34. "Sinungaling ka."

704 72 64
                                    



"Kailangan ng DNA na galing sa tatay ng bata."

Nanlumo si Jennifer sa narinig. "P-paano? Pinagsamantalahan lang ng hayop na 'yon si Alicia," saad niya na halos maubusan ng hininga.

"If the father is not available, it's either the child's grandparents from the father's side, or the siblings of the child's father."

Halos mag-init ang ulo niya dahil sa paulit-ulit nitong pagtawag sa lalaking iyon bilang ama. Hindi ito karapat-dapat na tawaging ganoon.

"Ano'ng gagawin namin?"

"We need to find the relatives of that man."

Hindi siya nakasagot. Imposibleng harapin siya ng pamilya ng masamang tao na iyon.

"And the case about sexual abuse, it's already processing. Pati na rin sa parents n'ya, inaasikaso na. Alicia needs justice."




"Kumusta na po si Maya?" tanong ni Elio nang makarating sa opisina ng NCP.

Ngayong araw siya tinawagan na halos araw-araw niyang inaabangan simula nang mahiwalay kay Maya.

"Hinahayaan pa naming maging komportable sa amin. Pagkatapos ng mga proseso rito ay ililipat siya sa Loston para sa therapy and medication."

"Na-interview n'yo na po ba ang nanay niya?" tanong niya na kasalukuyan nang nauupo sa sofa.

"Oo. Pero kailangan pa ng dagdag pang impormasyon galing sa iba. Nabanggit sa amin na may ugaling nagmamanipula at sinungaling ito—ayon na rin sa mga nakausap naming nakakasalamuha niya." Itinabi nito ang mga papeles na hawak papunta sa isang gilid.

"Ibig sabihin po, pwedeng nagsisinungaling siya?"

"Oo," tipid na sagot nito na ayaw nang magbigay pa ng dagdag na impormasyon sa kaniya.

"Pa'no mo nakilala si Maya?" Umayos na ito ng upo sa sa harapan niya. Mukhang magsisimula na ang mga tanong nito.

"Pumasok po ako sa gubat na 'yon kasi sabi nila nakakatakot daw po 'yong loob. Hindi naman po talaga kami taga-rito. Nagbabakasyon lang po kami."

"Ilang taon ka na ba?" singit na tanong nito.

"Nineteen po." Nang tumango ito ay ipinagpatuloy na niya ang pagkukuwento. "No'ng unang beses niya po akong nakita, takot na takot po siya habang nakahawak ng kutsilyo na nakatapat sa akin. Takot din po ako no'n. Tapos nagpabalik-balik na po ako roon hanggang maging komportable siya sa akin."

"Hindi mo nakita nang personal ang nanay niya?"

"H-hindi po—nakita ko po pala do'n sa venue ng isang birthday na pinuntahan namin." Saglit niyang nilingon ang bintana at nakita roon ang malinaw na langit.

Ano kaya ang magiging reaksiyon ni Bambi kapag nakita niya kung gaano kalawak ang langit?

"Ano'ng nakita mo sa loob ng bahay nila noong una mong punta?"

Ibinalik niya ang tingin niya rito. "May mga drawing po na naka-display sa pader. Halos puro tatlong mukha lang. 'Yong dalawa po ay sure ako na silang dalawa, pero may matanda po na hindi ko naman po nakita sa loob ng bahay nila. Tapos may cabinet sa gilid, nando'n 'yong mga libro 'tsaka art materials."

"May matandang nakatira doon dati, Celia ang pangalan. Pinapatingnan-tingnan kasi sa akin minsan no'ng kamag-anak. Kaso no'ng dumating 'yong isang babae do'n, hindi ko na dinadalaw kasi siya na raw ang magbabantay." Napakamot ito sa ulo. "Hindi ko alam na may dala pala 'yong sanggol."

"Ano'ng ikinamatay ni Celia?"

"Sudden cardiac arrest sabi no'ng mga rescuer." Napahigpit ang pagkakahawak nito sa dalang bimpo.

"Hindi nila nakita si Alicia 'tsaka 'yong bata?"

"Wala. Ako kasi ang nakakita noong araw na na-cardiac arrest. Pinahatid lang sa akin 'yong mga pagkain na ipinadala ng kamag-anak dahil hindi makakapunta. Wala naman 'yong babae doon, hindi ko alam kung saan nagtago. Naabutan ko na lang si Ka-Celia na wala nang buhay."

