

Mayroong mga kalabaw at mga kagamitan sa pagsasaka na siguradong bago sa paningin ni Maya. Ang hangin na nararamdaman at nalalanghap nila ay iba sa usok na nalalanghap ni Elio sa syudad. Bago ito at presko.

Naramdaman niya ang pagbabago sa paghinga ni Maya na naging kalmado at tila lumuwag ang daanan ng hininga na kanina ay tila hinahabol nito.

"Bambi . . . galit ka ba sa 'kin?" mahina niyang tanong habang inaayos ang buhok nito na tinatangay ng hangin.

Hindi siya nito nilingon at tumitig lang sa labas. "Gusto kong makita si Mama."



Mama SaidWhere stories live. Discover now