KABANATA 102

11.4K 465 77
                                    

Jasper's P.O.V.

"Mamamatay muna ako bago mo ako mapapayag sa gusto mo!" Nagpupumiglas ako, habang bitbit ako ng isang dosenang demonyo, patungo sa kubling piitan sa ilalim ng isla. Umuusok ang mga ito dahil sa pagdampi ng mga ito sa balat ko. Alam kong nasasaktan sila, bagama't tinitiis nila ito bilang pagsunod sa utos ni lola Marietta. Sa kung pa'no n'ya napasusunod ang mga ito? Hindi ko alam ang sagot. Pero hindi na ako magtataka kung may ginamit man itong orasyon o ng itim na kapangyarihan para maisakatuparan ito.

"Parang sinabi mo na rin sa 'kin na patayin ko na si Helga, si Senda at ang pinakamamahal mong si Jordanna." Binuksan muna n'ya ang rehas, bago nito sinenyasan ang mga demonyo na ihagis ako ro'n sa loob.

Pero nanlaban ako bago pa man nila ako maihagis. Nagsiiyakan sa sakit ang dalawang demonyong nahagip ng magkabila kong kamay sa leeg. Hindi ko binitawan ang mga ito hangga't hindi nagliliyab ang mga ito hanggang sa maglaho. Nagtangkang tumakas ang sampung demonyo matapos nilang nakita ang nangyari sa dalawa. Nakatakas man ang walo, nahagip ko pa rin naman ang dalawang nasa hulihan. Ibinalibag ko muna ang mga ito, bago ko muling sinakal hanggang sa magliyab ang mga ito hanggang sa maglaho.

Binalikan ko si Lola kung saan ko ito huling nakita, pero nakatakas na ito, kasama ang iba pang mga demonyong sunod-sunuran sa kanya.

***

Hindi ko alam kung saan ako pupunta matapos kong makalabas sa piitang pinagdalhan sa akin. Sa lawak ng isla, tiyak na aabutin ako ng siyam-siyam, bago ko matunton ang pinagdalhan kina Mommy, lola Senda, Jordanna at mga Engkanto.

"Hindi pa tayo tapos, apo!" Umalingawngaw ang tinig ni lola Marietta mula sa itaas. Tiningala ko ito. Bitbit ito ng mga demonyo sa ere. "Kung hindi kita makuha sa pakiusap at maayos na kasunduan, idadaan ko ito sa sapilitan sa pagdating ng tamang panahon. Kukunin ko ang panganay mo, sa ayaw mo't sa gusto. At sisiguraduhin kong kung ano pa man ang magiging kasarian nito, ito mismo ang kokontra at papatay sa 'yo balang araw. Humanda ka na anumang oras, bago pa man mangyari ang lahat. Bubuwagin ko ang lahat ang mga binuo mo; guguluhin ko lahat ng mga inayos mo. Hindi ako titigil sa panggugulo sa 'yo hangga't hindi mo ibinibigay sa akin ang lahat ng mga kagustuhan ko. Magdusa kang lumaban mag-isa, dahil kung ang mga kakampi mong engkanto ang hinahanap mo sa islang ito...wala na sila rito. At hinding-hindi mo malalaman kung saan ko sila dinala; hinding-hindi, hangga't nagmamatigas ka."

Hindi na nito ako binigyan ng pagkakataong makasagot. Umalis na ito at ang mga demonyo, patungo sa puyo sa himpapawid. Tila hinigop ng puyong iyon ang maitim na ulap, kasabay ng paghahagaran ng iba pang mga demonyong pumapasok sa puyo. Unti-unti namang nagliwanag ang kapaligiran matapos 'yun.

"Jasper!"

Nilingon ko ang pinaggagalingan ng tinig. Mula ito kay Jordanna. Humahangos ito papalapit sa akin. Nasa di kalayuan—sa likod nito, sina ate Senda at si Luciong may buhat naman kay Mommy.

Sa halip na salubungin si Jordanna, nilagpasan ko ito para kunin si Mommy sa bisig ni Lucio. Alam kong nagtataka si Jordanna sa ginawa ko, pero ipinagpawalang-bahala ko lang ito.

"Anong nangyari kay Mommy?" Inilapag ko si Mommy sa damuhan para kandungin ang ulo nito.

"Nahimatay s'ya sa sobrang init at hirap sa loob ng kuweba." Sagot ni lola Senda. "Bukod kasi sa sobrang init, matindi ang amoy ng asupre at umaalingasaw na amoy ng nasusunog na pinaghalo-halong mga bagay ro'n."

"Maliwanag na." Sabi naman ni Lucio. Nakatingala ito.

Naging hudyat 'yun para maituon ko ang aking kanang palad, sa noo ni Mommy. Nagbabakasakaling kaparis ng muling pagliwanag, nanumbalik na rin ang aking kakayahang magpagaling. Hindi ako nagkamali sa aking pagsubok, dahil Ilang segundo lang, unti-unti na ring nagkamalay si Mommy.

"Anong nangyari?" Unang sambit nito sa aming lahat, "Jasper?" Sinapo nito ang aking mukha, "Jasper, anak?" Agad nito akong niyakap na sinundan ng paghagulhol. "Ang Daddy mo? May balita ka ba sa Daddy mo?" matapos nitong kumalas sa pagkakayakap sa akin.

"Ligtas na si Daddy, Mommy." Sagot ko, "Huwag ka nang mag-alala. Si Helena ang nag-aalaga sa kanya ngayon."

"Salamat po, Diyos ko." Muli akong niyakap nito.

Copyright ⓒ 2014, DyslexicParanoia (Angela Atienza), All rights reserved.

Biglang yumanig ang kapaligiran. Napalingon kami sa kaliwang dako dahil sa biglaang paglubog ng isang buong bundok sa banda ro'n. Sunod kaming napalingon sa kanan nang matanaw naming tila natitipak na ang lupa at lumulubog na ito sa ilalim ng dagat.

"Kailangan na nating makaalis dito." Ani Lucio. "Sadyang lumulubog ang islang ito at lumilitaw lamang sa pamamagitan ng orasyon. Ito ang dahilan kung bakit, tulad ng Isla ng San Juan (1), hindi ito kasama sa mapa ng Pilipinas. Ikaw na ang magbuhat kay Jordanna, ako na ang bahala kay Senda at Helga."

Natigilan ako sandali para sumulyap kay Jordanna. Nagkatinginan kami pero agad akong umiwas. Nararamdaman ko ang kanyang pagtataka sa inasal ko.

"W-wag na." Tinulungan ko si Mommy na makatayo. "Ako na lang ang bahala sa Mommy ko, ikaw na ang bahala kay lola Senda at kay..." Natutukso man akong sumulyap muli kay Jordanna pero pinigilan ko ang sarili ko. "J-Jordanna."

"Jasper..." Mahinang pagtawag sa akin ni Jordanna. Alam kong inaasahan n'yang lilingunin ko man lang s'ya, pero hindi ko ito ginawa. "Jasper, may problema ba tayo?"

Muli na namang yumanig ang paligid. Halos tumilapon na kami sa lakas noon.

"Jasper!" Muling pagtawag n'ya, matapos ang pagyanig. "May problema ba tayo?" Mangiyak-ngiyak na ito.

Hindi ko pa rin ito nilingon, sa halip, ibinaling ko ang tingin ko kay Lucio. "Tayo na!"

"Jasper..." Halos pabulong na sambit n'ya. Pero tulad kanina, pilit ko pa rin itong binalewala.

***

Footnote

(1) Isla ng San Juan (Island of St. John) also known as the Atlantis of the Philippines. The vanished island, believed to be in the northeastern tip of Mindanao. Nakilala ito sa mga lumang mapa na mas malaki sa lalawigan Bohol, maaaring kasinlaki ng Panay.

[ITUTULOY]

JASPER, The Demon SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon