9. "Porener ka?"

1K 90 104
                                    



"Lo." Pinuntahan niya ang kaniyang lolo na nagmumuni-muni habang nakaupo sa tumba-tumba nito.

Nakatapat ito sa bukas na bintana habang nasa tapat nito ang isang puno ng mangga na may nagliliparang mga ibon.

"Sabi ni Lola may cellphone ka raw dito na pwede lagyan ng memory card." Naglakad siya palapit dito at tumayo sa gilid.

Nilingon siya nito. "Ano namang gagawin mo ro'n? Wala ka bang cellphone?" Dahan-dahan itong tumayo at naglakad papunta sa isang lumang drawer.

"E. . . ." Napakamot siya sa ulo niya. Hindi niya alam kung sasabihin niya ang totoo dahil baka isumbong lang siya nito sa kaniyang ina. "Basta, may gagawin lang ako, Lo."

Napangiti siya nang iabot sa kaniya nito ang isang keypad na cellphone. Halatang naitago ito nang mabuti dahil mukha pa ring bago. Tila hindi nadapuan ng alikabok.

"Bakit ang linis nito, Lo?" tanong niya rito habang naglalakad na ito pabalik sa tumba-tumba. Siya naman ay kinakalikot na ang cellphone na ibinigay.

"Malamang , e, naitago ko. Masinop ang lola mo kaya nasinop niya 'yan."

Hindi na siya sumagot at naglakad na lamang palabas sa kuwarto nito.

Sa pagbaba ay nakita niya ang ina na nakaupo sa sala habang nasa cellphone ang atensiyon nito. Huminto siya sa pagbaba sa hagdan at nagdalawang-isip kung manghihiram ba siya rito rito ng memory card o sa iba na lang.

"Sa iba na nga lang," inis niyang bulong habang bumababa.




"Kapag nahanapan mo ako ng memory card . . . ililibre kita ng isang oras na rent diyan sa computer shop."

Nagpunas ito ng ilong gamit ang damit habang nakatingin sa kaniya. "Ilibre mo na lang ako."

Tumitig lamang ito sa kaniya, naghihintay ng magiging sagot niya.

"Sa'n naman ako kukuha n'on, wala nga akong cellphone, e." Sumandal siya sa pader na katabi ng pintuan at humalukipkip.

"Sa'n mo ba gagamitin?" Inilusot nito ang kamay sa loob ng likuran ng short at bahagyang kumamot.

"Music," tipid niyang sagot.

"Mag-radyo ka na lang, Kuya." Inilabas nito ang kamay sabay kamot sa ilong.

Nag-isip siya kung anong mapapala niya sa radyo, nang maalalang may istasyon nga pala sa radyo na nagpapatugtog ng mga musika.

"May kilala akong may headset."

"Sige."

"Pero dapat ililibre mo rin siya." Napatango na lamang siya habang nakakunot ang noo. Ito ang batang kinaiinisan niya dahil labis ang pakikiusyoso sa tuwing gumagamit siya ng computer dito.

"Oo na. Sa'n ba 'yon nakatira?" Naisip niyang tila isa siyang bully sa ginagawa niya. Pero wala siyang magawa dahil gusto na niyang mapuntahan si Maya. Ayaw niyang makarating na naman doon nang hapon at mangyari ang nakaraan sa kaniya.

Naglakad ito at may itinuro habang nakanguso. "'Yon, o." Naglakad siya sa tabi nito at tiningnan ang itinuturo nito. "'Yong may tindahan." Nakita niya ang isang maliit na sarisari store na malapit sa kanila.

Sinundan niya ang bata nang magsimula itong maglakad. Sinilip niya ang oras sa cellphone at nakitang nasa alas dos pa lang ng hapon. Nakapapaso ang init ng araw na tumatama sa kanila.

Mama SaidWhere stories live. Discover now