KABANATA 91

24.3K 1K 191
                                    

Jasper's P.O.V.

Ang taong pinakamamahal mo sa lahat, kahit na magkakagalit kayo, pababayaan mo na lang bang iwanan ka nang gano'n na lang?

Kahit batid mong mayro'n ka ring kasalanan. At kahit alam mo na ang lahat ng mga nangyayari'y resulta rin ng 'yong kapabayaan, isusuko mo na lang ba ito nang hindi man lang lumalaban?

Ayos lang sana kung uuwi lang s'ya sa kanila, kung saan, masusubaybayan ko pa rin ito kahit na sa malayo. Pero iba ito. Iiwanan n'ya ako, para kumampi sa kaaway ko—at para makisali sa gulong pinakiiwasan kong madamay s'ya.

Mas matatanggap ko pa siguro kung nakahanap s'ya ng mas matinong lalaking higit s'yang mamahalin at aalagaan kumpara sa 'kin. Pero kay Lucio? Hindi ko s'ya maaaring ipagkatiwala kay Lucio. Si Lucio na pinakamasamang taong nabubuhay sa mundong ibabaw. Hari ng mga impakto. Immortal na nakipagkasundo kay Satanas kapalit ng walang katapusang kabataan, at kaalyansa ng iba pang mga demonyong mula sa impyerno.

Walang pag-aalinlangang humangos ako patungo sa kabilang kampo. Pilit man akong hinihila ng aking mga kasamahan pero wala namang nakapigil sa 'kin. Umalma ang kampo nina Lucio nang hinablot ko ang braso ni Jordanna. Pero agad din naman silang hinarangan at pinakalma ni Lucio, nang makita nitong hindi man lamang natitinag ang dati kong asawa sa aking paghila.

Matatatalim ang tingin nito sa akin, matapos nitong bawiin ang kanyang braso. Umatras ito papalayo at saka naglakad sa harapan ni Lucio; nakayuko, na tila ba, sinasamba na n'ya ito.

"Mahusay ako sa mga armas," Aniya, "At sanay ako sa pakikidigma. Maaari mong iutos sa akin ang kahit ano, kahit pa ang ialay ko sa 'yo ang ulo ng bawat isang kakalaban sa 'yo. Sa iyo na ako, panginoong Lucio. Paglilingkuran kita mula sa araw na ito."

Sinipat ako ni Lucio; nakangisi ito. "Kahit pa ang hingiin ko sa 'yo ay ang ulo ng dati mong asawa?"

Sinulyapan ako sandali ni Jordanna, "Kahit ngayon mismo, kung ipag-uutos mo."

Nagkagulo ang aming kampo; habang nagbubunyi naman ang kanila. Hinawakan ako nina Ricardo, at pilit na hinahatak ako sa kanilang likuran. Hindi ako naniniwalang kayang gawin ni Jordanna 'yun, kaya hindi ako nag-aalala. Mas umabante pa nga ako ng kaunti, para mas malapit ako sa kanya.

Binunot ni Lucio ang isang malaking tabak. Nagmula ito sa sahang nakasukbit sa baywang ng isa sa kanyang mga kakampi. Iniabot n'ya ito kay Jordanna, na walang padadalawang isip na kinuha naman ng huli.

"Ang ulo ni Jasper, 'yun ang gusto ko ngayon mismo." Nakangising utos ni Lucio sa kanya.

Umaasa ako na mag-aalinlangan man lang si Jordanna, pero laking gulat ko nang kinuha n'ya ang tabak kay Lucio, walang salitang naglakad diretso papalapit sa akin, at saka nito iwinasiwas ang hawak n'yang tabak sa akin. Nakailag ako sa una, sa pangalawa, sa ikatlo hanggang sa ikaapat ay nahagip na ng dulo ng kanyang tabak ang kaliwang braso ko. Napaatras ako, lalo na nang makita kong paparating na naman ito para sa susunod nitong pag-atake.

Sumugod ang aking mga kakampi. Ang iba'y hinila ako papalayo, ang iba nama'y susugod na sana kay Jordanna. Pero bago pa man mangyari ang huli, muling sumalubong sa amin ang mga alagad ni Lucio, na naging hudyat upang magkagulo na naman ang buong kapaligiran.

Sa gitna ng pagkakagulo, muli na naman kaming nagkaharap ni Jordanna. At walang habas na pinagatangkaan ako nitong tagain sa bandang leeg, na naging dahilan naman ng makailang beses kong pag-atras. Sa kabila ng aking pag-ilag, pilit ko pa ring sinisipat ang kanyang mukha. Seryoso ang ekspresyon ng mukha nito. Sa ikinikilos at determinasyon nito—kahit na ilang beses pang itanggi ng utak ko—ay unti-unti na akong nakukumbinsing...desedido talaga itong pugutan ako ng ulo.

JASPER, The Demon SlayerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon