17. "Sasamahan kita . . . kahit saan."

757 76 63
                                    



"Itaas ang kamay. . . ." Itinaas ni Maya ang dalawang kamay at isinuot ni Elio rito ang jacket na siya ang laging may suot.

"At iwagayway," pakanta niyang saad habang hinihila pababa ito upang lumitaw ang ulo ni Maya. "Mainit?" Itinupi niya ang mahaba nitong manggas na lumagpas sa mga kamay nito.

"Kaunti."

Nakatingin lamang ito sa kaniya habang inaayos niya ang jacket na suot nito.

"Pa'no ba naman kasi, wala naman kasing manggas ang mga dress mo."

Kasalukuyan itong nakasuot ng isang leggings na ipinabili niya pa sa mga batang kinaiinisan sa bayan. Kahit na hindi niya masyadong kasundo ang mga ito, madalas niyang napakikinabangan, basta ba may kapalit na pambayad sa pagrenta ng mga ito sa computer shop.

"Bakit ganito?" reklamo nito habang hinihila-hila ang suot na leggings palayo sa balat ng hita.

Natawa siya bago nagsalita. "Nasanay ka kasi sa mga maluwang na damit."

Hinawakan niya ang pareho nitong kamay habang halata ang pagkairita sa mukha nito.

"Masasanay ka rin. Hindi pwedeng sa tuwing uuwi ka, may nakaabang na gasgas para makita ng mama mo."

"Ayoko nito, E-Elio." Binawi nito ang isang kamay habang hinihila ang manggas ng jacket palayo sa sariling balat. "M-mag-iingat na lang ako. Ayoko nito, Elio."

Napatulala na lamang siya sa mukha nito at bumuntonghininga. "Hindi pwede, Bambi. Magagalit ang mama mo sa 'kin." Muli niyang kinuha ang mga kamay nito. "Kapag nalaman niya, hindi na ulit kita makikita, hindi mo na ulit ako makikita," saad niya sa mababang tono.

Tumango ito sa kaniya.

Tumayo siya nang tuwid. "Pupunta tayo sa bungad ng gubat." Nilingon niya ito. "Takot ka pa rin."

Hinila-hila nito ang dulo ng manggas ng jacket na suot. "Kaunti," mahina nitong sagot.

Nagsimula na silang maglakad. Mataas at malakas ang sikat ng araw ngayon. Nabawasan ang nakatatakot na pakiramdam sa paligid nito.

"Pa'no mo nga pala nakilala ang mama mo?"

Bahagya itong natalisod at natawa. Hinila niya ang kamay nito pataas nang kaunti upang mahakbangan ang isang malaking ugat ng puno.

"Sabi niya . . . nasa . . . l-labas ako ng pintuan—at umiiyak."

Naglaro sa kaniyang isip ang senaryo tungkol sa sinabi nito. Napatatanong siya sa sarili kung posible ito. May mag-iiwan ng isang bata sa loob ng gubat? Mukhang imposible.

Maaaring nagkaanak ito . . . ngunit namatay rin.

Tiningnan niya ang mukha ni Maya.

At si Maya ang ipinalit nito sa anak niyang nawala.

Napahawak siya sa kaniyang baba gamit ang kaliwang kamay. Tila isa siyang detective na nagreresolba ng isang kaso. Hindi nga dapat siya ang gumagawa ng bagay na ito, pero alam niyang isa itong hakbang. At kapag kaya na niyang makapagsumbong sa mga kailangang humawak ng bagay na ito, gagawin niya.

"Ilang taon na ba ang mama mo?"

"Hindi ko alam. Pero ako . . . ano . . . seventeen na ako."

"May papa ka ba?"

Napakunot ang noo nito. "Papa? G-gaya ng papa mo?"

Tumango siya, hindi inaasahang matatandaan pa nito ang ipinakita niyang video noon. "Wala. Para saan ba ang papa?" Mahina nitong inugoy ang kamay nila.

"Para lang ding mama, tumutulong siya sa pagpapalaki ng mga anak nila."

"Parang dalawang mama?"

Napakibit-balikat siya. May punto nga rin naman ang sinasabi nito, ang tawag lamang sa dalawa ang kaibahan.

"Pwede rin."

"Ibig sabihin, hindi ko na kailangan n'on. Meron naman akong mama."

Kuntento na ito sa kung ano ang mayroon siya, kuntento sa mundong naging kulungan niya.




Napasinghap si Maya nang makita ang lawak ng nakikita niya ngayon. Hindi kailanman maaabot ng mga kamay niya ang mga bagay mula sa malayong distansya. Ang mga maliliit at katamtamang puno sa kanilang harapan.

Ang lawak ng langit na nakikita niya sa itaas. Tila gusto niyang bagsakan nito.

Ang isang maliit na kalsada mula sa malayo, at muli, ang mga punong nakikita niya mula sa kabila ng kalsada. Napakalawak. Kaiba sa mga pader na nahahawakan niya sa bahay nila. Iba sa naglalakihang puno na makikita sa paligid ng tinitirhan.

Ang napakalawak na langit, iba sa nakikita niyang langit mula sa maliit na salaming nakaharang sa bubong ng kwarto niya.

"Sabi ni Mama. . . ."

"Laging mkulimlim sa labas—mabaho, maraming patusok, maraming usok. Dito lang ang ligtas na lugar kung saan kailangan mong manatili. Nakakatakot sa labas, Maya."

Isa na namang haligi ng pinaniniwalaan niya ang bumagsak. Pumasok ang kuryosidad sa isip niya. Puno ng tanong, bakit ito itinago sa kaniya? Bakit hindi ito ipinakita ng kaniyang ina?

Nakatingin lamang siya sa lawak ng lugar na naaabot ng mata. Nais niyang tumakbo papunta sa hangganan nito.

"H-hanggang saan 'to, Elio?" Nilingon niya si Elio na nasa likuran niya. Tuwa ang nasa mukha nito.

"Bilog ang mundo, Bambi. Walang hangganan ang lugar na 'to, dahil kung saan ka nanggaling, do'n ka rin babalik."

Muli niyang nilingon ang nasa harapan. "Pupunta ba tayo do'n?" tanong niya na ang tinutukoy ay ang pinakamalayo nilang kayang puntahan.

"Saan?" Naglakad ito patungo sa tabi niya. Ramdam niya ang init ng balat nito sa braso niya.

"Sa malayo." Tumingala siya upang makita ang mukha nito.

Tumango ito. "Sasamahan kita . . . kahit saan."



Mama SaidWhere stories live. Discover now