Maaaring ang matanda sa portrait na tinutukoy ni Elio ay ang nagnganglang Celia. Hindi ito nakasama ni Maya nang magkaisip siya kaya't sa litrato na lamang niya ito nakita.

"May mga naikuwento ba siya sa 'yo?"

"Hindi siya tinuruang magbasa at magsulat., at puro nakakatakot lang na mga libro ang binabasa sa kaniya. Tingin ko po ay masyadong overprotective 'yong nanay niya sa kaniya."

"Ano pa?"

"'Tsaka . . . dinalhan ko po siya ng ice cream 'tsaka chocolate, na first time niyang natikman noon."

"Tungkol naman sa nanay niya."

"Lagi siyang takot na magalit ang nanay niya, mahal niya raw nanay niya, at ang favorite line niya po ay 'sabi ni Mama.'" Napakamot siya sa baba habang iniisip kung ano ang isusunod dito. "Alam n'yo po 'yon, parang manipulative mother, kaso exaggerated type of manipulation."

"Anong ginawa mo no'ng kasama mo siya?"

"Nilabas ko po siya, kaso ilang try po ang ginawa ko para mapalabas siya. May image pong nabuo sa isip niya tungkol sa kung ano'ng mundo sa labas na gawa-gawa po ng nanay. Sa totoo lang po, ang hirap maniwala noong una na pwede po palang mangyari 'yon."

"Nagsisimula ang paghuhulma sa isang bata pagkapanganak pa lang sa kaniya. Kung ano ang isinusubo ng paligid niya, 'yon ang magiging resulta niya habang lumalaki siya. May ibang tao na iba ang kinalakihan sa naging resulta ng paglaki nila—na impluwensya naman sa labas ng tahanan nila. Sa kaso ni Maya, 'yong bahay na 'yon lang ang naging mundo niya, pinalaki siya sa takot."

"Magiging . . . okay po ba siya?"tanong niya na hindi nawawalan ng pag-asa na mawawala nang tuluyan ang nararamdaman ni Maya na takot.

"Oo. At sa nanay naman niya, may pag-asa rin . . . kaso matagal."

Kating-kati na siyang makitang muli ito. "Pagkatapos po nito, pwede po siyang makita?"




"Bambi," mahina niyang tawag kay Maya habang isinasara ang pinto. Nakaupo ito sa isang kama habang nakabaluktot ang mga tuhod at nakatago ang mukha rito.

Inilipat ito sa isang kuwarto kung saan ito nananatili habang pinoproseso ang kalagayan nito ngayon. Tama lamang ang liwanag ng kwarto mula sa mga bintana.

Naglakad siya palapit dito. Hindi niya alam kung hindi siya naririnig nito o ayaw lang talaga siyang pansinin. Isipin pa lamang niyang may galit ito sa kaniya ay ikinalulubog na ng puso niya.

Naupo siya sa gilid nito at tiningnan muna ito nang saglit. Wala siyang ideya kung ano ang unang dapat na gawin. Hahawakan niya ba ito? Tatawagin niya ba ang pangalan nito upang lingunin siya?

Inangat niya ang kamay at dumampi ito sa balikat ni Bambi na agad nitong ginalaw kaya't muli niyang binawi. Nahulog ang mga hibla ng buhok nito mula sa pagkakayuko. Nakasuot ito ng damit na pantaas na sumakto sa katawan nito at ng pajamas.

"Bambi, kausapin mo lang ako, kahit ngayon lang,"

Hindi ito natinag sa puwesto.

"Tingnan mo naman ako, Bambi. Hindi ko na nakikita 'yong ngiti mo. Ayaw mo na sa 'kin?" magaan nitong pahayag na umaasang makukuha ang atensyon nito.

Dahan-dahang umangat ang paningin nito na nagpangiti sa kaniya. Muli niyang nakita ang maamo nitong mukha na lagi niyang gustong nakikita bago lumubog ang araw.

Ang dahilan ng pagtakas niya para puntahan sa gitna ng gubat. Ang taong gusto niyang samahan sa lahat ng unang pagkakataon nito.

"S-sabi mo, pupuntahan natin si Mama . . . pero . . . pero bakit ngayon . . . wala pa rin siya?" bigong tanong nito. "Sinungaling ka, Elio."



Mama SaidWhere stories live. Discover now