31. "Alicia."

689 67 79
                                    



Warning:

This chapter contains physical abuse and mentions of sexual abuse.



"Ngayon, ipaliwanag mo sa 'kin mula una hanggang dulo, Elio," kalmadong saad ng ina ni Elio matapos niyang makauwi. Sinabihan siyang kailangan niyang bumalik sa opisina ng NCP sa mga susunod na araw upang makahingi ng mga impormasyon sa kaniya.

"'Yon nga, sa loob ng gubat may nakita akong bahay," maayos niyang pagsisimula ng paliwanag habang nakatingin sa ina. "Nakita ko siya do'n no'ng pumasok ako—"

"At bakit ka naman pumapasok sa bahay ng may bahay?" putol nito sa kaniya.

"Akala ko kasi, Ma, walang nakatira ro'n. Puro anay na kasi 'yong bahay," muli niyang paliwanag. "Ayon nga, tinutukan niya 'ko ng kutsilyo—"

"Tapos punta ka pa rin nang punta ro'n?" Napataas ang tono ng boses nito.

"Takot lang siya, Ma. May nakita ka bang saksak sa 'kin?" mahinahon niyang tanong upang hindi mahalata ang pagiging sarkastiko sa sinabi niya. "Gaya nga ng sinabi ko no'ng una, kinulong siya doon no'ng bata pa siya—e, 'di ba dati may nahahawakan si Tita Serah na mga kaso ng social isolation? Pagdating naman kay Maya, mas malala naman 'to."

"Sunod." Napahalukipkip ito at sumandal sa sandayan ng sofa na iinuupuan.

"Tapos 'pag sinasabi ko sa 'yong sa computer shop ako pumupunta." Napakamot siya sa ulo. "Do'n talaga ako pumupunta, 'tsaka do'n din pala sa balon nila nahulog 'yong cellphone ko. No'ng muntikan na akong maabutan ng nanay niya kaya . . . nagtago ako sa likod ng balon. . . ."

Napataas ang tingin niya sa inang nakataas na ang isang kilay habang hinihintay ang kasunod ng sinasabi niya.

"Kung saan nahulog 'yong cellphone ko."

Napabuntonghininga na lang ito. Gusto man nito siyang sermunan nang sermunan ay wala nang magagawa ang galit nito.

"Sunod."

"Hanggang sa naging komportable na siya sa akin. Sinabi sa kaniya ng mama niya na may mga halimaw at masasama ang mga tao sa labas kaya hindi siya lumalabas. Puro nakakatakot na libro 'yong binabasa sa kaniya ng nanay niya, kaya do'n na rin siya natutong magsalita."

"Next."

"Hindi rin siya tinuruan magbasa 'tsaka magsulat dahil baka malason lang daw ang utak niya—na sabi ng nanay niya."

Nang lingunin niyang muli ang mukha nito ay nakataas pa rin ang isang kilay. Akala niya ay tapos na ang pagkukuwento niya.

"Ako ang unang naglabas sa kaniya mula sa bahay nila. Kung alam mo lang, Ma, kung gaano siya katakot kahit sa labas lang ng bahay nila."

Muling sumagi sa isip niya ang unang paglabas ni Maya. Kung gaano katakot at kamangha ang makikita sa mukha nito.

"'Yong pinakamalayo naming napuntahan 'yong sa sapa."

"Ikaw nag-report?"

"Hindi po. Tita daw no'ng nanay ni Maya . . . tapos ayon, umaandar na 'yong mga proseso para sa kanilang dalawa na hawak ng NCP."

"Ilang taon na ba si Maya?"

"Seventeen."

"Sana naman wala kang ginawang kalokohan, Elio."

Napataas ang dalawa niyang kamay nang mahalata ang pagbabanta sa boses nito. "Promise, Ma. No inappropriate things happened, she doesn't deserve that."

Napabuntonghininga na lamang ang ina ni Elio. Minsan, ang pagiging pasaway ni Elio ay nagkakaroon rin pala ng magandang resulta.




"Simula bata ba ay inaalagaan mo na si Maya?" tanong nito kay Alicia habang wala siyang emosyong ipinapakita, nakatingin lamang sa lamesa sa harapan nila.

Nasa loob sila ng isang kuwarto mula sa mental health facility kung saan siya dinala.

"Alicia, kailangan mong sagutin ang mga tanong namin."

Hindi niya tinapunan ng tingin ang mga ito. Poot pa rin ang nararamdaman niya sa loob niya.

"Mukhang ayaw mo nang makita ang anak mo kaya ayaw mong makipagtulungan sa amin."

Binigyan niya ito ng matalim na tingin. "'Wag n'yong sasaktan si Maya," mababa niyang saad.

"Walang mananakit kay Maya. Kailangan mo lang makipagtulungan muna sa amin."

"Sasaktan n'yo si Maya!" sigaw niya nang hindi natitinag sa kinauupuan niya.

"Walang mananakit sa kaniya."

"Nasa'n siya?" Muli siyang naging kalmado.

"Medical assessment and psychological evaluation."

Lumaki ang mga mata niya na tila hindi gusto ang narinig. "Hindi niya kailangan n'on!" Napakuyom ang mga kamay niya sa sapin ng inuupuan habang ang mga kausap sa harapan ay nanatiling kalmado. "Inalagaan ko siya kaya hindi niya kailangan n'on!"

"Ilang taon mo nang inaalagaan si Maya?"

Napatingin siya sa gilid na tila nag-iisip ng isasagot. Muling bumabalik sa pagiging kalmado ang pakiramdam niya. Napakabilis.

"Seventeen."

"Saan mo siya unang nakasama?"

Mabilis ang paglingon niya sa kausap habang bahagyang nakabukas ang bibig. Tila bumalik ang mga alaala niya kasama ang mga abusadong magulang.

Napatulala siya sa kausap, iniisip kung bakit naitanong sa kaniya ito. Ang lahat ng sakit at bigat na naramdaman niya noon ay dahan-dahang bumalik, kasabay ng pagtulo ng luha niya.

"Ma," tawag niya sa ina habang patuloy sa pagdaloy ang luha sa mga mata niya. Naabutan niya ang ina na kumakain sa isang maliit na lamesa sa loob ng bahay nila.

Madilim na ang paligid dahil nasa kalagitnaan na sila ng gabi, gabing naging dahilan ng sa tingin niya ay panghabang-buhay niyang pagdurusa. Nandidiri siya sa sarili, hindi niya ito gusto, bakit kailangan pang mangyari ang mga ganitong bagay sa kaniya?

"O, bakit ngayon ka lang?" tanong nito at nagpatuloy sa pagkain. Tila hindi siya nito nakitang umiiyak. Masyado itong bulag sa mga nararamdaman nila.

"M-ma," muli niyang tawag dito habang humihikbi.

Tuluyan na siyang tiningnan ng ina habang may inis sa mga mata nito. "Ano ba?"

"Si Kuya Lucio . . . pinag—pinagsamantalahan ako." Napatakip siya sa bibig nang lumabas ang malakas na iyak dito.

Halata ang pagkagulat sa mukha ng ina niya na agad nitong binawi. "Ginusto mo naman. 'Wag ka na ngang nag-iinarte diyan. Gagastos lang tayo kapag nagsampa ka pa ng kaso diyan." Nagpatuloy ito sa pagkain.

Bakit nasisikmura nito ang nangyari sa sariling anak?

Nadagdagan ang sakit na nararamdaman ni Alicia. Matagal na siyang nagtatanong kung bakit nagkaroon siya ng ganitong ina, na imbes na protektahan siya ay bakit wala itong ginagawa para sa kaniya? Sa puntong 'yon, naisipan niya na ring patayin ang sarili.

Nang hatinggabing 'yon ay umalis siya sa bahay nila at nagpunta siya sa itaas ng isang bangin, na kapag nahulog siya rito ay hindi na siya magigising.

Iniyak niya ang lahat dito. Palahaw at hikbi sa gitna ng gabi, habang pinapanood siya ng tahimik na buwan at mga bituin. Napakasarap mabuhay, kung hindi siya si Alicia. Napakasarap ng buhay kung hindi niya naging magulang ang mga ito.

Kasabay ng pagdampi ng malamig na hangin sa balat niya . . . ay ang pagtangay ng mga ito sa mga braso braso upang yakapin siya. Ihuhulog na niya ang sarili. . . .

"Alicia." Kasabay ng pagtawag na ito ay ang mahigpit na yakap ay ang pagyakap sa baywang niya ng taong pamilyar sa kaniya. 



Mama SaidHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin