KABANATA 90

25.6K 1K 253
                                    

Jasper's P.O.V.

Hindi na ako nag-aksaya ng panahon. Ipinatawag ko na ang lahat ng mga pinuno ng bawat angkan sa aking hukbo. Agad naming pinagpulungan ang pagsugod namin sa kampo nina Lucio. Alam kong inaasahan na ni Lucio ang aming pagdating; at alam ko ring, ang pagdukot nito kay Jordanna, ang s'ya mismong pain n'ya sa akin. Ang malaking katanungan lang sa aking isipan...bakit pati si Kriselda? Pain para kanino si Kriselda?

Ipinakalat ako ang bawat pangkat ng mga aswang, engkanto at maligno sa lupa, habang ang mga lambana naman ang s'yang nakatokang mag-abang sa himpapawid. Ito ang ikatlo, ang pinakamalaki at pinakamalawak naming pagsasagupa ng pangkat nina Lucio. Natalo n'ya ako nang dalawang nauna, hindi na talaga ako makapapayag na matatatluhan n'ya ako.

Matagal kong pinaghandaan ang araw na ito, ang hindi ko lang inasahang mangyayari'y ang madamay na naman ang mahahalagang babae sa buhay ko; si Kate nung una, si Jordanna, si Helena at si Mommy sa ikalawa at muli'y si Jordanna na naman sa ikatlo.

Mas marami na ngayon ang aking kakampi kumpara sa kanya. Mayro'n na akong kumpyansang sumugod nang may lakas ng loob. Alam kong maipapanalo ko ang isang 'to. Alam kong magagapi ko na ang kanyang pangkat; ang kailangan ko lang ngayon, ang maging mas matalino at maingat, para hindi mapahamak ang Jordanna ko.

***

Walang takot naming sinugod ang balwarte ni Lucio. Masasabi kong naging maagap kami dahil ang karamihan sa kanila, hindi nakahanda at tila nasurpresa pa sa aming biglaang pagdating. Mahigit sa tatlong daan ang aming napatumba sa unang sagupaan pa lang. At bagama't hindi ito naging madali, ang mahalaga, kakaunti lang sa amin ang nasaktan.

Papasok na ang aming tropa sa sentro ng kampo nina Lucio, nang mamataan ko ang isang lalaking kamukhang-kamukha ko. Ilang metro ang layo nito mula sa aking kinatatayuan. May buhat itong babae na hindi ko gaanong maaninag ang mukha sa aking anggulo. Natigilan ako sa gitna ng sagupaan, para sipating maigi ang aking kamukha. Napatingin sa 'kin si Ricardo—na nasa aking tabi, bago nito tinanaw ang aking tinitingnan.

"Si Domingo..." Bulong ni Ricardo. "Ito ang sinasabi namin sa 'yo, Jasper."

Matapos n'yang sabihin 'yun, natanaw naming may humarang sa kanilang mga tauhan ni Lucio. Kinuha ng mga ito ang babaeng buhat ni Domingo, at saka ito binitbit ng dalawa sa mga aswang mula sa kabilang kampo. Sa paghihiwalay nilang ng babaeng buhat-buhat n'ya kanina, saka ko lang namukhaan si Kriselda; at mababakas sa mukha nito ang matinding takot sa mga halimaw na naglipana sa buong paligid.

"Nahuli na namin si Jasper!" Sigaw ng mga aswang na may hawak kay Domingo.

Natigilan ang ilan sa kanilang mga kasamahan, para lingunin ang mga kasamahan nilang nag-anunsiyo.

"Pa'nong mangyayari 'yun kung naroro'n pa si Jasper sa kabilang kampo!" Sigaw ng isa sa kanilang panig.

Sabay-sabay na nagsitinginan sa akin ang mga kampon ni Lucio na nasa bandang bukana ng kanilang pangkat. Sinundan naman agad 'yun ng maagap na pagharang ng aking mga kasamahan sa aking bandang unahan.

"Anong ibig sabihin nito?" sigaw ni Kriselda. Salitan nito kaming sinusulyapan ni Domingo. "Jazz!" Nakatingin ito kay Domingo. "Jazz, anong nangyayari?" halatang nalilito ito kung pa'nong naging magkamukhang-magkamukha kami ni Domingo.

Sandaling natahimik ang lahat. Nag-aangilan at nagtititigan naman ang mga nasa unahan ng magkabilang hukbo. Naramdaman kong tinalian ni Alondra ng pulang retaso sa aking kaliwang braso. Sinulyapan ako nito, ngumisi, bago nito sinabing..."Mabuti na 'yung alam namin kung sino talaga ang tunay naming pinuno, sa gitna ng kaguluhang ito."

Pagkasabi n'ya noon, biglang may humila naman sa aking kaliwang binti. Yumuko ako at nakita ko ang tatlong puting duwende. Isang pamilyar na bagay ang iniaabot ng isa sa mga ito sa akin. Isa itong nagbabagang bato—na kamakailan lang ay nawala sa aking pangangalaga. Ang pagkakaiba lamang nito, nakakabit na ito sa isang matibay na kulay abong pisi bilang palawit.

JASPER, The Demon SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon