8. "Kaibigan kita."

1K 100 90
                                    



"H-ha?" Halos mapuno ang isip niya ng mga tanong na kung maaari lamang niyang sabihin nang sabay-sabay ngayon ay nagawa na niya. "Pero . . . pa'no? Pa'no ka natutong magsalita? Makaintindi ng mga salita?"

"Si Mama . . . binabasahan ako ni M-mama ng mga libro."

Hindi natanggal sa isip niya ang kaguluhan at pagtataka. Malamlam ang liwanag sa paligid nila, at ang hanging umiihip lang ang maririnig. Pati na rin ang pagkikiskisan ng mga dahon sa puno. Isang kalmadong araw.

"Bakit hindi ka niya tinuruan? 'Di ba 'yon ang sinasabi nila, na ang tanging maipamamana ng magulang sa kaniyang anak ay edukasyon?" Napasinghal siya. "Nanay mo ba talaga 'yan?"

Pagkagulat ang nakita sa mukha nito. Hindi nito naintindihan ang ibang sinabi niya, ngunit ang pagkuwestiyon niya sa ina nito ay naghatid ng isang hindi magandang pakiramdam.

"M-mahal ako ni Mama. Hindi niya ako tinuruang m-magbasa . . . dahil . . . dahil hindi lahat ng libro ay makakabuti sa 'kin." Hinawi nito ang hibla ng buhok na humarang sa mukha. "Sabi ni Mama . . . nakakalason daw ang i-ilang laman ng libro . . . na hindi dapat binabasa."

Sarkastiko siyang napatawa. "Alin? 'Yong mga SPG? Oo, bawal 'yon sa mga minor, pero 'yong mga librong may saysay na kailangan mong matutunan. Basic skill nga ang pagbasa at pagsulat na dapat alam ng lahat. Tapos ikaw? Tapos ikaw 'yong nanay mo pa ang may ayaw?"

Nakita niya ang pagyuko nito at pagkagat sa ibabang labi. Tila binalot ng lungkot ang puso niya nang makita ang tila pagpigil nito sa pag-iyak.

"Bambi?" malumanay niyang tawag dito.

"S-sabi ni Mama hindi pwede." Nagsimula ang mahina nitong paghikbi.

"Pwede, Bambi. Siguro natatakot lang ang mama mo . . . o kaya . . . ewan . . . basta kailangan mong matutunang magbasa." Umupo ito sa sahig habang nakayakap sa hita.

"Sabi ni Mama." Pinunasan nito ang luha sa pisngi. "Sa k-kaniya lang dapat ako magtiwala." Pahina nang pahina ang boses nito.

"Sa 'kin din. Kailangan mo ring magtiwala sa 'kin, Bambi. 'Di ba sabi ko sa 'yo di kita sasaktan?" Tumitig ito sa kaniya. "Kaya magtiwala ka sa 'kin."




"Tanging mga tunog lamang ng kubyertos ang maririnig sa loob ng bahay habang kumakain si Kenzie sa kusina."

Saglit siyang tumingin sa babaeng nakaupo sa sahig habang nakayakap sa hita at nakapatong ang baba sa mga tuhod nito, nanlalaki ang mga mata.

"Mararamdaman ang kalmadong paligid—na may kasamang pangamba. Nakabibingi ang katahimikan, tila nakakulong sa isang kuwartong madilim na walang kahit na ano pa mang butas na maaaring madaanan ng tunog."

Muli niya itong sinilip. Kasalukuyan siyang nakaupo sa pasimano ng bukas na bintana habang may hawak na libro galing sa kanilang bahay.

"Nang biglang may dumaan!" Napagalaw ang katawan nito sa gulat dahil sa biglaan niyang pagsigaw. Hindi niya napigilan ang pagtawa habang nakahawak sa tiyan.

Unti-unti siyang napatigil nang marinig ang mahina nitong pagtawa. Parang kinikiliti ang puso niya dahil ngayon lamang ito natawa sa tuwing bumibisita siya. Nakatakip ang isa nitong kamay sa bibig, hindi mapigilan ang paghagikgik.

Suot nito ngayon ang isang berdeng bestida, gaya lamang ng disenyo ng mga bestidang isinusuot nito. Tila isang tao lamang ang nananahi ng mga kasuotan.

"Nakakatakot, 'no?" Mabilisan itong tumango na nagpangiti sa kaniya.

"Ganiya lagi ang . . . b-binabasa sa akin ni Mama."

Napanganga siya. "Ha? Mga nakakatakot?"

"O-oo."

Napangiti siya nang sarkastiko.

"S-sabi niya kasi . . . 'y-yon daw ang totoong . . . mundo—ano—sa labas."

Sa bawat kuwentong idinidikta kay Maya ng ina ay nabubuo ang larawang ito sa kaniyang isip, na magulo at nakakatakot ang mundo sa labas.

Nanahimik na lamang si Elio at tiningnan na lamang si Maya na nakaupo sa sahig. Hindi niya kayang mabago ang isip nito mula sa kuwentong itinanim dito nang ilang taon.

"I-iguguhit kita." Saglit siyang napangiti, ngunit nawala ito nang maalala ang ina ni Maya.

"Gusto ko sana, kaso baka makita ng mama mo. Baka hindi na ako makabalik dito." Muling lumungkot ang mukha nito. "Ganito na lang, sa tuwing pupunta ako rito ay doon mo ako iguguhit, at ang drawing na hindi mo natapos ay iuuwi ko, at pagbalik ko ay doon mo pa lang ipagpapatuloy. Gets?" Bahagyang humilig ang ulo nito. "Gets. Ang ibig sabihin ng gets ay . . . a . . . naintindihan mo?"

"N-naintindihan ko."

"Gets?"

"Gets."

Binalot sila ng katahimikan. Ang mga puno ay tila sumasayaw sa harap nila upang libangin sila. Ang mga ibong ngayon lamang naglitawan, umaawit upang sayawan ng mga puno. Ang hangin na humahaplos sa kanila na tila nag-aaya sa pagsayaw.

Hindi alam ni Elio kung ano ang mga susunod na mangyayari. Ngunit alam niyang may gagawin siya para kay Maya.

"'Pag bumalik ako, magdadala ako ng cellphone para makarinig ka ng music. Nakarinig ka na ba ng music? O . . . musika?"

"H-hindi."

"Sure akong nakarinig ka na ng musika. Hindi ka ba kumakanta?"

Tila naging sabik ang mga mata nito. "S-si Mama . . . si mama ay kumakanta. K-kinakantahan niya 'ko."

Nginitian niya ito. "Alam mo ba, isa akong drummer." Hindi na siya nagtaka nang makita ang kalituhan sa mukha nito. "Drummer, percussion instruments ang pinapatugtog ko, at may kaibigan akong kumakanta."

"Kaibigan . . . alam ko 'yong bigan," mahina nitong saad na tila nahihiya pa.

"Naririnig mo sa mga librong binabasa sa 'yo?" Tumango ito.

"L-laging magkasama ang magkaibigan . . . lagi."

"Tama, gaya namin ni Kale, lagi kaming magkasama sa school."

Nakatingin lamang ito sa kaniya kaya't nakaramdam siya ng hiya. Kalmado itong nakatitig sa kaniya na tila tutunawin siya dahil sa kaamuhan nito.

"L-lagi kang nandito. Ibig sabihin k-kaibigan . . . kita?" Pilit niyang pinigilan ang sarili na ngumiti nang napakalawak. Napailing na lamang siya. Hindi nito alam na sa mga salitang ito lamang siya mapangingiti at makararamdam ng ganito. Tila paruparong kinikiliti ang sikmura niya.

"Oo, kaibigan. Kaibigan kita, at kaibigan mo 'ko."



Mama SaidHikayelerin yaşadığı yer. Şimdi keşfedin